Minsan Lang Ako Gumawa ng Blog
Idol ko si Mr. Lorenzo
“Daddy sino ang friend mo sa school noon?” tanong ng anak ko.
Kaybilis nang pagdaan ng panahon. Mabilis pa sa inaasahan. Bumubulusok ang lahat ng bagay kung titingnan mo ang mga pinagdaraanan. Kung tititigan ang lahat ng mga naiiwan.
Tanda-tanda ko pa kung papano ko sinapak ‘yung kalaro ko noong talunin n’ya ako sa sugal ng lastiko. Kung papano ko tinadyakan ‘yung nandaya sa akin sa paggamit ng baligtarang pamato sa larong teks. Inihagis nang inihagis si Zuma ngunit hindi kailanman ito bumaligtad at tumihaya. Walang awang sinaid pati 1 to 100 na koleksyon ko ng Darna. Kaya’t nang mabuking ko nang minsang patalangin niya ako ay walang awa ko rin siyang ginawang Darna. Hindi bato kundi yung mga tangan niyang teks ang ipinakain ko sa kanya. Gagaguhin pa ako eh masgago naman ako sa kanya.
Gago talaga ako noon. Ikaw ba kayo mong manghingi sa nanay mo ng pera at sabihing ipambibili ng project gayo’ng ipampapanood lamang ng sine o ‘di kaya ay gagamiting pang-entrance sa gate ng Freshair Hotel para mag-swimming kasama ng mga tropa. Kaya mo rin bang hingiin ang perang sana’y ipambibili ng ulam ng nanay mo at sasabihing gagamitin mo ito pambili ng bagong libro sa school. Ngunit hindi n’ya alam ay susunugin mo lamang katitikim sa ibat-ibang klase ng yosi na halos ikaubo mo na. Ang lumabis na pera naman ay isusuka lamang sa hindi maatim na pait na lasa ng beer. Pinipilit lamang ubusin para ipakita sa mga tropa na cool ka. Kaya mo bang kupitin ang pambayad sa buwanang kuryente ng bahay ninyo para may pangregalo sa crush mo. Ang saya-saya mo dahil may pogi points ka sa kanya samantalang ang ina mo ay tuliro sa paghahanap kung saan niya na waglit ang itinagong pera. Iiling-iling na lamang siyang mangungutang sa ate niya kasi tanga-tanga daw niya. Ako, kinaya ko ‘yang mga ‘yan.
Kung noon ay konting galos lamang ay nilalapatan na ng aking ina ng pulang gamot at pennicilin sa tuwing madadapa ako ay bakit sumapit din ang pagkakataong hindi ko inalintana ang mga ginagawa niya sa akin. Pinili ko ang masaktan at masugatan sa kamay ng iba. Sa paghahanap ng kaibigan. Sa pagsali sa frat. Umaasang walang iwanan sa brotherhood kagaya ng pilat mula sa bakas sa paso ng sigarilyo. Ngunit bakit kami lamang ng aking ina ang humarap sa principal ng ipatawag kung sino ang kasapi duon nang minsang may maospital sa hazing. Ako lang ba ang matapang at hindi takot maexpel, gayong nanginginig na ako sa likod ng ina ko. Ayaw ko na maulit ang pagkabagot nang minsang masuspinde ako ng dalawang linggo dahil sa paglalagay ng buble gum sa paboritong upuan ni teacher. Nakakasawa rin pala ang hindi pinipigilan sa panonood ng TV katulad ng walang kamatayang hundred lives ni Super Mario. Nakakasawa ang mga katagang thank you Mario but our Princess is in onother castle. Nakakawala naman ng thrill ang buhay kapag nakuha na ang gusto mo. Kagaya ng pagcu-cutting classes. Papano ko ngayon gagawin ang pagtakas sa klase at pagsisinungaling kay inay sa pagsama sa barkada gayong malaya akong gawin ang lahat.Papano? Eh ‘di mag-li-low sa kalokohan at ng makabalik sa school.
Putcha. Bagong teacher. As in, bago lang siya sa pagtuturo. Wala pang karanasan sa kalokohan ng mga kagaya kong estudyante. Nag-iinit ako. Ako kaya ang kauna-unahang estudyante ang makakapagpa-walk out sa kanya. Kagaya ng pagwalk-out noon ni Miss Avocado. Hindi lang sa classroom kundi sa buong eskwelahan. Kawasa ay pabuka-bukaka siya sa harap ng klase kahit walang harang ang ilalim ng lamesa niya kaya nanggigil akong piktyuran siya. Ayun at kumalat sa eskwelahan na mahilig pala siya sa pulang t-back na underwear. In-fairness naman sa kanya dahil maputi at makinis ang hita niya. Nakakapangigil ng laman. Ngunit sa bagong teacher na ito, nakaprapraning kung papano gagalitin dahil wala sa mukha niya ang magalit. Parating nakangite. Parang walang problema sa buhay.
