Pag-ibig Katorse
Pag-ibig Katorse
(Love Fourteen)
“Oo—hindi ko naiintindihan ang lahat ng ito
kasi bata pa ako pero…”
“Parang mas okay dito.”
“Anong pakiramdam?”
“Magaan ang feeling ko.”
“At ang hangin—“
“Medyo maginaw ‘yong hangin.”
“Sa bandang ibaba?”
“Ilaw ng mga bahay lang ang natatanaw ko,” biglang napatingin si Kate sa kausap. “Pero, teka nga muna! Bakit mo nga pala ako dinala sa roof-top ng lumang bahay na ‘to, ha?” Nakataas kilay niyang tanong.
“Gusto kong damahin ang gabing ito na kasama ka,” mahina pero mariing sagot ni Tobby.
Bahagyang gumuhit ang ngiti sa labi ni Kate. Hindi na kasi bago ang ganitong eksena—ang ayain siya ni Tobby para lang makausap ng sarilihan.
“Minsan pupunta ako,” pagsisimula ng binata.
Saglit niyang tiningnan ang kausap. “Saan?” Mariin niyang tanong.
“Dun,” anito sabay nguso sa buwan.
“Sa buwan? Ano naman ang gagawin mo dun?” Natatawa niyang sabi.
“Para sumayaw pero—“
“Pero?”
“Pero isa lang ang gusto kong kasama.”
Napakunot-noo siya. “Puwede ko po bang malaman kung sino ang gusto mong isama dun?”
“Mmm—hindi ko puwedeng sabihin,” naiiling na tugon nito.
“Pero, bakit?” Nagtatampong tanong niya. “Sige na! Sabihin mo sa akin.”
Matagal bago nagsalita si Tobby. “Oo, sige na. Pero may kondisyon.”
“Ano?” Nakataas kilay niyang tanong.
Tumingala ang binata sa kalangitan. “Pagmasdan mo ang mga bituin.”
Napatingala na rin siya. “Pagkatapos?”
“Anong nakikita mo?”
Napatingin siya sa kausap. Pinamaywangan niya ito habang may pilyang ngiti sa labi. “Nagpapatawa ka ba? S’yempre mga bituin.”
“Hindi—ibig kong sabihin, anong napapansin mo sa mga bituin?” Paglilinaw nito.
“Sabay-sabay silang nagkikislapan,” nakangiti niyang sabi. “Ano ba ang kinalaman ng mga bituin na ‘yan sa kondisyon mo?”
“May natatanaw ka bang bituin na nag-iisa lang? Iyong malayo ang distansiya sa iba pang mga bituin.”
Maingat niyang sinuri ang kalangitan. Nang makasiguro’y saka lamang nagsalita. “Wala.”
“Kapag may natanaw ka, ituro mo ‘agad sa akin at pagkatapos, sasabihin ko naman kung sino ang gusto kong makasama sa buwan,” pagpapaintindi nito sa kondisyon.
Muli niyang sinuri ang kalangitan. Inisa-isa ang mga bituin na walang humpay sa pagkinang pero wala siyang nasilayan. “Hindi kita maintindihan. Bakit kailangan mo pang ipahanap ang ganong bagay sa akin?”
“Iyong nag-iisang bituin, simbolo ‘yon para sa akin na espesyal ang taong gusto kong makasama sa buwan.”
Matagal siyang tumingala sa kalangitan. Bigo man sa kondisyon ng binata’y may gumuhit pa ring ngiti sa labi niya. “Balang-araw, bibigyan ako ng pagkakataon ng Diyos,”aniya na may kinang sa mga mata.
“Na?” sambit ng binata.
“Na—makapunta rin sa buwan.”
Napangiti si Tobby.
“Para ano?” Kunot-noong tanong nito.
“Para makita…”
“Sino?”
“’Yong kasama mo.”
“’Yon—lang?”
“Oo, bakit may reklamo?”
“Pagkatapos?”
“Aalis rin ako kaagad—“
“Pero pipigilan kita.”
