Nasaan ang kinabukasan? nasaan ang trabaho? ito ang pulitika

sinta isaac's picture

inutusan ako ng aking bossing na pumunta ng job fair sa luneta. naisip ko, tang 'na, hindi pa ako nakakapunta sa kahit anong job fair na 'yan. hindi ko alam kung bakit hindi pa ako nakakapunta, siguro kasi ayoko lang talaga.

pinapunta ako doon ni bossing para gumawa ng article, noong tinanong ko s'ya kung saan ko ipo-post, sabi niya kahit saan, basta gumawa daw ako at ibigay ko sa kanya ang link para mabasa niya.

7 ng umaga, papunta na akong luneta.

sabi ko sa sarili ko, gusto kong maramdaman iyong mga nararamdaman ng mga tao na nahihirapang maghanap ng trabaho, gusto kong makiisa sa kanilang pagod, gutom at hirap.

sinagutan ko ang form. pipila na sana ako para iparegister iyon kaso wala pang mga tao, kaunti pa lang, umupo muna ako sa gilid ng rebulto ni san lorenzo ruiz, nagyosi at nakipagtsikahan sa mga vendor doon.

alas nuebe, pinutakti na ng tao ang pila sa tent 1. paikot ang pila, parang large intestine, pakiramdam ko noon, para akong maglalakbay sa isang labyrinth na hindi ko alam ang labasan at sa tent 2, para namang small intestine ang pila ng mga tao, dikit dikit, nakaharang pa ang mga media na wala namang maitulong.

nag-aaway pa ang mga tao dahil sa issue nang singitan sa pila.

naisip ko, ganito kadami ang taong walang trabaho, naisip ko din kung sasapat kaya ang mga opening jobs para kahit sa kalahati man lamang nila?

alam ko ang sagot, hindi iyon sasapat kahit man lang sa kalahati ng kalahati ng kalahati nila.

Ang iba sa kanila, undergrad, iba fresh grad, iyong iba may kapansanan, iyong iba naman, talagang hindi makahanap ng trabaho kahit sa fast food.

iyong iba, nawawalan na ng pag-asa dahil pakiramdam daw nila, lokohan lang ang job fair na iyon lalo na nang magkwento ang isang grupo ng mga taga **** (isang government agency) at ayon sa kanila, hired na sila, pero pinapunta daw sila doon ng head ng HR para magpanggap na aplikante, pamparami daw ng tao, para daw masabi na talagang dinumog ang job fair na iyon na pinangungunahan ng DOLE.

Ganoon? ganoon?

ano 'to lokohan?

Isa nga lang bang malaking lokohan ang job fair na iyon sa luneta katulad ng lokohang presyo ng mga tinda sa labas?

Isang ale ang inis na nagsisigaw sa pila, minumura si gloria, namumulitika lang naman daw ang mga nasa gobyerno, nagpapabango, nagpapalakas, kunwari may opening pero wala naman talaga, para lang masabi na nag organisa ang gobyerno ng job fair para sa mga pilipino.

pero nahiling ko sa sarili ko na sana, hindi iyon totoo. na sana nga, kalahati man lang sa mga nagpunta ay makahanap doon ng trabaho.

sana nga.

Nakipag away pa ako sa isa sa mga staff doon, kasi nagpi-picture picture ako habang nasa pila, kinukuhaan ko ng larawan ang mga nangyayari, sinaway n'ya ako.

"bakit ka nagpi-picture picture dito, ano 'to pictorial?"

"Bakit sa pictorial lang ba pwede kumuha ng picture?"

"Hindi 'yan pwede, bawal 'yan dito, 'di mo 'yan pwedeng kunan ng picture."

"Ang damot n'yo naman, bakit inyo ba 'yan?"

Hindi na s'ya sumagot at kinuha na ng mga nagkakagulo sa dulong pila ang atensyon n'ya.

Hindi maganda ang sistema na nakita ko kahapon. kakaunti lamang ang mga nag a-ayos ng pila ng mga tao kaya nagkakagulo, kaya nagkakatulakan.

