Oneira
Magkasabay ang hilik mo
at paghalik ng kamay ng orasan
sa mga numerong nakaantabay
nanunood sa pasmado mong pag-idlip
Sana, katulad ng iyong pagkakahimlay
itong paligid kong ginagalawan
Tahimik, tikom, ang tanging pinagkakaabalahan
ay paghagilap sa mailap na panaginip
Kanina, tatlumpu't dalawang minuto ang lumipas
dilat ka at kausap ang patlang sa hangin
Nang magtampo sa hindi niya pag-imikĀ
dinaldal ka nito sa maingay na katahimikan
Ngunit nakapikit na ang iyong mga tainga
mga mata mo lamang ang taimtim na nakikinig
Takot na ang apat na pader sa iyo
sawa na sila sa mga hinaing mo
Alam mo bang narito ako?
nabibilang sa latak ng pinakawalan mong paglimot
Alam mo bang ni minsan ay hindi ako lumisan
at handa pa ring nakawin ang bangungot ng susunod mong umaga


