Minsan sa Isang Dalampasigan

aldrin t garcia's picture
| |

Minsan sa Isang Dalampasigan

ni Aldrin Garcia

 

     Naglalakad si Bert sa dalampasigan noon. Minamasdan niya ang ganda ng karagatan na nasa harapan ng namumulang araw na nilalamon naman ng tubig. Ang hangin ay umiihip ng malamig na simoy. Ang mga alon ay payapang gumagalaw.

     Ito na ang huling pagkakataon para mapagmasdan niya ang karagatan na nagbigay sa kanya ng pagkain, inumin at buhay.

     Tumingin siya sa kaliwa at nakita niya si Nena na papalapit sa kanya. Si Nena, para sa kanya, ay isang biyayang ibinigay ng karagatan. Animo'y isang diyosa na papalapit sa kinaroroonan niya. Akala nga niya noon ay isang sirena si Nena noong iligtas niya ito mula sa bingit ng pagkakalunod sa pusod ng dagat.

     "Buo na ba talaga ang desisyon mo?" tanong ni Nena.

     "Oo, mamayang madaling araw na ang alis namin." sagot ni Bert.

      Nagkaroon ng katahimikan. Tanging ang mahinang ingay ng alon at huni ng mga ibong pauwi sa kanilang mga tirahan ang maririnig. Lumapit sa dagat si Nena kung saan inaabot ng marahang alon ang kanyang mga paa. Sinundan siya ni Bert at nagsabi.

     "Alam mo Nena, sana naging sirena ka na lang. Para kung sakaling wala na ako, yayakapin ka ng dagat tulad ng pagyakap ko sa'yo. Hahagkan ka niya gaya ng paghalik ko sa'yo. At mamahalin ka niya tulad ng pagmamahal ko sa'yo."

     Nangilid ang luha sa mga mata ni Bert. Sinusubukan niya itong pigilan para hindi makita ni Nena. Ngunit si Nena ay hindi na napigilan ang luha. Ang kanilang mga damdamin ay nagkakaisa. Nalulungkot, nasasaktan. Humihiling ng marami pang oras upang sila'y manatiling magkatabi.

     "Sana nga Bert naging sirena na lang ako. Para mapawi ng dagat ang luha ko at para hindi mo makita na umiiyak ako at nasasaktan nang ganito. Sana nga naging sirena na lang ako para hindi na kita nakilala pa." hiling ni Nena.

     Si Nena ay nanginginig sa sakit na nararamdaman. Niyakap siya ni Bert nang mahigpit at narinig ni Nena ang bulong ng puso ng lalaking minamahal.

     Gaya ng isang pag-iibigang hindi na kailangan ng mga pangungusap, ang kanilang mga labi ay nagtabi. Hinagkan nila ang isa't-isa. Ang bawat halik ay puno ng pagmamahal na tanging ang payapang dagat at ang bumalot na dilim sa dalampasigan ang saksi.

     "Hindi mo na ako iiwan."

ALDRIN T. GARCIA

Naiyak talaga ako habang isinusulat ko ang kuwentong to. Lalo na sa mga binitiwang salita ng mga tauhan na galing din naman sa akin. =) At ang sarap ng feeling pakinggan mo pa ang My Heart will Go on..

Hope you'll like it guys!

 


aldrin t garcia's picture

ang saya...

ang saya...andami bumasa ng post ko...

though walang nagcocomment..hehe

....itaga mo sa bato...tiyak sira ang itak mo!!!