nang ipagpalit n'ya ako sa isang tumpok ng bulaklak
tinanaw ko s'ya sa malayo, katulad ng lagi kong ginagawa kahit noon pa man.
tinawag ko ang pangalan n'ya, hindi ko inaasahan ang kanyang paglingon ngunit lumingon s'ya.
ngumiti ako,
ngumiti s'ya,
naghawak kami ng kamay at naglakad lakad sa parke.
akala ko kami na, akala ko, mahal n'ya na talaga ako,
naupo kami sa damuhan,
hinawakan ko ang kanyang kamay at pahigpit na sana sa isa't isa ang aming mga daliri ng umulan ng bulaklak.
tumayo s'ya at nagsayaw sa gitna,
nagsayaw palayo sa akin habang sinasalo ng kanyang mga kamay ang mga humuhugos na bulaklak at ito'y kanyang itinambak sa kanyang dibdib,
muli ko s'yang tinawag,
bakit ako aasang lilingon s'ya?
nagkamali ako...
tumakbo s'ya palayo,
habang ang kanyang yabag ay kinutya ang aking
pusong bigo.