Iyong pilang napakahaba na iyon ay para lamang sa registration, para makakuha ka ng number, ma encode ang form mo at tsaka ka nila bibigyan ng card, 'pag may card ka na, pwede ka ng pumasok sa tent 3 at nandoon na ang booth ng mga companies at agencies na pwede mong pag applyan.

Mula 9 hanggang 5 ang ipinila ko para lang makakuha ng card ng dole kung saan magkakaroon ka na daw ng access sa mga job fair na ico-coordinate muli ng dole sa mga darating pa na taon. hindi mo na daw kakailanganin pa na mag pa register uli.

bandang 4 ng hapon, nagkagulo ang mga tao, may mga hinimatay, kinailangan pa ang tulong ng mga pulis para lamang masawata ito. tinanggal nila ang mga ginawang harang ng mga staff ng dole at pwersahan silang pumasok sa tent 2, nasira ang pilang pinagkandahirapan ng mga naunang aplikante, kaya nagkaroon ng batuhan ng mga maaaanghang na salita, nagkasumpaan, nagkamurahan.

"Iyong mga sumisingit na 'yan, mamatay na sana."

"H'wag sana kayong makahanap ng trabaho mga putang ina n'yo!"

at iyong mga napadali ang buhay at agad na nakapag pa encode dahil sa pagsingit, binigyan ng magandang explanation ang kanilang mga sarili.

"May face value kasi ako kaya nakasingit ako, inggit lang kayo."

Hindi ko alam kung matatawa ako o maiinis ako, pero ang nangibabaw na damdamin para sa akin nang mga oras na iyon ay AWA.

Awa para sa aking mga kapwa pinoy na gustong makapagtrabaho,

awa para sa gobyerno na desperado na atang kipkipin ang kani kanilang mga pwesto,

awa para sa sarili ko dahil sa ayaw at gusto ko, kailangan ko pa ring bumoto sa susunod na eleksyon kahit wala pa akong nakikitang karapat dapat na maging presidente,

awa para sa mahal kong bansa.

kahapon ko lubusang nakita ang iba't-ibang anyo ng desperasyon at kawalang pag-asa. kahapon ko nakita ng lubusan ang mukha ng putik na kinalulugmukan nating lahat.

Nakakainis lang, dahil sa gitna ng kahirapan nating nararanasan ngayon, may ibang pulitiko na ginagawa pang tools ang kahirapang iyon para makasungkit ng pwesto.

Ayoko na ring magalit, nakakasawang magalit. wala ng puwang ang galit sa akin nung mga oras na iyon dahil awa lang ang nasa isip ko, awa at pagkainis.

 

at ang job fair sa luneta kahapon ay hindi isang tulong, iyon ay isa lamang malinaw na pamumulitika ng gobyerno.

(siguro nga, may ibang kumpanya at ahensya kahapon ang nais talagang tumulong kaya't ayoko din naman silang lahatin)

Pa- excuse me sa lahat ng mga hindi sasang-ayon sa mga nakasulat dito, at pa-excuse me na rin sa aking bossing, hindi ko alam kung magugustuhan n'ya ang mga nakasulat dito o hindi.

bahala na si kassandra.

 


Ang Sakit Maranasan ang Katotohanan Sa Bansa Natin

marami kang binanggit na katotohanan sa sinulat mo.  masakit ang mga katotohanang iyan, pero kailangang masaktan nang paulit ulit para lang mapa amin sa ating mga sarili na ang kasalukuyang nararanasan ng pilipinas ay hindi na maaari pang pagtakpan ng kahit anong delusyon.  

sanay ang mga pilipino na pagtakpan o kaya i "sugarcoat" ang katotohanan.  dahil sa ugaling ito, maraming mga pagkilos na dapat gawin ay hindi naipapatupad.  hindi namamalayan ng karamihang pinoy ang lalim ng kahalagahan na kailangan na nating magsimulang gumawa ng paraan ngayon--hindi bukas, hindi sa susunod na taon.  

dapat din iwaksi na ang mentalidad na kahit wala pang gawing pagkilos ang mga tao, nandyan naman ang isang Maykapal na basta na lang lilitaw sa kadulu-duluhan ng panahon para alisin ang lahat ng mga problema natin.  hindi na pwedeng umasa pa sa kahit anong Kapangyarihang nanggagaling sa alapaap ng imahinasyon bilang gamot sa sakit at pighati na nararanasan ng karamihan ng mga kababayan natin.

