Mukhang Pera
MUKHANG PERA
Ni: Arvin U. de la Peña
Kailangan ba na magmukhang pera ang isang tao para sa lalong ikararangya ng buhay niya? Nakakalungkot isipin na may mga tao na nasa gobyerno ang kailangan pang mangurakot o pumasok sa isang transaksyon na ang pagpayag nila ay kapalit ng napakalaking halaga.
Halimbawa na lang ay sina dating Presidente Gloria Macapagal Arroyo, dating first gentlemen Jose Miguel Arroyo, dating COMELEC chairman Benjamin Abalos, at dating DOTC secretary Leandro Mendoza. Sila ay mayaman na. Mayroong pera na kung anong gustuhin nila pati mga anak ay maibibigay. Kayang kumain ng masasarap na pagkain na ang mga iyon na pagkain ay pangarap lang ng mga mahihirap. Kayang pumunta sa iba't ibang lugar at magpakasarap doon na ang mga lugar na iyon ay sa panaginip lang naaabot ng mga taong walang masyadong pera dahil dukha. Pero sila ay nasangkot sa NBN-ZTE scandal.
Hindi lang naman silang apat. Kundi marami pang iba na nasa gobyerno o ahensya ng gobyerno, lalaki man o babae ang mga mukhang pera. Hindi pumipirma kapag walang perang binibigay. Hinuhuli ang isang tao pero pakakawalan naman kung magbigay. Tatakutin ang isang tao lalo na kung may negosyo na ipasasara dahil may kaunting violation sa pagtayo ng negosyo pero kung magbigay ng pera ay hindi na. Marami pang iba na pagkakaroon ng pera na hindi pinaghihirapan ng nasa gobyerno o ahensya ng gobyerno na salita lang ang gamit o ballpen. Sobrang pera ang napapasakamay nila kaysa sa kanilang suweldo bawat buwan.
Natitiis nila na mapakain ang kanilang pamilya na galing sa masama ang perang binili.Sila na mga mukhang pera ang dahilan kung bakit hindi umuunlad ang ating bansa. Ang ibang taga ibang bansa na tao na dayuhan din kung tawagin na gustong magnegosyo dito sa Pilipinas ay hindi na lang itinutuloy ang balak. Paano itutuloy ang balak na pagnenegosyo kung hindi pa man nag-uumpisa ay maraming pera na ang nailalabas para sa mga taong dapat bigyan ng pera. Gayong wala naman kasiguraduhan kung talagang magtatagumpay ang itatayong negosyo.
Kung sino man ang taong naniniwala na may pag-asa pa na umunlad at umasenso lalo ang bansang Pilipinas ay dapat na sigurong ibahin ang paniniwala niya. Dahil ang mga mukhang pera na tao sa gobyerno o ahensya ng gobyerno ay hindi mawawala. Ang mga matanda na ngayon na mga mukhang pera sa gobyerno o ahensya ng gobyerno kapag wala na sa serbisyo ay mayroong papalit na bagong sibol na mga mukhang pera. Tatakbo ka ba sa halalan. Maglalabas ng maraming pera para ibigay sa mga botante kung hindi mo iyon babawiin kung makaupo ka na sa posisyo na tinakbuhan.
Oo nga magsusumbong kung may makilala na mukhang pera sa kinauukulan o dapat pagsumbungan. Pero paano kung ang pagsusumbungan ay mukhang pera din. Tiyak ay walang mangyayaring maganda para sa pagsusumbong. Birds of the same feather flock together. Silang mga corrupt ay magkakampihan . Ayaw ilaglag ang kapwa corrupt dahil baka sila ay ilaglag din. Kung mayroon man corrupt na nilalaglag ang kapwa corrupt ay bihira lang. Minsan lang iyon nangyayari. Kinakapalan ang kanilang mukha na humarap sa mga kaibigan na mabubuti lalo na kung may okasyon at nagpapakita ng pagkagalante. Walang pakundangan kung gumasto sa inuman kasi galing sa pangungurakot ang pera, hindi pinagpawisan. Higit sa lahat kung mahilig magsugal ay sugal ng sugal ang mga taong mukhang pera.


