napapagod din pala ang puso
akala ko noon hindi na kita mapapatawad, paano ba naman ipinagpalit mo ako sa iba. masakit yun ha! ilang baldeng luha ang iniluha ko sa'yo. unang boyfriend ba naman at matalik pa kitang kaibigan. kaya nga ikaw ang pinili ko dahil kilalang kilala mo na ako. magkasama tayo sa lahat ng problema, sa lahat ng saya, sa lahat ng kulitan... hindi biro ang ating pinagsamahan.
nang sabihin mong mahal mo ako, pinagtawanan lang kita, alam ko kasing iba ang gusto mo. pero hindi ka umalis, nanatili ka sa tabi ko, karamay sa mga heart aches ko dahil hindi ako pansin ng gusto ko. sabi mo pa nga, "Mag-ayos ka lang, maganda ka," ang lakas ng tawa ko, pero ang tingin ng mga mata mo tumagos sa puso ko. siguro iyon ang araw na nahulog na din ako sa'yo.
sa paglipas ng mga taon, pinaghiwalay na tayo ng pagkakataon. ikaw, nagtrabaho sa syudad, ako tumira sa malayo. pero hindi ka pa rin sumuko. tinuruan mo ang puso ko na mahalin ka kaya naman napasagot mo na ako.
sampung buwan... sampung buwan naging tayo. maigsi lang kumpara sa iba pero ang kwento natin matagal nang nagsimula. sampung buwan na puno ng saya at luha. away-bati, iyakan, tawanan. alam nating dalawa na pilit kitang inintindi sa kabila ng pagkakalayo natin. inunawa ko ang pagkukulang mo, pinunan ang kahinaan mo. at kahit hadlang ang nanay ko ipinaglaban kita, ganun kita kamahal.
pero nang dumating siya nabalewala lahat ng sakripisyo ko, nakalimot ka sa lahat ng pangako mo. ang ilang taong pagkakaibigan natin isinantabi mo. at nang pinapili kita siya ang pinili mo.
totoo palang parang binibiyak ang puso mo sa sakit, akala ko kasi noon ekseherado lang sila. nawawalan ng lasa ang pagkain, hindi makatulog sa gabi, at ayaw tumigil ng mga mata sa pagluha. lahat ng kanta sa radyo o palabas sa tv kahit comedy na, gusto mo pa ring iyakan. ayaw mong makakarinig ng goodbye at galit ka sa mga mang-aagaw. gusto mong kalbuhin ang mga malalanding babae siguro dala ng kagustuhan mong makaganti sa sakit na pinagdadaanan mo. totoo palang lahat iyon.
akala ko noon hindi na kita mapapatawad. mali pala ako. apat na taon mula nang iwan mo ako naubos na ang lahat ng luha ko. sa paulit-ulit mong pagpapasakit sa puso ko natutunan ko na ang magparaya, ang pakawalan ka. sa panahong wala ka mas minahal ko na ang sarili ko. binigyan ng importansya ang sariling mga pangarap at nagsimulang muling mabuhay. ipinaubaya na kita sa kanya. masaya na rin ako para inyo. tumahan na ang puso ko sa pag-iyak dahil ngayon kahit mag-isa ramdam kong nakangiti na ito at puno ng bagong pag-asa.
kanina nag text ka. sabi mo, "birthday ko ngayon." natawa ako. kailangan mo ba talagang ipaalala? alam kong birthday mo wala lang talaga akong balak na batiin ka. kaya ko na kasing mabuhay nang wala ka kaya bakit pa kita itetext para batiin? pero dahil hindi na ako nasasaktan nagreply ako sa'yo, sabi ko, "Happy birthday, wish ko maging happy ka lagi." hindi ka nag thank you, lalo tuloy akong natawa. bitter ka ba? maya-maya pa'y nagtext ka ulit sabi mo, "Belated happy birthday sa'yo." sumagot ulit ako, "Thanks... ingat." tapos ay hindi na ulit tumunog ang cellphone ko.
kanina ko lang narealize napapagod din pala ang puso. at kanina ko lang din nalaman na hindi na pala kita mahal...
hahaha
ako na lang babati sayo ng happy birthday.... ahihihihi
my soulmate is worth the wait...



.
" alam kong birthday mo wala lang talaga akong balak na batiin ka. kaya ko na kasing mabuhay nang wala ka kaya bakit pa kita itetext para batiin?"
siguro ganyan ang katwiran ng mga ex ko kaya di nila ako tinext nung bday ko.
o siguro, masama lang talaga ang ugali ko. bwahahaha!