Tinesting ko si Sir. Ang gumegewang-gewang na upuan ang ipinalit ko sa upuan niya. Ano pa’t hindi pa nag-iinit ang puwet niya ay lumagapak na siya sa sahig. Ngunit bakit ganoon? Iba ang inaasahan ko. Hindi tulad noon. Ngayon walang tawanan. Walang ni isang nag-ingay.Walang nagsumbong.Walang naparusahan.Walang nagalit.Ako lang ‘ata.
Hindi ako tumigil kay Sir. Hindi ko siya tinantanan sa mga kalokohan ko. Ang bubble gum ay nawalan ng bisa. Ang picture ay hindi na naglalarawan sa pagkapahiya. Ang saradong pinto ay hindi kailanman nabuksan ng isang pabalibag na pagdadabog sa pagwa-walk-out. Ngunit hindi pa rin ako tumigil. At mas nangigil pa ‘ata.
Minsan absent ang teacher namin sa Homeroom Class. Si Sir daw ang aatend sa amin. Shit. Baka ito na ang pagkakataon ko dahil dito ay kulitan lamang ang ginagawa. Pinapabayaan ang lahat ng estudyante sa ibig nila, ang maging malaya.
Pumasok si Sir. Ngunit iba ang diskarte niya. Open forum. Pinatayo ang lahat. Pinaglead ng prayer ang napipintong valedictorian namin. Sa tagalog daw at free verse daw. Lord salamat at pinahintulutan n’yo kami na makasama sa aming pag-aaral ang isa sa pinakamabuting guro. Sumisipsip pa ‘ata si Inductivo samantalang alam na ng lahat na siya na ang tatanghalin na pinakamahusay na estudyante ng St. Loui.
Pinaikot ang lahat ng upuan. Isang bilog na magkakaharap ang lahat. Nilagyan lamang ng isang upuan na walang sandalan, iyong upuan ni Sir ngunit ngayon ay napaayos na at hindi na gumegewang. Kababakasan na nang tibay. Marahil kasing tibay ng taong gustong maupo duon. At ngayong malapit na ako magtapos sa sekondarya ay maaamin ko na, na matibay nga si Sir.
Unang sumalang si Mitch. Naupo sa gitna. Pinapikit ni Sir ang lahat. Pati siya nakapikit ng masilip ko sa pagkurap-kurap ko at pamboboso kung sumusunod ang lahat. Nagsalita si Sir (nakapikit din), Mitch may kaartehan ka sa katawan ngunit sana ay gamitin mo iyang kaartehan na iyan sa pangarap mong maging modelo. Konting sipag lang sa pag-aaral at makita mo makakamit mo ang lahat. Nagsalita din isa-isa ang bawat klase sa kanya. Puro papuri. Pagbati. Mga pagsasabi ng good luck sa napipintong pagkokolehiyo namin.
Tulad ng inaasahan. Tinawag ni Sir ang pangalan ko. Gusto kong tumakas. Gusto ko tumakbo palabas ng silid. Ngunit hindi. Matapang ako. Marami akong kaibigan. Marami akong napapatawa sa mga kalokohan ko. Marami akong ka-brother sa frat dito at hindi nila ako ilalaglag. Hindi ako mapapahiya. Kaya naupo na ako. Kagaya ng dati ay pumikit muli ang lahat. Nag salita si Sir na sa huli na daw siya magsasalita para sa akin at magsalita na ang may nais sabihin sa akin.
Wala akong masasabi sa’yo kundi magbago ka na. Good Luck! ( ‘di ko makilala ang boses nito.) Mag-aral kang mabuti at maging matino na sana. Sayang ka.
Crush kita kaya lang teacher’s enemy no. 1 ka eh. (si bakla ito.)
Salamat sa pagca-care mo sa akin. (hmmm...sigurado ako si Ruth ito.)
Sir siya ang may pasimuno ng mga kalokohan dito, totoong siya ay may mataas na ranggo sa aming fraternity, Sir sinasabi ko ito dahil baka makatulong tayo sa kanya. (Putcha. Papanong makatulong eh ikaw din naman ay kasama-kasama ko sa lahat ng mga kalokohan. Bestfriend nga tayo duon eh. Best friend ka nga bang maituturing sa akin?)