“Anong ibig mong sabihin?”
“Nandun ka na rin lang—sumama ka na sa amin.”
“Paano kung hindi ako pumayag?”
“Wala akong magagawa pero, walang dahilan para hindi ka pumayag.”
“Meron kasi—makakaistorbo lang ako sa inyo ng espesyal mong kasama.”
Lihim na ngumiti si Tobby. “Bahala ka,” anito.
“Kuya Tobby, natatandaan mo pa ba?” Natatawang pagpapaalala niya na binago ang usapan.
Saglit na tumingin ang binata. “Ang alin?” Kunot-noong tanong nito.
“Nung una tayong magkita,” aniya.
Napaisip ito ng malalim. “Hindi.”
“Eh, nung una tayong magkakilala?”
“Mmm—hindi rin.”
“Nakakainis ka naman, ang dali mong makalimot,” pagtatampo niya.
Tumawa si Tobby. “Hindi. Biro lang po. Oo, naman! Bakit?”
“Hindi ko lang kasi makalimutan ang tingin mo sa akin nun,” aniya sa nahihiyang boses.
“Ah! ‘Yon bang nagkatinginan tayo nang hindi sinasadya nung bagong lipat ako sa lugar ninyo?”
“Oo, kaya!” si Kate sa masiglang boses. “Alam mo, ‘yong unang kita ko sa ‘yo nun, pakiramdam ko nakita na kita dati pero, hindi ko lang maalala kung saan.”
“Wow! Parang—“
“Parang?”
“Hindi wala. Pero ano bang ibig mong sabihin dun?” Anito na seryosong tumingin sa kanya na nasa gawing kaliwa nito.
“Hindi. Wala rin,” ganti niya. “Pero alam mo, nung magkatinginan tayo noon parang—parang may sinasabi ka pero mga mata mo ang nagsasalita.”
Napangiti si Tobby.
“Hindi kita maintindihan pero alam mo, sa mahigit na apat na taon kong pamamalagi sa lugar ninyo, ikaw lang ang naging malapit sa akin. Siguro dahil na rin sa solong anak ka lang at pagkapos ako nama’y nag-iisa lang sa bahay na tinutuluyan ko kaya nagkaroon tayo ng pagkakataon na maging close sa isa’t-isa,” wika nito at saglit na tumingin sa kanya. “Naalala ko pa, ikaw ‘yong unang ngumiti sa akin.”
Biglang napatingin si Kate. “Anong ako?” Gulat na sambit niya. “Ikaw kaya d’yan!”
Natawa si Tobby sa reaksiyon niya. “Biro lang! Nakakatuwa ka kasi nun.”
“Sinasabi mo bang, sa unang kita mo pa lang sa akin ay napasaya na kita?”
“Hindi.”
“Pero sabi mo, nakakatuwa ako.”
“Oo, nga. Pero ibig kong sabihin, nakakatuwa kang asarin,” anito na sinabayan ng paghalakhak.
“Nakakainis na ‘to,” si Kate na naasar sa pagtawa ng kausap. Habang nilulukob ng tensiyon ay may bigla siyang naalalang sabihin.
“Mahalaga sa akin ‘yong first kiss,” aniya sa malumanay na boses sabay tingin sa kausap. “Bakit ka natigilan sa pagtawa?”
Hindi ito kaagad tumugon. Napatingin lang ito sa di-kalayuan. “Bakit naman mahalaga sa ‘yo ang bagay na ‘yon?”
“Wala! Kasi—hindi pa ako nakakahalik,” nakangiti pero nahihiyang tugon niya.
“Fourteen ka pa lang. Natural lang na hindi mo pa maranasan ang ganong bagay. Bakit mo iniisip ‘yon?”
“Gusto ko lang,” mahinang sabi niya pero nakangiti pa rin. “Ikaw, anong mahalaga sa ‘yo?”
Napa-isip si Tobby. Ngumiti muna ito bago tuluyang tumugon. “’Yong first kiss din.”
“Hay, naku! Gumaya.”
