opinyon ng isang nanonood lang
kanina wala naman talaga akong balak panoorin ang hostage taking sa quirino ng isang tinanggal na pulis sa serbisyo na si captain rolando mendoza sa isang tourist bus na may sakay na mga turistang chinese nationals. sabi ko parehas din naman ang ending nyan, mahabang negosasyon na mauuwi sa sukuan at mababale wala din naman ang demands ng hostage taker, kung sa bagay sino ba namang bale ang susunod sa kasunduan na ganun, ano nga ba ang magagawa ng isang taong nakakulong na di ba?
pero nang makita ko sa news sa channel 2 na sapilitang hinuli ang kapatid ng hostage taker dahil alam daw nya ang balak ng kapatid nyang mang hostage doon na ako nagkaroon ng interes. hindi naman sa may choice ako kasi wala namang ibang palabas sa tv dahil lahat ng channel iyon ang kino-cover kaya napanood na din ako.
una, nakakainis ang mga pulis kasi bakit nila hinuli ang kapatid ng taong may hawak sa isang bus ng mga turista. adik ba sila? alam na alam naman nilang may tv sa bus kaya mapapanood ni mendoza ang nangyayari sa kapatid nya. hindi ba nila naisip na baka maburyong lalo siya at pagbabarilin ang mga hostage niya? teka hindi ba required ang i.q. sa kapulisan? bakit nila lalong ginagalit ang hostage taker? pwede naman nilang hulihin ang buong angkan niya pagkatapos kapag napasuko na nila si mendoza bakit kailangang doon mismo at sa oras na kung saan magulong-magulo ang isip nung tao? mga kulang ba talaga sila sa unit sa psychology at hindi nila alam na hindi normal sa tao ang mang-hostage at lalong hindi makakatulong ang kahit na anong makakapag-provoke sa kanyang gumawa ng madahas na aksyon kung tinutulak na siya ng pagkakataon? kung tutuusin ang mga pulis ang may kasalanan ng madugong ending ng hostage taking na iyon.
pangalawa, nang pumasok na ang assault team, ang swat bandang ala-sais palang yata o pasado ala-sais at natapos ng pasado alas-nuwebe na ata hindi ko na kasi nabantayan ang oras basta ang alam ko nalipasan na ako ng gutom at hindi na rin nakaligo dahil sa kakahintay kung mapapasok pa ba nila ang bus o mag-aalarm na lang ako kinabukasan para kasing aabutin ng magdamag ang mga kumag sa kakaisip ng taktika. sabi pa nga ng reporter ilang beses pa daw nagsanay ang mga tinamaan ng magaling na swat team kung paano mapapasok ang bus, awa naman ni darna, hindi nila iyon napasok hanggang sa mamatay na lang si mendoza. bus lang yon ha paano kaya kung bahay pa ang papasukin nila? inensayo pa nila ang gagawin nila. ang alin? ang pagmamaso sa wind shield at pinto ng bus? o ang paglinya sa likod ng bus? nagkulumpulan na kasi ang mga tinamaan ng lintek sa likod, harap at gilid ng bus at naghihintay pa yata ng kape dahil sa sobrang bagal.
binasag nag harap na salamin, ang gilid na bintana, ang likod na salamin. ang pasaway na salamin hindi mabasag-basag kaya tuloy nawawalan na ng pag-asa ang mga pobreng pulis. may isang mama pa nga doon na inutusan ni sir na basagin ang salamin ng pintuan. si manong takot na takot. parang gustong sigawan ang superior nya ng, "Sir! ninenerbyos ako! Sir!" hindi lang siya makaangal. siguro gusto niyang pagsisihan kung bakit siya nag-swat kasi matatakutin siya at ayaw mabaril. kung ganun din naman bakit pa siya nagpulis? sabi nila iniingatan daw ang mga swat na mapahamak kaya sobrang bagal nila at hintayan ng hintayan, kung sobrang iniingatan nila ang swat sana pala tumawag na lang sila ng mga siga sa kanto para pasukin ang bus kasi wala din naman palang silbi ang bullet proof vest at helmet nila kung ayaw din naman nilang mabaril, sayang pa tuloy ang outfit nila nabasa lang ng ulan. mabalik tayo sa kawawang pulis na nautusan ni sir na basagin ang salamin ng pintuan. sa sobrang takot nya parang ang hina-hina na ng pagpalo niya ng maso. parang nanlalata na sa sobrang nerbyos. tapos pumasok pa sa pinto ang maso nya, parang gusto na nyang umiyak sa takot kasi ipapasok nya ang braso para kunin ang pasaway na maso. nakakaawa talaga.
at dahil sa sobrang bright ng swat natin hindi nila mabasag ang mga salamin ng bus. babasagin ang wind shield titigil ang lahat, magcocover, nakatutok ang mga baril sa bintana. pag hindi umubra, babasagin naman ang likurang salamin, titigil na naman ang lahat maghihintay, cocover, nakatutok na naman ang mga baril sa bintana, pag ayaw pa ding mabasag dahil plastik ata ang mga bintana at hindi nababasag, sa gilid naman sila magbabasag o kaya sa pintuan. basta kapag may kumikilos nakatigil ang lahat at naghihintay. tama yan. madidistract nga si mendoza kung ganyan. kasi malilito siya kung nasan ba ang kalaban. bakit kaya hindi nila masuhin sabay sabay ang mga bintana at ng malito ang pobreng hostage taker kung sino ang una niyang babarilin. eto pa. ang taas ng mga bintana. lampas tao. paano kaya nila makikita ang nangyayari sa loob kung hindi sila sisilip sa mga bintana? kung ako sa kanila nagdala ako ng monoblock na silya para masilip ko siya. sasabihin nyo naman paano kung biglang barilin habang sumisilip, dyan papasok ang taktikang lituhin siya. ano ba namang habang nagmamaso ng sabay-sabay sa mga bintana ay may isang matapang na handang magbuwis ba ng buhay na sisilip sa bintana sa mga nakaawang na kurtina at nakatuntong sa silya. para may idea sila kung ano bang sitwasyon sa loob hindi yung lahat sila halos dumapa na sa sobrang pagcover dahil ayaw nilang madamay sa barilan. haler swat kayo oh, trabaho nyo yan. di ba panay pa nga ang practice nyo?
