Nang Ako Ay Mabangga
Masayang-masaya ang araw ko kanina, dahil pumunta kami sa SM Southmall at namili ng pamasko nga. Tapos, sa 'di inaasahang pagkakataon, mauuwi ang masayang umaga sa malagim na hapon.
Sampung minuto bago mag-alas-dos ng hapon. 'Yun ang nakasulat na oras sa sketch ng traffic enforcer. Oras ng aksidente.
Magpapasko na naman. Nung nakaraang taon, bago rin magpasko, naaksidente na rin ako. Pedicab naman ang nakasagi sa akin nun. Katulad nung isang taon, malamig ang pasko ko nang mawala ang isang minahal ko - bago ikaw.
Kanina, Mitsubishi L200 naman ang nadale ko. Isang pick-up. Gitgitan kasi nun paglabas ng SM Southmall. Ako naman, mahilig sa ganun, yung tipong sugod ng sugod, kaskaserang driver nga raw. Katulad nung minahal kita, kahit makipot ang daan humayo pa rin ako para makarating sa 'yo.
Ang sasakyang minamaneho ko ay Toyota Innova. Magdadalawang taon pa lang iyon sa amin, at dalawang taon ko na ring nadadale.
Ang front bumper ko ay sumadsad sa likurang bahagi ng L200. Katulad nung sumadsad ako sa lupa - sugatan - matapos mong iwan. Akala ko minor damage lang, pero kinabahan ako nung narinig ko ang langitngit "Krr.. Krrrr." Sabi ko sa isip ko, "Takte, sumayad ako." Hindi ko akalaing matindi pa dun ang inabot ni Avonni.
Hindi ko na nagawang lumabas ng sasakyan. Natakot kasi ako. Anong gagawin ko? Anong sasabihin ko? Hindi ako makapag-isip ng maayos nun. Katulad nung pagiging aligaga ko nung gabing maghiwalay tayo. Maya-maya ay lumapit nga yong Traffic Enforcer para i-sketch ang aksidente. Biglang nag-flashback sakin ang mga nagawa kong kapalpakan sa pagmamaneho. Katulad nung kusang umusbong ang mga alaala ng ating pinagsamahan. Pagkatapos ng kaunting pinag-usapan, nag-convoy kami papuntang presinto para makapag-file ng police report nang sa gayon ay ma-cover ng insurance ang bayarin sa pagpapakasa. Katulad nung pagiging sunud-sunuran ko sa iyo noon, para mapanatili ang liyab ng ating pagsasama, at makabawi sa mga kasalanan.
Kinunan ng buraot na pulis ang areas of damage sa dalawang sasakyan. At pinagbayad kami ng 200 kada isang kuha, lumalabas 400 ang babayaran. Tanginang yan, dinaig pa ang grad pic sa mahal. Isang click sa pipitsuging digicam, 200 na? Edi sana ako na lang ang kumuha, kahit ilang shots pa. Bumaba tuloy ang tingin ko sa pulis, dahil sa pangungurakot ng isa. Katulad nung bumaba ang tingin ko sa kalalakihan, dahil hindi ka naging tapat. Dahil hindi ka na-kuntento sa kung anong meron ka, naghanap ka pa sa iba. Sabagay, mukha naman talaga siyang buwaya. Yun nga lang, wala sa itsura mo na gago ka. Pero ganun talaga, iba na ang panahon. Iba ka na ngayon.
Maging sa loob ng presinto ay wala akong ka-imik-imik. Hindi ko masabing tulala ako, dahil lumilibot ang paningin ko sa maliit na headquarters, naghahanap ng kapaki-pakinabang na impormasyon. Katulad nung pag-espiya ko sa profile mo, umaasang makakita ng kahit maliit na hudyat na naaalala mo pa rin ako. Pero wala akong nakita.
Nung una kong makita ang damage sa sasakyan, ang pumasok agad sa isipan ko ay, "Shet. Kasalanan ko na naman." Katulad nung paninisi ko sa sarili ko dahil na rin sa paninisi mo. "Bakit ba hindi na ako nadala?" "Bakit ba hindi na ako natuto?" Tapos napansin ko, wala man lang kagasgas-gasgas yung pick-up. Palibhasa, meron siyang bumper guard na bakal. Katulad mo na walang pakiramdam, ni hindi natinag sa ginawang kagaguhan. Ang kapal ng apog mo, sing-kapal nung bakal na kumukulambo sa bumper na iyon. Samantalang ang Innova ko, pucha, wasak na wasak at halos sumayad na ang naputol na bumper nito. Palibhasa, manipis na lata ang materyal nito, hindi tulad nung bakal sa kabila. Katulad ng puso ko, na napakalambot, napakahina, wala halos saplot kundi ang sobrang pagmamahal sa 'yo.
Pagkatapos kong makauwi, nanginginig pa rin ang tuhod ko, at ang sakit-sakit ng ulo ko. Kaya sandali akong nagpahinga. Nang magising ako, hiniling ko na sana panaginip lang ang lahat. Katulad nung paghiling ko na hindi na lang nangyari ang lahat sa pagitan natin. Pero hindi. Andun pa rin si Avonni, wasak ang front bumper at nakaaawa. Katulad nung kaawaan ako ng aking ina matapos mo akong iwan, dahil kitang-kita niya ang pagdadalamhati at bigat ng aking pakiramdam. Inisip ko na lang, sana bago matapos ang taon, maayos na ang sasakyan. Katulad ng pagpursige kong ayusin ang sarili ko, at muling buuin ang pagkatao kong binahagi sa 'yo. Sana ay hindi na umabot sa 2010 ang alaalang 'to.
Sa huli, bumatingting na naman ang sinabi ng tita ko. "Mabuti nang hindi tayo nasaktan. Mabuti nang sasakyan ang nadale kesa tao. Dahil ang sasakyan napapalitan, ang buhay hindi mo na maibabalik kahit anong ibayad mo."
Gayunman, mas pipiliin kong ikaw ang mawala sa akin, kesa ang sasakyang ito.
http://forcedengineer.wordpress.com
Merry Christmas!
Oo nga e, kaya nga inuubos ko na lahat ng nakatambak dito na mga isinulat ko tungkol sa kanya. Para pagdating ng 2010, hindi na ako gagawa ng kahit anong akda na may patungkol sa kanya. Hanggang 2009 na lang siya no. :))
http://forcedengineer.wordpress.com



naku! 7days na lang 2010 na.
naku! 7days na lang 2010 na. kelangan mo na kalimutan ang alaalang yan/nya....;-)