Minsan, Nakakilala ang Balahura ng Survivor
Enero 3, alas dos ng umaga. Naghuhukay ako sa laptop ng mga bagay na pwede kong isulat o tapusin. Gusto ko lang kasing magsulat bago ako matulog. Sa isang folder na nilalagyan ko ng mga ideya, konsepto't kaisipan, nakita ko ang isang text file na ang label ay 'The Running Horse'.
Binuksan ko ang file. Wala ni isang letra ang nakasulat.
Pero sa pagbukas ko ng file, pilit kong hinalughog kung ano ang buong mensahe ng tag na 'running horse'. Naalala ko pa ang buong quote. Sabi, 'The running horse does not know why it is running a race. It only runs because of the pain caused by the whip of its master. Life is a race. When we are in pain, then clearly, the Lord, our Master, wants us to win.'
Naalala ko din yung taong nagsabi nun.
Celia ang pangalan niya. Breast Cancer survivor noon si Ate Celia. Wala na siya ngayon.
Pero ganun pa man, sigurado ako, hindi sumuko si Ate Celia hanggang sa dulo.
Nakilala ko si Ate Celia sa Gift2Life, isang non-profit organization na naglalakbay sa lahat ng sulok at baranggay ng Pilipinas para ipalaganap ang kaalaman hindi lang tungkol sa Breast Cancer, kundi pati na rin sa buhay. Ito yung grupo kung saan ako vino-lunteer ng nanay ko. Wala akong breast cancer, pero miyembro ako ng Breast Cancer Awareness Advocacy group. Sa grupong ito, iba't ibang uri ng tao ang makakasalamuha mo. Iba't iba ang ugali, iba't iba ang kino-contribute sa grupo, pero gayunpaman, grabe ang magic, kasi kahit sobrang magkakaiba kami, para kaming isang malaki at masayang pamilya.
Si Ate Celia yung isa sa mga breast cancer survivors na nagbibigay ng testimonial pagkatapos magsalita ni Doc Tina. Iku-kwento niya yung karanasan at saloobin niya tungkol sa pakikipaglaban niya sa breast cancer. Hindi kami masyadong nagkasama ng matagal, kasi bihira lang naman akong sumasama sa mga advox, pero yung maiksing panahon na kasama ko si Ate Celia, sapat na para matandaan ko siya habambuhay. Para sa akin kasi, bayani si Ate Celia.
Pag ipipikit ko ang mga mata ko para alalahanin si Ate Celia, ang maalala ko ay yung pag-singkit ng mata niya sa tuwing ngumingiti siya. Lagi kasi siyang nakangiti. Ang tumatak sa utak ko na lagi niyang suot ay yung polo shirt niyang pink, maong, tsaka rubber shoes. Laging naka-bonnet o naka-sumbrero si Ate Celia. Manipis lang ang buhok niya, boy-cut, dahil sa Chemotherapy.
Bilib na bilib ako hindi lang kay Ate Celia, kundi pati na din sa iba naming mga kasamahan na pumupunta sa harap para ikwento sa mga tao yung mga pinagdaanan nila habang nilalabanan nila yung isang karamdaman na alam nilang maaaring kumitil sa buhay nila.
Akalain mo yun, tapos na nga yung laban, tapos haharap ka pa sa maraming tao para ikwento ulet lahat. Ang sakit kaya nun. Parang hinahalukay mo ulet lahat ng sakit, lahat ng takot, lahat ng galit. Tapos makikita mo pa yung mga tao nakatunganga sa iyo. Yung iba naiiyak nalang para sa iyo, yung iba naman makikita mo awang-awa sa iyo.
Sa loob-loob ko, gusto kong tanungin si Ate Celia, pati na din sila Ate Lety, "Adik kayo?"
Paano naman kasi, nandyan na nga yung sakit niyo, tapos ibo-broadcast niyo pa sa mga tao na may ganun kayo. Kung sakaling nakaraos na kayo sa laban, bakit kailangan niyo pang ikwento yun ng paulit-ulit? Kasi hindi lang naman isang beses nangyayari ang advocacy. Sa isang taon, ilang advocacy ba pinupuntahan natin? Sa isang araw, ilang grupo ang pinagbibigyan natin ng advocacy?
Minsan dalawa o tatlo sa isang araw, at wag na natin bilangin yung sa isang taon.
Tapos sa lahat ng mga advocacy na yun, paulit-ulit-ulit-ulit mong ikukwento yung pinagdaanan mo?
Masokista ka, 'te?
Buti nalang kamo, hindi umiral ang pagiging uchisera ko noon. Nakinig lang ako at nanood.
Naiinis ako ngayon kasi hindi ko na masyadong matandaan kung ano yung mismong kwento ni Ate Celia. Hindi ko na maalala kung ano yung mga mismong pinagdaanan niya kahit ilang beses ko ito narinig. Gusto ko pa man din alalahanin lahat ngayong gabi, kasi gusto ko siya bigyang papuri kahit matagal na siyang pumanaw.
Hindi na klaro sa akin ang buong kwento ni Ate Celia. May short term memory loss kasi ako eh. Hindi ko na matandaan ang mga eksaktong detalye, pero buhay na buhay parin yung mensahe ng kwento niya.
