PAG-ASA

Kinapa ko ang laman nitong isipan
At pilit ginising itong kamalayan
Sa biglang pagdaop ng aming mga palad
Ang nadamang kaba ay agad-agad

Hindi ko malirip ni matanto
Ang dala niyang unos sa katauhan ko
Hindi rin masisid ang lalim ng balon
Kung tunay ngang saya ang hatid sa dako pa roon

Hinamig ko't pinilit na maintindihan
Kung bakit ang araw na twina'y naging kawalan
Habang patuloy sa paghasik ng sanglaksang pagkalito
Itong dala niyang sumpa sa kaibuturan ko

Tunay ngang malaya ang isang ibon
Sa pagkampay ng pakpak sa dapit-hapon
Subalit ang pugad na pilit dapuan
Ay wala sa paningin sa gitna ng karimlan

Habang lahat ng patak ng tubig-ulan
Ay namnam at dama nitong pusong duguan
Sa pilit na paggaod sa laot ng buhay
Tila ang lahat ay nawalan ng saysay

Sadya nga yatang ganyan ang buhay
Humabol-madapa sa gintong tulay
Patungong abot-langit ay nagsisikhay
Subalit minsan sadyang pait ang naghihintay

Hinilod kong muli ang lahat ng lakas
Inipon at sumipa upang ako'y makaalpas
Dito sa tanikalang nakaharang sa'king bukas
Upang ang umaga'y magkaroon ng bakas

Hindi padadaig; pilit na tatayo
Susuungin ang lahat kahit saan man mapadako
Pagkat sa lupang kinatirikan nitong aking puso
Ay may dapat tuparin na isang pangako