“Totoo.”
“Bakit naman mahalaga sa ‘yo yun?”
“Kasi. Hindi pa rin ako nakakahalik,” natatawa pero seryosong sabi nito.
“Maniwala ako,” reaksiyon niya. “Tweenty-two ka na di’ba?”
“Oo, nga pero—hindi pa siguro panahon para maranasan ko ‘yang first kiss na sinasabi mo.”
“Kahit kay… Ate Tintin,” aniya na nailang pang banggitin ang pangalan ng dating ka-eskwela ng binata.
“Kaibigan ko lang si ‘Tin.”
“Lang ba talaga?”
“Oo, naman,” mariing tugon nito. “Teka nga muna! Bakit mo naman po pinasok ang pangalan ng Ate Tintin mo sa usapan natin, ha?”
“Gusto ko lang,” taray niya. “Kumusta na kayo?”
“Si ‘Tin, Okay lang kami. Inaya ko siyang lumabas kahapon.”
“Masaya kayo?”
“Syempre.”
“Buti pa s’ya.”
“Bakit naman? Nalulungkot ka ba kasi hindi kita isinama?”
“Hindi.”
“Pero parang nagtatampo ka.”
“Nakakainggit kasi si Ate Tintin.”
“Pero mas maraming oras na magkasama tayo.”
“Hindi mo ako naiintindihan.”
“May gusto ka bang sabihin?”
“Wala. Pero sana—“
“Sana?”
“Sana nasa kolehiyo na ako.”
“Para, ano?”
“Para madama niya.”
“Sinong niya?”
“Ewan ko sa ‘yo—“
“Ang alin?”
“’Yong damdamin ko. Ano pa nga ba?”
“Darating ka rin d’yan.”
“Kelan pa?”
“Sa tamang panahon. Hintayin mo lang.”
“May tanong ako sa ‘yo.”
“Ano?”
“Paano kung ang taong nakatadhana para sa ‘yo na makakasama mo habang buhay ay dumating ng mas maaga sa inaasahan mo?” Mahina pero mariin niyang tanong. “May magagawa ka ba?”
“Wow! Parang love destiny ‘yon, ah!” Pagpapatawa nito.
“Sagutin mo ako,” seryosong wika niya.
“Syempre meron. Sasabihin ko sa kanyang hihintayin ko s’ya,” anito na halata ang pagkabigla sa tanong niya.
“Paanong hihintayin?”
“Hihintayin ko ang tamang panahon at pagkatapos ay liligawan ko na s’ya.”
“Kelan ba ang tamang panahon?” Tanong niya na halata ang pag-aalala sa mga mata.
“Kapag nasa tamang edad na s’ya,” anito.
Bigla siyang napatingin sa binata. Nahalata naman ni Tobby ang seryosong pagsulyap niya.
“Ibig kong sabihin, kapag alam na niya ang ginagawa niya. Mas mainam kung tapos na s’ya sa pag-aaral kasi makakatulong ‘yon para hindi maging katawa-tawa ang relasyon namin,” pagtutuloy nito.
Napatitig siya sa di-kalayuan. Pinahalata muna niya sa binata na interesado siya sa kanilang pinag-uusapan bago tuluyang nagsalita. “Bakit mo naman nasabing katawa-tawa?”
“Katawa-tawa sa mga hindi pa handa kasi para lang silang mga musmos na naglalaro ng bahay-bahayan sa likod bahay. Mahihirapang gumulong ang isang relasyon kung kapwa walang sapat na pinag-aralan ang may dala nito. Hindi nila alam kung ano ang gagawin kasi nga wala silang sapat na kaalaman at saka—“
Hindi pa man tapos magpaliwanag ang binata’y natigilan na ito nang mapuna ang paglukob ng lungkot sa mukha niya. “Teka nga muna! Bakit mo nga pala tinatanong sa akin ang mga bagay na ‘yan, ha? Siguro nagkakagusto ka na, ‘no? Siya ba ‘yong madalas mong ikuwento sa aking kaklase mong may gusto sa ‘yo?” Pagbibiro nito.
