Nalilitong Puso
Dedlayn na mamaya.
Sampung guro pa ang natitira sa computer room ng faculty room. Anim pa ang naghihintay sa labas at pasilip-silip sa loob para tingnan kung may nababakante nang upuan. Lahat ay aligaga sa paghahanda ng liham na magpapasya ng kanilang kapalaran sa paaralan. May mga nakangiting nagtitipa ng kanilang liham-reaplikasyon at nananalanging magkaroon pa rin ng trabaho sa papasok na taon. May mga nagtitipa ng liham-resignasyon na dinig na dinig ang mabigat na pagpindot sa keyboard, na tila ba ipinagmamalaking sa wakas ay “malaya” na sila. May mga nagtitipa sa napakaliit na font upang di mabasa ng mga katabi ang nilalaman ng kanilang liham. Mayroon ding nakatulala lang at tila malalim na pinag-iisipan ang mga salitang bibitiwan.
Gayong abala ang mga gurong may probationary status sa paghahanda ng kanilang mga liham, isa namang permanenteng guro ang tahimik lang na nakaupo sa lounge. Nakabukod siya sa lahat. Nag-iisa. Nakatanaw sa malayo habang marahang nakalapat ang kamay sa laptop at nag-iisip nang malalim. Siya si Mrs. Gonzaga.
Limang buwan lang ang nakakalipas, Ms. Asuncion si Mrs. Gonzaga. Bagong-kasal lamang siya. Kapag nakita silang magkasama ng kanyang asawa, unang mapapansin ang pagkakaiba ng kanilang anyo. Maputi, maganda at matangkad si Ms. Asuncion habang ang asawa naman niya’y maitim, di-kaguwapuhan at bahagyang maliit sa kanya. Marami nga ang nagbibiro na pinakasalan lamang ng dalaga ang ginoo dahil sa salapi nito. Computer engineer kasi ang lalaki na nagyayao’t dito sa iba’t ibang bansa para sa kanyang trabaho. Nagagawa nitong suportahan ang lahat ng luho ng kanyang asawa na kilalang materyalistikong babae. Ngunit sa kabilang banda, may mga nagsasabi ring tunay na nagmamahalan ang dalawa. Magkababayan daw ang dalawa sa Bicol kung saan una silang nagkakilala. Biro pa nga ng ilan, ito ang siyang “tunay” na pag-ibig sapagkat sumang-ayon ang babae na magkaroon ng panghabambuhay na pananagutan sa lalaki sa kabila ng umano’y below standards nitong anyo. Maniniwala na sana ang lahat kung hindi nasaksihan kay Ms. Asuncion ang kakatwang pagbabago.
“Napakalandi talaga!” wika ng isang guro sa kanilang huntahang magbabarkada.
“Korek! Hindi ba sila nahihiya? Buong araw na lang, magkasama sila kahit saan. Sinusundo’t hatid pa nga iyan araw-araw.” sang-ayon naman ng isa.
“Alam mo, ate, I think she’s falling in love with the guy. Inoobserbahan ko, eh.” pahayag naman ng isa. “May kakaibang kislap ang mga mata ng girl pag kasama ang guy.”
“Hindi naman siguro. Baka naman namimis-interpret lang natin.” taliwas na opinyon naman ng isa.
“Hindi, ate! Obserbahan mo siya, wala na siyang ibang bukambibig kundi ‘Mat’, ‘Mat’, ‘Mat’!” pagpapatotoo ng isa. “Mas madalas pa nga niya iyong naikukuwento kaysa sa asawa niya.”
“May point si Divine. Alam mo nga, nahuli ko minsan ang mga mata niyan no’ng may ibang kasabay si Mat kumain. Umirap ang mga mata, friend. Tsuk!” sang-ayon naman ng isa.
“I agree! Di lang ‘yon. Araw-araw, pinagluluto niya ng pagkain. If they are just plain friends, bakit hindi siya magluto para sa buong barkada o mag-alok sa iba.” dagdag ng isa. “Okay lang sana kung isang beses lang, eh but my god, it’s very consistent!”
“Hindi lang iyon, friend. Sana, di sila nakikita ng mga bata. Pinatawag na nga raw ni Mrs. Garucho iyang dalawa, e. Ewan kung ba’t lagi pa ring magkasama.” saad naman ng pinakamatanda sa grupo.
