MULI, ANG MGA BATA (ni Allanjohn Andres)

Allanjohn Andres's picture

 

Sa karaniwang kalakaran, sila ang paksa
ng aking malungkuting katha, mga bata
na sa kung anupamang tagilid na kumpas
ng kapalaran, ay waring di lumalaki
nang tuwid, madungis at bungi, tumatawid
mula libaging pisngi hanggang  leeg
ang sinu-sinulid ng natuyong laway.
At lalo kung napapasabak sa away,
mapa-mainit, mapa-malamig ang panahon,
halatang hindi sila nauubusan ng sipon.

Nitong umaga, nasalubong ko sila
habang naglalaro ng tumbang preso
sa ginagalos na kalsada. Magaralgal
ang kanilang kantiyawan, gayong pasado
alas-otso, at walang busal panigurado
kahit impis na pandesal o biskotso
ang sikmura nilang nag-aalboroto
nang, bigla, ay mapansin nila
ako, naglalakad nang solo, kala-kaladkad
ang ga-daigdig na bigat ng magdamag
na di mapakali at dilat. At
walang pasabi o abiso, tinawag nila ako
sa pangalang naaalala lamang natin
tuwing magpa-Pasko. Ewan ko
kung ano ang nag-udyok sa kanilang tawanan;   
dahil ba sa balbas o lumalaking tiyan,
di na importante ang dahilan,
basta’t sa loob-loob ko noo’y palaisipan
kung paano nakikita nitong mga bata
ang Pasko sa ganitong kalintikan.

Sa FX kanina, kaharap ang mag-ina
samantalang mag-iisang oras nang tulala
ang nakaparadang trapik sa abenida,
pinipilit ko magbasa 
ng tula, nang bigla, “Mommy o, si Santa”
sabay turo sa akin ng bata. Ewan ko
kumbakit pati ba naman dito;
dahil ba sa balbas o lumalaking tiyan,
di na importante kung ano,
basta't pigil ang sariling halakhak,
agad dinakma ng ina
ang nakatuong hintuturo ng anak. At
komo nagulat,
napalakas
ang bigwas,
maya-maya pa’y umawas
ang luha
sa mukha
ng bata,
umapaw
ang palahaw
sa sinasakyang ayaw
gumalaw.
Nabulahaw
ang naalimpungatang pasahero. Tinodo
ng drayber ang bolyum ng radyo.  
Napatingin ako sa malayo.
Nakaganti rin ako, sa loob-loob ko.