Hindi umimik si Kate. Mataman lang siyang nagmasid sa di-kalayuan. Nakakabingi ang paligid. Matagal bago niya binasag ang katahimikan. Nagbuntung-hininga muna siya bago nagsalita. “May mga bagay na dapat ay ginagawa ko pero hindi ko magawa,” mahina pero mariin niyang wika.
“Tulad ng—“
“Sa pag-aaral ko.”
“May mga bagong homeworks ka ba? Halika’t gagawin natin.”
“Wala.”
“Project?”
“Wala rin.”
“Ano ba ‘yong hindi mo magawa?” Tanong nito na kunwari’y hindi alam ang ibig niyang ipahiwatig.
“Ewan ko sa ‘yo—“ si Kate na nairita sa kausap.
Napangiti si Tobby. Saglit lang itong tumingin sa kanya. “Bakit mo hinahayaang maapektuhan ang pag-aaral mo? Huwag mong masyadong seryosohin ang isang bagay na hindi naman masyadong importante,” anito.
Napatitig siya sa binata. “Sinasabi mo bang hindi importante ang nararamdaman ko?” Matigas niyang tanong.
“Sa ngayon—Oo,” anito na halata ang pagiging mahinahon.
“Ewan ko sa ‘yo!“ Aniya na halata na ang galit sa mukha.
Pinagmasdan siya ng binata. Nagkunwari itong hindi apektado sa kanyang mga pinapakita. “Kate, naalala mo ba yung kinuwento ko sa ‘yo nun?”
Hindi siya tumugon. Nanatili lang siyang nakamasid sa paligid.
“Si Rose, yung sinasabi ko sa ‘yong kaklase ko nung hayskul—“ pagtutuloy nito. “Pero huminto sa pag-aaral kasi nabuntis. Alam mo ba kung bakit s’ya nabuntis?”
Saglit siyang tiningnan nito pero hindi pa rin siya tumugon.
“Maaga kasi s’yang umibig. Hinayaan niyang manaig ang pag-ibig na naramdaman n’ya sa maling panahon.”
“Bakit, mabubuntis din ba ako kapag hinayaan kong manaig ‘yong pag-ibig na nararamdaman ko?” Madiing tanong niya.
“Hindi mo ako naiintindihan. Gusto ko lang naman sabihin sa ‘yo na may tamang panahon para d’yan,” pagpapaintindi nito.
“Bakit, kasalanan ko ba kung maagang naging aktibo ang puso ko?” Matigas pa rin niyang tanong.
Ikinagulat ng binata ang tanong niya. “Hindi mo dapat sinasabi ang bagay na ‘yan.”
“Ano ba ang gusto mong sabihin ko? Sabihin ang mga nangyari kahapon sa klase namin? Sabihin sa ‘yong natuwa sa akin si Mrs. Santos kasi nasagutan ko sa blackboard ‘yong problem na may pormulang Y is equals to MX plus B? Sabihing lagi akong inaasar ni Jennifer kasi may crush sa akin si Tonton? Sabihing—“ hindi pa man siya tapos magsalita’y inawat na siya nito.
“Kate, tama na! Fourteen ka pa lang. Masyado ka pang bata. Huwag mong seryosohin kung ano man ang nararamdaman mo. I-enjoy mo ang buhay mo sa mga bagay na akma sa edad mo,” pagpapayo nito.
“Mas nag-ienjoy ako sa nararamdaman ko,” depensa niya.
“Mas mag-ienjoy ka kung nasa tamang edad ka na. ‘Pag nasa kolehiyo ka, pwede na siguro,” mababang sabi nito.
“Pero hindi ganon kadali ‘yon. Alam mo sa pananaw ko, parang mas aktibo ang pag-ibig ng mga kabataang gaya ko kumpara sa ibang mga kolehiyala ngayon. Mapipigil mo ba kami?”
“Mali ka.”