“Kawawa naman. Mukhang nalito na ang gaga. Ngayon pa, may asawa na siya, friend. Iyon iyon, eh. May asawa na siya!” mariin namang pahayag ng isa habang bahagyang nakatakip pa ang mga bibig.
“Bahala sila. Matatanda na sila!”
Batid ni Mrs. Gonzaga na pinag-uusapan siya ng buong paaralan. Maaaring tahimik lamang ang mga bulung-bulungan ngunit alam niyang mayroon. Nahuhuli niya minsan ang palihim na tingin ng kanyang mga kasamahan kapag kumakain sila nang sabay ng kapwa-gurong si Mat. Nagtataka naman siya minsan kung bakit mula sa malayo ay masayang nagkukuwentuhan ang mga kasamahan at nagtatawanan ngunit pagdating nila ay biglang natatahimik.
Sa bagay, matagal na rin naman silang magkaibigan ni Mat. Bago pa man sila ikasal ng kanyang asawa, itinuturing na ni Mrs. Gonzaga na matalik niyang kaibigan si Mat – isang taong lagi kasama niya sa paga-unwind matapos ng isang linggo ng nakaka-stress na pagtuturo; isang taong napagkukuwentuhan niya ng mga sama ng loob, tungkol man sa bahay o sa faculty; at isang taong laging naniniwala sa kanyang kakayahan at nagpapalakas ng kanyang loob kahit laging ipinamumukha sa kanya ng kanyang coordinator na maraming mali sa kanyang ginagawa. Kung tutuusin, natagalan lang niya ang pakikibaka sa paaralang pinagtuturuan dahil kay Mat na itinuturing niyang pinakahuling ningas ng sayang nananatili kapag lahat ng bagay sa kanyang pinagtatrabahuhan ay nagdilim na. At marahil, kung mas madalas man silang nakikitang magkasama ngayon, iyon ay nagkataon lang sapagkat madalas na ngayong nag-iisa si Mrs. Gonzaga, lalo na kapag nasa labas ng bansa ang asawa. Ngunit sa puso niya, sa labas ng nakakuwadrong paningin ng mga tao sa kanyang paligid, batid niyang nag-iisa lang ang lalaki sa kanyang puso. Hindi nasusundan ng lahat kung ano ang nangyayari sa kanya pag-uwi mula sa trabaho, hindi nakikita kung anong ugnayan mayroon sila ng kanyang asawa kapag sila na lang ang magkasama, hindi nakikita kung ano ang kanyang nasa loob at tunay na itinitibok ng kanyang puso ngunit sa lahat ng ito, nananatili siyang tapat sa sinumpaan sa dambana ng Panginoon.
Tatlumpung minuto na lang.
Isa-isa nang nagbababaan ang mga guro at nagpapasa ng kanilang mga liham. Maya’t maya, maririnig ang pagbubukas-sara ng pinto sa computer room at ang paglabas ng mga guro sa faculty room. Makikita rin ang maliliit na kumpulan ng mga guro na tahimik na pinagkukuwentuhan ang pasya ng isa’t isa. May mga usapang kababakasan ng tapang, may iba namang umaalo sa humihikbing kasamahan. Sa lahat ng ito, wala pa ring masyadong pagbabagong mababakas kay Mrs. Gonzaga, maliban sa petsang naitipa na niya sa kanyang laptop. Malalim pa rin niyang pinag-iisipan kung mananatili sa paaralan o tuluyan nang aalis dito.
Nagtatalo ang kanyang isip. Kung siya’y aalis, sa wakas, makakalaya na rin siya mula sa panghuhusga ng buong paaralan. Wala na siyang matatalim na titig na makikita, mga bulung-bulungang maririnig, pagpapatawag ng punongguro na kailangang puntahan. Hindi na rin kailangang maging pigil ang kanyang sarili at normal na siyang makakakilos bilang siya nang hindi isinasaalang-alang ang maaaring sabihin ng iba. Sa kabilang banda, mangangahulugan naman ito ng pagkakawalay nila ng landas ni Mat. Hindi na niya ito araw-araw makakasama, matitigil na ang masasaya nilang kuwentuhan at biruan, matutuldukan na ang pagpapatikim nito sa bawat putaheng kanyang iniluluto. Hindi na niya maririnig ang mga nakakatabang-pusong papuri nito, ang pakikinig nito sa kanyang mga problema at pagbibigay-payo, ang pagtatanggol sa kanya mula sa mga kritiko tuwing may faculty meeting, kung saan, naisasantabi ang kanyang mga ideya. Pero kung mananatili siya sa paaralan, matinding pakikibaka na naman ang kailangan niyang gawin at pagud na pagod na siya sa pagpapaintindi ng kanyang sarili sa iba. Pero paano na si Mat?
