Pag-ibig ni Jose Corazon De Jesus

Isang aklat na maputi, ang isinusulat: luha!

Kaya’t wala kang mabasa kahit isa mang talata.

Kinabisa at inisip mulang ating pagkabata,

tumanda ka’t nagkauban, hindi mo pa maunawa.

 

Ang pag-ibig, isipin mo, pag inisip, nasa puso;

pag pinuso nasa isip, kaya’t hindi mo makuro.

Lapitan mo nang matagal ang pagsuyo. . .  naglalaho,

layuan mo at kay lungkot, nananaghoy ang pagsuyo.

 

Ang pag-ibig na dakila’y aayaw ng matagalan,

parang lintik kung gumuhit sa pisngi ng kadiiman.

Ang halik na ubos-tindi, minsan lamang sa halikan,

at ang ilog kung bumaha, tandaan mo’t minsan lamang.

 

Ang pag-ibig kapag duwag ay payapa’t walang agos,

walang talon, walang baha, walang luha, walang lunos.

Ang pag ibig na matapang ay puso ang inaanod

pati dangal, yama’t dunong nalulunod sa pag-irog.

 

Ang pag-ibig na buko pa’y nakikinig pa sa aral,

tandang di pa umiibig, nakikita pa ang ilaw,

ngunit kapag nag-alab na’t pati mundo’y nalimutan

iyan, ganyan ang pag-ibig, damdamin at puso lamang!

 

Kapag ikaw’y umuurong sa sakuna’t sa panganib

ay talagang maliwanag at buo ang iyong isip.

Takot pa ang pag-ibig mo, hindi ka pa umiibig,

pag umibig, pati hukay ay aariin mong langit.

 

Iyang mga taong duwag na ang puso’y mahihina,

umibig man ay ano pa, di pag-ibig, kundi awa.

Kailangan sa pag-ibig ay hirap at mga luha

at ang duwag ay malayong sa pag-ibig dumakila.

 

Ang pag-ibig ay may mata, ang pag-ibig ay di bulag,

ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulakiak.

Ang pag-ibig ay masakim at aayaw sa kakabyak,

o wala na kahit ano, o ibigay mo nang lahat!

 

“Ako’y hindi makasulat at ang nanay, nakabantay.”

Asahan mo, katoto ko, hindi ka pa minamahal.

Ngunit kapag sumulat na sa ibabaw man ng hukay

minamahal ka na niya nang higit pa kaysa buhay.

 

Kayo mga kabataang pag-ibig ang ninanais,

kayo’y mga paruparong sa ilawan lumiligid.

Kapag kayo’y umibig na, hahamakin ang panganib,

at ang mga pakpak ninyo’y masusunog sa pag-ibig!