Pag-ibig na hiram
Hinabi ko sa ulap ang bawat mong ala-ala
Upang sa pagtingala ikaw ay makita
Sa mga bituin isasabit masasayang gunita
Upang sa dilim ng gabi makahagilap ng pag-asa
Sa talukap ng mata, larawan mo’y naroon
Upang sa pagidlip, magkaroon tayo ng pagkakataon
Dahil sa panaginip lamang maaari kong maikahon
Ang bawat tamis ng ating kahapon
Sa puso ko iuukit ang bawat mong sayang hatid
Upang ang bawat halakhak kanyang mabatid
At di ang pasakit na sa isip nagpapakitid
Umaasang sa lumbay ay makatawid
Pipigilin ko bawat patak ng luha
Upang sa pisngi ko’y wala kang bakas na makita
Ayaw kong nasaktan ako… ang iyong maalala
Dahil di naman maaaring ako’y balikan pa
Narito ako ngayon yumayakap sa kalawakan
Humahalik sa kawalan
Bumibigkas ng paalam
Para sa isang pag-ibig na hiram…
April 12, 1999
naisulat ko ito taong 1999 para sa isang kaibigan... si Alma na umibig sa isang lalaking mayroon ng pananagutan.
Nakatakda siyang ikasal sa June 25, 2011... sa isang lalaking sadyang sa kanya inilaan.
Ang paglalathala nito ay may pahintulot ni Alma
Salamat sa
Salamat sa pagbasa!
Sadyang ganoon lang talaga! magmahal lang, tanggap man ng iba o hindi.
"Ang ating liwanag ay muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"
<
Ang tulang ito ay maituturing na isang tulang nabigo (a failed poem).
Kasi, sa mga unahang taludtod, naglalaro ang isang palaisipan tungkol sa isang pag-ibig. Pero sa bandang huli, isiniwalat ng persona o ispiker ng tula kung ano ang pag-ibig na iyon: isang hiram na pag-ibig.
Naglaho tuloy ang salamangka ng palaisipan. Sinabi na kasi sa hulihan. Samantalang kung hindi sinabi iyon, mananatiling nag-iisip ang mambabasa kung ano ba itong suliranin na kinakaharap ng persona. Mapipilitan siyang tuklasin iyon sa pamamagitan ng masusing paghimay sa mga talinghagang nakapaloob sa mga taludtod. Subalit paano pa nga tutuklasin iyon kung ibinunyag na? Parang bugtong na matapos bigkasin ay sinabi kaagad ang sagot. Sana, sa ganito winakasan ang tula:
Para sa isang pag-ibig na kailangan kong isauli’t iwan.
O kaya’y:
Para sa isang pag-ibig na hindi ko magiging pag-aari’t makakamtan.
Sa ganyan sana, maipagtutulakan ang mambabasa na namnamin kung bakit kailangang isauli’t iwan o kung bakit hindi magiging pag-aari’t makakamtan ng persona ang pag-ibig na iyon. Babalikan ng mambabasa ang mga taludtod upang kalasin ang salimuot na kinasasadlakan ng persona.
Pero dahil nagkabulagaan na nga nang wala sa tiyempo, hayun nakakainis tuloy. Buwisit!
Gayumpaman, sa pangkalahatan, ay maganda pa rin ang tula.
Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino
Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)
Salamat sa pagbasa at
Salamat sa pagbasa at mungkahi Ginoong Dagrit...
Ang tula kasi ay naisulat mga labing-isang taon na ang nakakaraan. Wala akong binago mula ng ito ay magawa... sa title pa lang ay sinabi na ang salitang "Pag-ibig na Hiram" kung kaya sa hulihan nito ay hinayaan ko na lamang na doon ito magwakas. Magkagayon man, salamat sa iyong mungkahi. Ganap nga itong makakapagpabago sa diwa't bigkas ng tula kung gagamitin.
"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"
<
Iyon na nga ang problema: Parang tinorpedo mo ang mga mambabasa sa pamagat pa lang, at saka tuluyan nang binomba atomika sa hulihan.
Nanghihinayang ako sa tulang ito kasi postmoderno ito e. Paloob ang tinig na ginamit.
Nagkaproblema lang talaga, sa pamagat at sa bandang hulihan.
----
Mga karagdagan.
Huwag ka naman sanang maghinanakit sa mga komento ko. Wala naman akong masamang intensiyon sa iyo. Hindi naman tayo magkakilala e. Nanghihinayang lang kasi ako sa tulang ito kasi maganda.
Para kasi sa akin, ang tunay na kahulugan ng tula ay ang tula ay isang laro ng mga salita at talinghaga.
Katulad ito ng bugtong, palaisipan, o mathematical problem, kung saan ang sagot, mensahe, o solution ay nakapaloob sa mga talinghaga.