Mababakas na ang kunot sa mga noo ni Mrs. Gonzaga. Damang-dama ang kalituhan sa dapat niyang gawin. Ngunit pagkaraan ng ilang saglit, nagpatuloy ang pagtitipa niya sa kanyang laptop at tahimik na narinig sa kanya…
“Bahala na.”
Si Alvin Ringgo C. Reyes ay isang propesor sa kolehiyo na nagtapos ng Bachelor of Secondary Education Major in Filipino (magna cum laude) sa Unibersidad ng Santo Tomas at kasalukuyang nagtatapos ng kanyang Master sa Sining sa Araling Filipino – Wika, Kultura, Midya sa Pamantasang De La Salle – Maynila. Tagapagsalita at delegado rin siya sa mga seminar-worksyap sa wika at panitikang Filipino at edukasyong propesyonal; may-akda ng mga aklat na pangguro at pangmag-aaral sa mataas na paaralan; tagapagsalin; kontribyutor sa mga magasing pang-edukasyong propesyonal; at aktibong kasapi ng mga samahan sa wika at panitikang Filipino, gaya ng Wika, Inc., at Sanggunian sa Filipino. Kasalukuyan din siyang nanunungkulang kagawad ng lupong pampamunuan ng Pambansang Samahan sa Linggwistika at Literaturang Filipino, Inc. Napili rin siyang Fellow sa Ikatlong Palihang Rogelio Sicat Pambansang Palihan sa Malikhaing Pagsulat ng UP Diliman Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas.
Alvin Ringgo C.
Alvin Ringgo C. Reyes
Maraming salamat sa pagtunghay mo sa mga akda ko, karlaloo. Para sa akin, hindi ang ineyt o katutubong ganda ng isang obra ang pamantayan ng halaga nito kundi ang mga mambabasang tumatangkilik, nakaka-appreciate. Sa huli, hindi naman tayo sumusulat para mailimbag lang ang mga pangalan natin sa dakilang talaan ng mga imortal na manunulat kundi para makapagdulot ng bisa sa kapwa natin, kahit tahimik na sundot lang iyon ng aral o saya. Hanggang nakakamit ko iyon, na malalaman ko lang syempre sa pamamagitan ng kapwa-taong nagsasabi, doon ko lamang napapagtantong nagtatagumpay ako bilang manunulat at apirmasyon iyon na dapat akong magpatuloy.
Samantala, walang huli sa pagsusulat. Noong kolehiyo nga ako, major pa ako sa Filipino, hindi ko ugaling magpalipas ng oras sa pagkatha kundi rekisitos sa kurso. Ngayon, habang maaga, binabawi ko ang panahon at sinusubukang magsulat. Lahat tayo'y mamamatay pero mananatiling buhay ang mga nailimbag natin magpakailanman.
Marami din akong
Marami din akong kilalang guro na major sa Filipino na may sapat na kaalaman na ituro ang wika, ngunit walang panahon na pagyamanin ang wika sa pamamagitan ng pagsusulat. Marahil yan ay isa sa dahilan kung bakit nanatiling bano ang karamihang Pilipino sa paggamit ng wika.
Sulat lang ng sulat at marami ka pang matutunan sa site na ito.
Ingat.
"Bago ka mangarap...maghubad ka muna"




hello
nakikita ko ang iyong mga akda..
magaganda sila.. ;)
isa kong comarts student sa ue (graduating) hehe
ngayon lang ulit ako bmbangon sa nasira kong panagarap ang .. pagsususlat..
sna mula asa akda mo. makakuha ako ng konting kaalamn muli pra
makapagsimula sa pagsususlat.. salamat!