naisip ko din na ipahila ang pinto sa sasakyan para pwersahang mabuksan. at naisip din nila yon after 100 years, yun nga lang sa sobrang talino nila lubid, oo lubid ang pinantali nila sa pinto. mabuti sana kung lubid ng barko ang ginamit para may posibilidad namang hindi mapigtal ang tali kaya lang dahil siguro walang budget pwede na yung pantali ng trapal sa mga tiangge, carry na yan, malay natin baka umubra di ba? bakal pa naman ang hihilahin. baka kasi hindi nila naisip na pwedeng kadena ang gamitin para hindi maputol. maryosep talaga!
pangatlo, bakit si ted failon na isang komentarista lang alam ang structure ng bus. alam nya na may emergency door at may handle sa ilalim ng main door na pwedeng buksan sa labas? ang ating magigiting na swat inabot ng ilang oras bago naisip yan. ang tagal nilang pinilit basagin ang mga pasaway na salamin na ayaw namang magpabasag gayung pwede naman palang buksan ng walang kahirap-hirap ang emergency door. hay naku talaga. at nang nabuksan na ang emergency door may isang pasikat na may i volunteer sir! ang sumubok pumasok. tumuntong siya sa van nila o truck ewan anong tawag nila dun sa sasakyan nila, basta dun sya tumuntong dahil nga mataas ang bus at wala silang dalang monoblock chair. hetong si manong ang tapang pero ang bagal at tila ang bigat-bigat ng paa nya pag-akyat. nagsisisi yata bakit sya nakapagvolunteer. silip, silip ulit. ooops, pasok ang kalahating katawan, pak! may pumutok, itong si superman ang bilis. grabe! faster than a speeding bullet sa pagbaba. kung gaano siya katagal umakyat sobrang bilis naman di ko nga halos nakita kung paano siya nakababa, basta ang bilis. kaya pala nyang kumilos ng mabilis.
at dahil siguro gabi na at napapagod na ang mga kawawang pulis naisip na nila ang kanina pang naiisip ng mga ususero, gamitan nyo na sir ng tear gas. sabi ng mamang pulis wag kasi baka di kayanin ng mga hostage kung may buhay pa mang hostage. yun pala iyon din ang last resort nila. mabuti nalang at naimbento ang tear gas dahil kung hindi baka hanggang ngayon ay pinipilit pa rin nilang basagin ang mga kawawang salamin ng bus.
ang ending patay si captain rolando mendoza, labas ang kalahating katawan nya sa pintuang hindi mabuksan-buksan ng mga pulis. nailabas ang mga hostage na ang ilan ay buhay at ang ilan naman ay patay na.
nakakaawa ang mga hostage. hindi ko sana ito isusulat bilang paggalang sa mga namatay pero ang hindi matatawarang katapangan, kagitingan at katalinuhan ng ating mga kapulisan lalong-lalo na ng pinagmamalaki nating swat team iyon ang hindi ko mapalampas. una ang katangahan nila sa pag-aresto sa kapatid ni mendoza na nagpagalit lalo sa kanya, pangalawa ang mabagal at napaka-walang kwentang taktika nila sa pagresolba at pagpasok sa bus ay mali hindi pala nila napasok ang bus. nakakatawa! pinanood pa naman sila sa iba't ibang bansa. siguro sabi nila, iyan ba ang swat ng pilipinas? impressive!
sana hindi naging madugo ang ending ng hostage taking na ito, sana kagaya lang ito nung may isang mama din na nang hostage ng isang school bus dahil naburyong na siya sa kalagayan ng kahirapan sa bansa. pwede namang sumuko na lang siya kung kahit kunwari lang pinagbigyan nila ang hiling ni mendoza na maibalik sa serbisyo. kayang-kaya naman nilang magkunwaring tototohanin nila ang demands niya tapos kapag naka posas na saka nila sabihing chika lang lahat ng iyon. sana wala ng namatay at hindi na inabot ng ilang oras ang hostage drama. pwede rin namang hindi na lang nila inaresto ang kapatid niya. at kapag sumuko na siya saka nila ikulong ang buong angkan niya at sabihing aksesorya silang lahat sa plano nyang pagbihag sa mga kawawang intsik.
pwede namang walang mamatay. pwede namang maging simpleng hostage taking lang ang nangyari kung hindi lang sa mga pasaway na pulis na kulang-kulang mag-isip...
kung sa bagay ako'y isang nanood lang. ano nga ba ang malay ko sa nangyari at tension doon. basta ang alam ko, kung sana ginamitan ng utak ang sitwasyong ito, hindi na sana ito lumalala ng ganito at naiwasan ang madugong katapusan...
may all the souls of those poor people who died in the hostage taking in quirino rest in peace... my condolences po...