Ang natatandaan ko lang, teacher si Ate Celia. Naalala ko yun kasi nung minsang nagkasama kami sa kwarto, binanggit na sa akin yun habang tinutulungan ko siyang gumawa ng assignment ng anak niya. Ang natatandaan ko din sa kwento niya, alam ko tinago pa nya sa asawa niya yung sakit niya dahil natakot siya. Hindi mayaman sa pera sila Ate Celia noon, pero mayaman sila sa pananalig. Laging sinasabi ni Ate Celia, 'God will provide'. Wala silang pera, dasal lang ang panlaban nila, pero sunod-sunod na milagro ang dumating sa buhay nila. Hindi naubos ang mga taong tumulong sa kanila, hanggang sa maidaos ni Ate Celia ang treatments niya.
Nagulat ako kasi ang kwento ni Ate Celia ang nagpatunay na hindi nauubos ang mga tao na maaaring tumulong sa iyo. Sabi ni Ate Celia, huwag lang daw tayo mahiya manghingi ng tulong. Huwag daw tayong mawalan ng pagasa, dahil meron at merong tulong na dadating.
Ako pa man din, napaka-taas ng pride. Si Ate Celia ang nagturo sa akin na hindi masamang magpakumbaba para humingi ng tulong. Si Ate Celia ang nagpaalala sa akin na madami paring mabubuting tao, kahit na kaliwa't kanan ang mga garapal at salabusab dyan.
Sa tuwing tatawagin ang pangalan niya para magsalita sa harap, taas noo siyang lalakad papuntang stage, kukunin ang mic, at buong loob na ibabahagi ang kwento niya. Laging tumutulo ang luha ni Ate Celia sa tuwing magbabahagi siya ng kwento niya, pero nakangiti pa rin siya.
Sa tuwing makikinig ako sa testimonial ni Ate Celia at ng iba pang cancer survivors tulad niya (isa na dun si Ate Lety), parang lumolobo ang puso ko hanggang sa pakiramdam ko sasabog na ito. Pag kasama ko sila pakiramdam ko katabi ko si Lord. Kasi sa kanila ko naririnig yung mga totoong kwento ng pakikipagsapalaran, pananalig, at milagro. Hindi ko minsan mawari kung paano nagagawa ng mga taong ito na gawing isang malaking biyaya at inspirasyon ang pinakamasakit na pangyayari sa buhay nila. Hindi ko mawari kung saan sila humuhugot ng lakas, ng tibay ng loob, at ng puso para harapin ang madaming tao at sabihin sa kanila na 'Oo, nagkasakit ako. May sakit ako. Pero buhay ako ngayon, at masarap mabuhay.'
Hindi ko alam kung saan sila humuhugot ng tibay ng loob para ungkatin ng paulit-ulit yung masasakit na alaala para lang magbahagi ng mensahe sa mga tao.
At kaming mga nakikinig, hindi din maiwasang lumuha. Hindi maiwasang ma-elibs sa katatagan nila. Sa pananalig nila.
Humahanga ako dahil sa kabila ng karamdaman, humaharap sila sa tao para ibahagi kung gaano kasarap ang mabuhay. Sa kabila ng banta ng kawalan, humaharap sila sa maraming tao para ibahagi na marami pang natitirang mabubuting tao dito sa mundo.
Dadamayan ka, tutulungan ka, aakayin ka.
Wag ka lang mawawalan ng pagasa-- sa buhay, sa kabutihan ng tao, sa kabutihan ng Panginoon.
Akala ko narinig ko na ng buo ang kwento ni Ate Celia. Pero nang minsang nagkaroon kami ng advocacy para sa mga high school students kung saan hindi niya pwedeng ibahagi ang (sordid details) ng kwento niya, nakarinig ako ng isang kasabihang hanggang ngayon ay hindi ko makakalimutan.
'The running horse does not know why it is running a race. It only runs because of the pain caused by the whip of its master. Life is a race. When we are in pain, then clearly, the Lord, our Master, wants us to win.'
Panibagong aral na naman.
Elibs talaga ako dito kay Ate Celia. Kakaiba magisip. Paano ba niya nakuhang maging positibo sa kabila ng lahat ng hagupit ng latigo ng Panginoon? Paano pa niya naimbento itong kasabihan na ito? Sinong adik nga ba ang makakapag-isip pa ng isang inspirational quote habang puro kamalasan nalang ang nararanasan?
Adik tong si Ate Celia.
Pero tong adik na to, ang daming mabubuting bagay na binigay sa kapwa.
At saka totoo naman yung sinabi niya. Naging matatag si Ate Celia dahil sa naging karamdaman niya. Higit sa lahat, nagkaroon pa siya ng sapat na lakas at kabutihang loob para magbigay inspirasyon sa mga taong hindi naman niya kilala.
Napakataba ng puso ni Ate Celia. Napakatatag ng loob. Napakatibay ng pananalig.
Ito yung mga mensahe na habambuhay tatatak hindi lang sa grupo namin, kundi pati na rin sa lahat ng taong nakarinig ng kwento niya. Wala na si Ate Celia, pero ang mensahe't alaala niya, buhay na buhay. Hanggang sa pinakahuling sandali, alam ko, sigurado ako, hindi nawalan ng pananalig si Ate Celia.
Sana panatilihin nating buhay hindi lang ang alaala ni Ate Celia, kundi pati na rin ang kwento niya. Wag natin sayangin yung pinaglaban ni Ate Celia nung kasama pa natin siya.
Tuloy-tuloy lang tayo, Gift2Life.
Patuloy tayo sanang magbigay ng inspirasyon sa mundo.
Ate Cel, salamat ah.

