Nakaw na Sandali

alvinringgo's picture
| | |

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging kaibigang

makikinig sa ‘yong kuwento, mapagsasabihan ng sikreto.

Makakasama sa tagayan hanggang abutin nang magdamagan.

Yayakapin ka nang mahigpit hanggang pait ay mahugasan;

makikihati sa suliranin, kakampi sa bawat laban. 

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging kapatid

na makakatuwang sa paglaki, sa bawat pangarap sasaksi.

Katuwang sa mga gawaing-bahay, kapantay sa lahat ng bagay.

Kahiraman ng damit, tagapagtanggol sa mga kaaway;

may ugnayang di nalalagot matagal mang magkawalay. 

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging gurong

gagabay; sa tuwina’y hahamunin kang ibigay ang buong husay.

Tuturuan kitang bumasa, sumulat, bumilang ng karanasan.

Magkatuwang nating dukalin ang nagkukubling karunungan

at namnamin ang kariktan sa bawat pahina ng ating panitikan. 

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging magulang

na sa iyo’y mag-aaruga at kukupkop sa dulang na payapa.

Maghapon akong magpapagal upang buhay mo’y guminhawa.

Pagyayamanin ka sa tuwing maysakit; bawat kakanin, siyang maghahanda;

Buong puso sa iyong tatanggap; sa galing mo’y habambuhay na maniniwala. 

Hayaan mong gampanan ko ang pagiging asawang

kapilas ng kaluluwa; may pintig na kasabay ng puso, ng bawat paghinga.

Mga daliri ko’y tumpak na kalapat ng mga puwang sa iyong kamay.

Magsasalo tayo sa bawat hirap at ginhawa, kabigua’t tagumpay;

kapag balisa sa pagsubok, pag-ibig ang papayapa, magpapatulog, dadantay. 

Hayaan mong maging tao akong buhay sa iyong buhay;

may laman, may dugo, may ulirat, may tinig at anyo.

Itulot mong mapagsilbihan kita, magawan ng kabutihan.

Dahil bukas, mukha ko’y mabubura, pangala’y lilimutin;

Maglalaho sa lahat at muling ikukubli sa iyong mga lihim. 

Alvin Ringgo C. Reyes

Si Alvin Ringgo C. Reyes ay isang propesor sa kolehiyo na nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino (magna cum laude) sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang nagtatapos ng kanyang Master sa Sining sa Araling Filipino – Wika, Kultura, Midya sa Pamantasang De La Salle – Maynila. Tagapagsalita at delegado rin siya sa mga seminar-worksyap sa wika at panitikang Filipino at edukasyong propesyonal; may-akda ng mga aklat na pangguro at pangmag-aaral sa mataas na paaralan; tagapagsalin; kontribyutor sa mga magasing pang-edukasyong propesyonal; at aktibong kasapi ng mga samahan sa wika at panitikang Filipino, gaya ng Wika, Inc., at Sanggunian sa Filipino. Kasalukuyan din siyang nanunungkulang kagawad ng lupong pampamunuan ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Inc. Napili rin siyang Fellow sa Ikatlong Palihang Rogelio Sicat Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.


aqueouscribe's picture

gusto ko to...

i like this... 

 

Hayaan mong maging tao akong buhay sa iyong buhay;

may laman, may dugo, may ulirat, may tinig at anyo.

 

lalung-lalo na 'to Smile

--------------------------

www.lapisatkeyboard.blogspot.com 

Similar entries