Mag-aral kang mabuti. Palagi mo tandaan na tayo din ang magdadala sa lahat ng bagay na ginagawa natin. Good Luck! (Ito lang ang sasabihin mo sa akin Sir. ‘Di mo ako susumbatan? Bahala ka. Baka wala ka talagang pakailam sa akin. Eh, sino ba naman ako sa iyo...Hindi matatapos ang araw na ito at malalaman ko talaga kung bakit ka ganyan.)
Nang hapong’ din iyon ay sinundan ko papauwi si Sir. Alam ko naman na walking distance lamang siya sa likod ng school namin. Pakubli-kubli ako sa likod ng mga poste ng Meralco habang tinatahak niya ang masikip at maputik na iskinita. Hindi na ‘ata mapasok ng sinag ng araw kahit tanghaling tapat ang ibaba ng mga bahayan duon dahil salasalabit na mga kalawanging bubungan ang dinaraanan namin. Maingay at magulo ang mga paroot-paritong lakaran ng mga tao. Tila hindi matapos ang makipot na iskinitang ito, ang nasa loob ko bago namin sinapit ang hanggannan ng isang mataas na pader. Palagay ko ay iyon ang bakod sa lumang pabrika ng mga tela. Pumasok si Sir sa isang kuwadradong Flywood. Kung hindi nga lamang dahil sa dinaraanan ito ng tao ay hindi ito matatawag na pintuan dahil halos nabubulok na at ano mang oras ay maaari ng humiwalay sa pinapakuan nito.
Sumisilip ako sa butas niyon. Biglang bumukas ang pinto. Isang matandang babae ang bumulaga sa harapan ko. Kitang-kita niya ang pagkagulat ko. Nais ko sanang tumakbo palayo ngunit tanto ko na hindi ko na alam ang daan palabas. Nakita ko si Sir na nakangite sa akin at pinaanyayahan niya akong pumasok. Pinaupo ako sa bangkito na gumigiwang din kagaya ng upuang minsan ay ibinigay ko sa kanya na naging dahilan ng paglagapak niya sa sahig. Pero sigurado ako na hindi ako itutumba ngayon nito kaya umupo na ako. Dalawang bata ang lumabas sa madilim na kwarto.
Tito, sino po siya? Siya ba ang sinasabi ninyo na paborito ninyong estudyante ninyo?
OO, siya nga iyon. Siya ang nakikita kong ako noon.
Pinakain ako ni Sir ng ensemada at kape. Nagkwentuhan kami at ‘di ko namalayan na ginabi na pala ako.
________________________________________________________________________________________
Para kay Teacher Lorenzo ng St. Loui, SALAMAT po!!! 
kua dyepps
ang sweet naman nito. nakakatuwa ka naman at di mo nakakalimutan ang mga gurong nagbigay saysay sa iyong pag-aaal ...
Tito, sino po siya? Siya ba ang sinasabi ninyo na paborito ninyong estudyante ninyo?
OO, siya nga iyon. Siya ang nakikita kong ako noon.
Pinakain ako ni Sir ng ensemada at kape. Nagkwentuhan kami at ‘di ko namalayan na ginabi na pala ako.
at ang dami mo adventures!!!!
"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."
Salamat!i
Salamat sa pagbabasa Talulot at K. Rom...
Ibang klase talaga noong nag-aaral pa ako (nag-aral ba ako?) o pumapasok pa ako sa klase(paminsan-minsan...) dahil panay kalokohan lang ang lahat. Binago ito sa isang iglap ng ikwento ni Sir Lorenzo ang naging buhay niya sa akin. Ang galing niya sa pagtuturo, nagsosolve iyon ng mga mathematic' problems na daliri lang ang gamit at kokote niya. Mahal na mahal din niya ang mga estudyante niya. Minsan pag-uwi ko ay dadalawin ko siya at bibigyan ng isang Power Hug.hehehe
Pwede bang ibalik ito kasi...
happy ako...
kasi nagkita kami ni Sir sa FB....
"kaya nga ako nagsusulat sa Filipino ay para mas maintidahan pa nila ako..."



,oks
ang galing nito dyepp, gusto ko ang pagkakalahad at ang nilalaman ng istorya mo. hehe...naalala ko din nung nasa school pa ako halos di pala tayo nagkakalayo ng kakulitan.