“Bakit, totoo naman di ‘ba? Palibhasa hindi na importante para sa ibang kababaihan ang magmahal at mahalin. Mas importante sa kanila ‘yong mga materyal na bagay. At saka gusto nila puro na lang pasarap sa buhay. Ang iba nama’y pinupuhunan ang sarili para lang kumita ng malaking pera. Paano sila makakadama ng pag-ibig kung kahit ang sarili nila’y hindi nila magawang mahalin? Sila ba ang gusto mong pag-alayan ng pag-ibig?” Naghihinanakit niyang saad.
“Kate, hindi mo alam ang sinasabi mo,” anito na nagulat sa sinabi niya.
“Pero alam ko ang ginagawa ko,” tanggol niya. “S’yangapala, nahihiya man ako pero gusto ko pa rin sabihin na may nararamdaman ako sa ‘yo.”
“Ano?” Gulat na sambit nito.
Alam niyang hindi nagustuhan ng binata ang binitiwan niyang salita. Kahit alam ni Tobby noon pa ang lihim niyang pagtingin para dito.
“Gusto kita,” mahina pero mariing ulit niya.
Nagbuntunghininga si Tobby. “Kate, hindi puwede ‘to,” madiing tutol nito.
“Bakit hindi puwede? Hindi ba mahalaga ang damdamin ko para sa ‘yo? Kasalanan ko ba kung ipinanganak ka ng mas maaga sa akin? Kung kasalanan man ang magmahal sa murang edad, pagdudusahan ko na lang kung kinakailangan,” mababang wika niya na halata ang pagiging emosyonal sa mga salita.
“Tama na,” tipid na tugon nito.
“Madalas sa aking pag-iisa’y ikaw ang iniisip ko. Kapag tinatamad akong mag-aral ay gumuguhit ako ng puso sa pagitan ng ating pangalan. At saka kapag wala naman akong ginagawa’y pinapatugtog ko ang mga paborito mong kanta,” aniya na hindi na napigilan ang sarili sa pagluha. “Alam mo ba ‘yon, ha?”
Hindi nakatugon ang binata. Hindi nito inasahan ang mga salitang binitawan niya. Matagal na silang nag-uusap ng sarilihan pero ang labis na pinagtatakhan nito ay kung bakit ngayon lang siya nagbitiw ng mga ganoong salita.
“Bakit hindi ka makapagsalita? Kuya Tobby, sabihin mo nga sa akin—” si Kate na umiiyak pa rin habang nagsasalita. “May nararamdaman ka ba para sa akin?”
Matagal bago nagsalita si Tobby. Kinailangan pa nitong magbuntung-hininga bago tuluyang tumugon. “Kate, wala.”
Nilukob ng katahimikan ang buong paligid. Parang nabingi siya sa sinabi ng binata. Nakapikit na lang niyang dinama ang pagguhit ng luha sa kanyang pisngi. Lalong tumindi ang ginaw ng hangin na matamang dumadampi sa kanyang mukha. Tumitindi rin ang dami ng mga lamok na walang humpay sa pagkagat sa kanyang binti. Pero wala siyang kirot na madama sa mga iyon. Animo’y namanhid siya dahil sa salita ng binata na tuluyang pumaralisa sa kanyang pisikal na pakiramdam. Subalit labis naman siyang nagdurusa sa emosyonal niyang pakiramdam. Gusto pa niyang umiyak pero wala namang magawa ang mga luha niyang hindi alintana ng kausap na nagdudulot ng kirot sa kanyang puso. “Akala mo ba hindi ko alam.”
Napatingin si Tobby sa kanya. Ang makahulugang sulyap nito ay may hatid na pangamba sa kanyang sarili. “Pasensiya na kasi pinakialaman ko ang mga gamit mo sa kwarto mo. Binasa ko lahat ng mga nakasulat sa diary mo. Gusto mo bang isa-isahin ko sa ‘yo ang mga isinulat mo dun? Hindi kumpleto ang araw mo kapag hindi mo ako nakikita. Hindi kumpleto ang araw mo kapag hindi mo ako nakakausap. Hindi kumpleto ang gabi mo kapag hindi mo ako nakikitang nakangiti sa ‘yo. At saka bakit mas pinili mo pa akong makasama para lang tulungan akong gumawa sa project ko dati samantalang inaya ka pala ni Ate Tintin sa isang okasyon. Ngayon, sabihin mo sa akin ang totoo. Sa lahat ng iyon, isa lang ang ibig sabihin nun di ‘ba—importante ako sa ‘yo, tama ba?” Himutok niyang saad.