ang tunay na kapangyarihan ay nasa sa atin lamang at wala sa iba.  isa pa iyang katotohanan na maraming ayaw sumang-ayon.  dahil siguro masakit din isipin na ang kapalaran at kinabukasan nating lahat ay kailangang paghirapan ng bawa't isa.  mas masarap kasing isipin na hayaan na lang ang mga nangyayari kasi nga naman mas madali ang buhay kung wala sa atin ang responsibilidad ng kinabukasan ng henerasyong kasalukuyan, pati na ang henerasyong mga susunod pa.  mas madaling isipin na mayroong Ibang Kapangyarihan na siya lang ang mahihirapang ituwid ang kalagayan natin sa Pilipinas.

masakit talaga maranasan ang katotohanan.  pero ang ginhawa ay hindi natin makukuha kung hindi natin harapin ito. 

noelablon's picture

kay hirap pala talaga ngayon...

To think ang iba dito ay graduate pa. Mapalad talaga ako. Kaya kung minsan iniisip ko, babalik pa ba ako ng Pinas para makapag-trabaho. Sagot ko, HINDI NA! Siguro magtatayo pa ng negosyo pwede.

Mapalad ako dahil di ko sinapit ang ganyan noon. Kasi pag apply ko tanggap ako kaagad, siguro may mangilan-ngilan ding mga di ako tinanggap pero hindi ako nawalan ng trabaho - the fact na 2 years course lang ang tinapos ko ay mas lalong nakakagulat.

Naalala ko nung nakapasok ako sa BayanTel as Facility Assigner, di ko alam kung ano yun pero mukhang pinaganda lang yung Data Encoder. Okay, noong nasa loob na ako ay nagulat yung ibang mga kasama kong sosyalero't sosyolera na mga tapos pa ng 4 years course. Nagulat sila dahil sila ay galing pa ng agency bago nakapasok doon, kaya percentage ang sahod nila. Ako hamig lahat hehe! Mapalad talaga ako.

Ngayon nasa ibang bansa ako at sumasahod ako ng tututut, isipin ko pa kaang bumalik? Talagang hindi na. Kahit alipustahin ako ng amo ko dito. Hindi kayang buhayin ng magiging trabaho ko diyan ang  pamilya ko.

Talagang nakaka-awa ang ating mga kababayan. Nakakalungkot dahil isa sa mga taong ito ay ang kapatid ko. Hirap pa rin siyang makahanap ng matino-tinong kumpanya. Puro training lang tapos pag natapos na ang training sa call center ay wala na yung company - bankcrupt na raw!

Paano kaya nakaka-survive ang mga company kung ganoon or style talaga yun ngayon ng mga call centers para makalibre sa trabahador.

Thanks sa iyong pag-share. Sana maka-hanap na ng trabaho sister ko.

====
Heto pa ang mga kwentong maaaring may kwenta!

yun lang.

Rom's picture

isa lang ang masasabi ko dito

 

 Putang-ina ng gobyerno natin!

 

Kailangan na talagang isulong ang rebolusyonaryong pagkilos!  

KarikaTuura

Sofia's picture

trabaho

Sa panahon ngayon kahit nagtapos ka...mahirap pa rin makakuha ng trabaho at para makapasok ka, kailangan pa ng backer (lalo na ng fresh grad).Hayyy...Pero sa kabila ng lahat nang yan..pag nakahanap naman ng trabaho at nakakuha ng experience, ambilis naman mag-resign at mag-apply sa ibang kumpanya..May mga employees din na, di naa-appreciate ang kanilang trabaho..at nagsasayang ng oras sa panahon ng trabaho..malakas pa ang loob na mag-resign pag may di nagustuhan sa kumpanya.

Napadaan lang po..

Francheska's picture

Grrrr

Rebolusyon! Rebolusyon! Mas gugustuhin ko pa na mamatay dahil sa rally at pakikipaglaban kesa mamatay sa heat stroke, gutom at pagod diyan sa bullshit na job fair na yan.

Shit.