Ang gagawin ng mambabasa ay kakalasin ang pagkakabuhol-buhol ng mga talinghaga upang malaman kung ano ang mensahe ng tula, kung ano ang sagot sa tanong o palaisipan, kung ano ang suliranin ng persona, o kung ano ba talaga ang gustong iparating ng tula.
Kapag sinabi na agad ang mensahe ng tula, ano pa ang pagkalas na gagawin ng mambabasa? Nakabuyangyang na sa harapan niya e. Ang magiging reaksiyon niya ay inis, yamot, suya. Wala na kasing hamon ng pagkalas o pagdistrungka sa tula.
Pero, ang nakatutuwa sa mga tula mo ay nagtataglay ang mga iyon ng isang matibay na patunay na nakarating ka na sa moderno at postmodernong palapag ng panulaan, dahil pantay-tao at paloob ang mga tinig ng iyong mga tula. Hindi katulad ng ilang mga makata riyan na kung mandikta, magsermon, o maglupasay sa kanilang mga tula ay ganoon na lamang.
Ang Tugma, Sukat, at Alindog sa Tradisyonal na Panulaang Pilipino
Kultong Rizalismo (sanaysay ni Jon E. Royeca)
Walang halong hinanakit
Para sa akin ano mang pagpuna ay karagdagang aral upang mas mapaghusay pa ang panulat, kung kaya ang paghihinanakit ay walang puwang.
Salamat sa karagdagang puna at mungkahi!
Muli Salamat!
"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"
magandang payo, magandang
magandang payo, magandang tula. sang-ayon ako sa komento, subalit nung mabasa ko yung reason nung may akda. Somehow, kung bakit ganun ang ginawa niya na ending at kung bakit ganun iyung title ay na-justify niya, maliban na lamang kung manunulat din si Alma, syempre gugustuhin niya ring medyo palaisipan nga.
Pero hindi siya manunulat tingin ko, kasi kung manunulat siya, di sana siya na ang gumawa. Therefore, kung ako kay Alma. May gusto ko itong ending niya na ito, kesa sa suggested ending ni Mr. Dagrit. hehe
(Mr. Dagrit. Lagi ko pong sinusubaybayan ang inyong mga comments (critics). i mean hinahalungkat kasi matagal na sia dito at ako ay bago lamang. Malaki po ang paghanga ko sa inyo at nangangarap din po akong makagawa ng obra na inyong mapapansin. Subalit sa ngayon ay alam ko pong wala pa.. :[ )
para sa akin maganda ito...
para sa akin maganda ito... hehehehe (may bayad eh!)
Sir iba ata ito doon sa nabasa ko?
simpleng pinkCath lang po!
Ito ang Original
Ito kasi ang original, na Pag-ibig na Hiram. Iyong nabasa mo dati may binago na ako doon. Ito ang inilagay ko dito para sa kasal ni Alma (isang kaibigan) kahapon.
Pwede na ba ang 10rials na bayad? Ikain nalang natin ito bukas, Papa John's Day! Pizza... Pizza...
"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"
Sir Monday na, it's Papa
Sir Monday na, it's Papa John's Day na! Sarap kain ng Libre.
What time tayo mamaya?
simpleng pinkCath lang po!
Mamayang 8PM. Makkah
Mamayang 8PM. Makkah Al Tarmahd.
Pasabi na rin kay Negs, para may isa pa tayong sasakyan. Kasama kasi natin ang mga Bakal Boyz...
At tumutula ka narin ngayon: http://filipinowriter.com/tuwing-umuulan
"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"
Nice...
Magaganda ang mga post mo at pinagtyagaan talaga. Sa tulang ito ang maibabahagi ko lang ay konting bawasan mo lang ang pang-uri na nagpapahayag ng damdamin tulad ng masakit, mahapdi atbp. sabi nga palagi ng mga batikan, show it -don't tell!
sulat ka pa, isa sa mga inaabangan ko ang iyong mga gawa.thumbs up!
https://dyeppri.wordpress.com/
"libog lang ang dahilan ng lahat kung bakit andidito ako..."
Salamat ng marami Dyeppri!
Salamat sa iyong pag-basa at mungkahi...
Ang mungkahing tulad nito ang siyang makakapaghusay pa sa aking isinusulat...
Muli salamat!
"Ang ating liwanag at muling lalamunin ng dilim na ating binasag!"







mahirap talagang magpaalam
mahirap talagang magpaalam sa isang pag-ibig na hiram!
ramdam ko ito, dahil ako man ay nagmahal ng isang lalaking may pananagutan na... ang kaibahan lang ng sa amin kahit alam kong mayrun na siyang iba at kahit alam kong di talaga sya para sa akin... go pa rin ang drama ko... mahal ko eh!
maharot, malikot titik sa aking tuktok!