“Oo, importante ka nga sa akin,” anito na halata ang pagkabigla sa mukha. “Pero hindi ibig sabihin nun ay gusto na kita. Hindi mo lang siguro naintindihan ang mga isinulat ko dun. Nilagyan mo lang ng maling interpretasyon.”
“Totoo?”
“Totoo.”
“Hindi ka nagsisinungaling?”
“Bakit naman ako magsisinungaling?”
“Gusto mo bang patunayan ko sa ‘yong nagsisinungaling ka?”
“Kate?!” Gulat na sambit nito.
“Bakit mo ginawang password sa e-mail ad mo ang buo kong pangalan?”
“Ano?” Napalakas ang tinig ni Tobby. Hindi ito makapaniwalang pati iyon ay alam niya. “Paano mo nalaman ang password ko?”
“Hindi na importante kung paano ko nalaman,” aniya na umiwas ng tingin sa kausap. “Kapag kasi aktibo ang puso ng isang tao ay marami s’yang bagay na nagagawa at natutuklasan.”
“Binasa mo lahat ng mga e-mail ko?” Anito na halata ang pagkairita.
Hindi siya tumugon.
“Kate, hindi mo dapat ginawa ‘yon. Hindi mo ginalang ang sarili kong privacy,” matigas nitong sabi.
“Oo, sorry na,” wika niya na bigla ang paghinahon. “Gusto ko lang naman kasing patunayan sa sarili ko kung talaga ngang may gusto ka sa akin.”
“May napatunayan ka ba?”
“Pero bakit binabanggit ng Papa mo sa e-mail n’ya sa ‘yo ang pangalan ko? At saka bakit alam ng iba mong kaibigan ang pangalan ko. Binabanggit mo ba ako sa kanila?”
“Madaling tandaan ang pangalan mo kaya ‘yon ang ginawa kong password. Isa pa’y, hindi lang ikaw ang Kate na kilala ko. Huwag mong isipin na ikaw ang tinutukoy nila.”
“Hindi kita maintindihan!” Gigil niyang sabi.
“Kate, ikaw ang hindi ko maintindihan. Sarili mo lang kasi ang iniintindi mo. Hindi mo man lamang naisip na maaari kang makasakit ng damdamin ng iba dahil sa mga bagay na pinakikialaman mo.”
“Bakit ka ba ganyan?”
Nakaramdam ng lungkot ang binata. “Marahil nabasa mo na rin ang huling e-mail sa akin ni Papa tungkol sa VISA ko. Alam mo na rin sigurong aalis na ako bukas. Kate, gaya ng sabi ko kanina, gusto kong damahin ang gabing ‘to na kasama ka kasi ito na marahil ang huli nating pag-uusap.”
“Kuya Tobby, masaya ako pagkasama ka. Hindi ba mahalaga sa ‘yo ang nararamdaman ko?”
“Kate, nakakatuwa ka. Hanga ako sa determinasyon mo sa pag-ibig. Pero bata ka pa at highschool sophomore pa lang. Marami ka pang pagkakataong sumaya. Huwag mong isipin na nagiging masaya ka lang dahil sa nararamdaman mo. Huwag mong hayaan ang sarili mo na mabihag at makulong sa emosyon mo. Sabi nga nila, ‘wag kang padadala sa sarili mong emosyon. Nandiyan ang mga kaibigan mo, mga kaklase mo, at s’yempre ang mga magulang mo. Mahal ka nila at nandiyan sila para tulungan kang maging masaya. Sila ang gabay mo para magpatuloy ka sa normal na buhay. Huwag mong ituon ang pagmamahal mo para sa iisang tao lang sapagkat maraming nagmamahal sa ‘yo—lalong-lalo na katayuan mo ngayon. Pilitin mong libangin ang sarili mo para sa ibang mga bagay. Huwag kang umasa lang sa tinitibok ng puso mo. Ang pag-ibig ay naghihintay ng tamang pagkakataon sa tamang panahon. Hindi ‘yon mawawala, madadaanan mo rin ‘yon. Basta ngayon, isipin mo ang pag-aaral mo kasi may mga bagay kang kailangang matutunan at may mga pagsubok kang kailangang pagdaanan. Kapag na-overcome mo na ang lahat ng ‘yon, tiyak kong magkakaroon ka ng asset para sa sarili mo at ang asset na ‘yon ang magiging puhunan mo para sumugal sa isang pag-ibig. Sinisiguro ko sa ‘yo ngayon pa lang na magiging matagumpay ang ‘yong puso at mas lalong magiging maligaya ka basta’t sundin mo lang ang lahat ng ‘to,” mahabang payo ni Tobby na sinabayan ng pag-iwan sa kanya.
Dahan-dahan itong naglakad palayo sa kanya. Mataman niya lang itong tinitingnan habang bumababa ng hagdan. Mataman din ang pagtulo ng luha niya na kapag iniisip na hindi na makikita ang binata’y napapapikit na lang siya sa sakit. Marahan niyang pinagmasdan ang mga bahay sa ibaba na pawang mga ilaw lang ang matatanaw. Kasaba’y nito’y pilit sinariwa ang magagandang sandali ng binatang kanina lang ay nasa tabi niya. Gusto niyang isipin na binabangungot siya pero hindi siya natutulog. Matapos nito’y dumako naman ang tingin niya sa kalangitan. Ang mga bituin na walang humpay sa pagkinang ang siya namang pinaglaruan ng mga mata niyang basa pa rin sa luha. Maya-maya pa’y bigla na lang nanlaki ang dalawa niyang mata. Nasilayan niya kasi ang nag-iisang bituin na malayo ang distansiya sa iba pang mga bituin. Namangha siya sa nakita sapagkat kanina lang ay wala ang bituing iyon pero kaagad din niyang napansin ang makapal na ulap na malamang ay tumakip kanina. Pagkuwa’y muling gumuhit ang ngiti sa labi niya. Ang kondisyon kasi ni Tobby ay magagawa na niya. Kaagad siyang bumaba at nagmadaling hinabol ang binata.
“Nakita ko na! Nakita ko na!" masayang sigaw ni kate.
“Oo—hindi ko naiintindihan ang lahat ng ito
kasi bata pa ako pero, hinahawakan mo ang kamay ko.”
—Kate
Hi everyone im Hilbert Ranulo, i love fiction, and i love to write anykind of fiction stories!
Maganda.. may kilig ang
hello po!
hindi man po ako mahilig sa mga kwentong pag-ibig ngunit ako po ay napahanga dito.halatang pinag-isipan ang kwento dahil tumutugma ang una sa huli.salamat.
T.Y.
salamat baby star ha! actually hindi ko lang xia pinag-isipan talagang minaster ko pa, especially sa bawat diyalogo para lang itugma sa edad ng dalawang karakter...imajinin mo na lang kung paano ka makipag-usap ng tungkol sa pag-ibig sa isang taong 14 pa lang tapos ikaw nasa legal age na! di' ba ang hirap? salamat din!
cute ang story
hindi lang ako makatulog kasi sobrang init ngaung summer. nag-explore na lang ako ulit dito at nagbasa...finally nabasa ko rin 'story mo. cute ang story for teens as well as for adults kasi kinilig din ako. keep on posting pa 






super, hyper, mega, ultra
super, hyper, mega, ultra ang gnda..
pramis!!..
kung apat ng thumbs ko, itataas ko pa un eh..
kip up d gud work!!!!