PAGBABALIK Chapter 4

| |

folks, ang pagpapatuloy ng salaysayin... 

PAGBABALIK  Chapter 4

ni: Lyds78 

Pagkatapos naming maghugas ng mga kasalanan ni Tata Anton, ipinasya naming maghugas naman ng lalamunan para masabi ng diretso ang mga bagay na gumugulo sa aking isip.  Sa isip ko lang, dahil ako lang naman ang umalis ng Champaca.  Si Tata Anton ay bahagi na ng lugar na ito kung paanong ang bangus ay hindi matatanggal na bahagi ng love story ni Senyor Delfin at ng batam-batang si Carla

.“Tata Anton, hindi kaya tayo tamaan ng kidlat nito?” biro ko habang sinasalinan ng gin ang baso ni Tata Anton.  Medyo mahina ang makina ng matanda ngayon.  Mag-iisang oras na kaming magkasalo sa isang kwatro kantos habang pinapanood ang paghampas ng mga alon ng dagat pero ni hindi pa nangangalahati ang bote. 

“Tata, ay namamatanda ba kayo?” biro ko nang mapansing walang kakurap-kurap na nakatingin si Tata Anton sa paghampas ng mga alon sa batuhan habang banayad na hinahagkan ang dalampasigan.

“Tingnan mo nga naman, ang makapangyarihang alon ng dagat na dumudurog sa mga bato at maliliit na bangka, parang isang mangingibig kung humalik sa baybay.” 

“Aba, Tata!”  Napahagalpak ako ng tawa.  “Hindi ninyo nababanggit sa aking galing pala kayo sa lahi ni Balagtas.”   Tinitigan ko ang blangkong mukha ng matanda, mababakas ang karunungang kakambal ng bawat kulubot sa kanyang noo.   Parang pinalis ang ngiti sa aking mga labi.

Hindi pinansin ni Tata Anton ang panunukso ko.  Tahimik na tinungga ang laman ng kanyang baso.“Bata ka pa, Ruben.  Marami pang darating sa buhay mo.  Huwag kang gumaya sa mga kababaryo mong walang mga pangarap sa buhay.  Kuntento na sa maliit na bayang ito."

Nilulon ko muna ang nginunguya kong makunat na laman ng pusit na inihain ni Tata Anton para aming pulutan.  Kanina pa ito walang kaimik-imik mula nang manggaling kami sa simbahan.  Hindi ko mawari  kung ang nabahala ba siya sa kababayan niyang nag-iibang anyo oras na mawisikan ng agua bendita.“Tata Anton, ‘wag naman kayong masyadong seryoso.  Hala kayo, lalong dadami ang kulubot ninyo.  Baka tuluyan na kayong mapag-iwanan ng panahon niyan,”  pagpipilit kong baguhin ang takbo ng usapan.

Pero sa kabiglaanan ko ay parang lalong sumeryoso ang mukha ni Tata Anton.“Sa tanda kong ito, hindi ko na iniisip ang ganyang mga bagay, Ruben.  Kuntento na akong walang kasalo sa kahirapang ito.  Buti pa kung naging ‘singyaman ko ang Senyor Delfin,  maski papaano ay maiiwanan ko ng alwan sa buhay ang pamilya ko kung sakaling ako ay bigla na lang maglaho sa mundong ibabaw,”  dire-diretsong pahayag ni Tata Anton, nakatitig pa rin sa malawak na karagatang pinagmulan ng kanyang ligaya’t hinagpis sa buhay.

“Wag nga kayong magsalita ng ganyan, Tata.  Malakas pa naman kayo, marami pa kayong magagawa sa buhay.  Hindi naman porke mayaman si Senyor Delfin at may maganda at batam-batang asawa ay nangangahulugang nakahihigit siya sa ating lahat dito,”  pagrarason ko habang hinihimias-himas ang braso kong ang tanging panangga sa hangin ay ang manipis na tela ng kupasing kamisa na ipinagamit sa akin ni Tata Anton. 

“Hindi ba, totoo naman?  Di hamak na malayo na ang nararating ni Delfin kumpara sa karamihan sa amin dito sa Champaca,” may himig paghihinanakit na sa boses ni Tata Anton.  Mukhang masyado nang marami ang nainom nito kaya lumalabas na ang pagiging emosyonal ng matanda.

Napabuntong-hininga ako bago ko inakbayan si Tata Anton.“Tata,  pare-pareho lang ho tayong binuhay ng dagat dito sa Champaca.  Walang makapagsasabing ni hindi nabahiran ng lansa ang kanilang mga kamay sa loob ng ilang dekada nila dito.”  Tinanaw ko ang kalawakan ng dagat, ang papalakas na ihip ng hanging nagmumula dito ang bumati sa aking mukhang sunog din sa araw, gaya ng karamihan sa taga-Champaca.

“Hindi laging mabait ang dagat sa atin, Ruben.  May mga panahon ding nagsusungit siya para ipaalala sa atin na tayo ay mga tao lang at may hangganan.”  Naramdaman ko ang bahagyang pangingiki ng matanda.  Basa na kasi ang hanging nagmumula sa dagat, nanunuot na sa laman ang lamig nito.

“Tama kayo, Tata.  Gaya ni Senyor Delfin.  Kahit pa sabihing napakalayo na ng inabot niya sa buhay, makatiyempo lang siya ng masamang panahon sa laot ay hindi siya bubuhayin ng naglalakihang mga batong iyan at kahit ang kayamanan o ang magandang asawa niya ay walang magagawa kung magpasya ang mga alon na iyan na dalhin siya sa kanilang walang katapusang paglalakbay, hindi ho ba?”

Napatingin sa akin ang matanda, may bahid ng paghanga at pagtataka ang kanyang ngiti.  “Tingnan mo nga naman, Ruben.  Talaga nga palang hindi ka na bata.”

“Ang Tata Anton talaga, o!” bahagya kong tinapik ang balikat ng matanda.  “Tara na nga po sa loob at ako’y giniginaw na.  Parang biglang lumakas ang hangin a!” 

Niyakag ko na si Tata Anton papasok ng bahay.  Sa pagpihit ko ay parang may naaninag akong anino sa likod ng mga punong niyog na nakatanim sa likod ng aming kubo.  Ipinilig-pilig ko ang aking ulo pero pagmulat ko uli ay wala naman na akong napansing gumagalaw.  Mukhang dinadaya na ako ng paningin ko, tsk,tsk! Hindi ko na sinabi kay Tata Anton ang nakita ko.  Baka namamalikmata na ako dahil sa dami ng nainom.

Lumingon ang matanda sa dagat.  Tiningnan ang papalaking alon at ang unti-unting pagkulimlim ng langit.  Pagkuwa’y hinawakan ako nang mahigpit sa braso at tinitigan nang matiim bago nagsalita sa kanyang matatag na boses: “Kailangang maghanda tayo.  May paparating na unos.”   

== end of Chapter 4==

if you wish to read the previous chapters

PAGBABALIK

PAGBABALIK Chapter 2

PAGBABALIK Chapter 3 


jonsdmur's picture

ang galing naman

A Collection of Short Stories-Jonsdmur

kaabang abang na ang mga susunod na pangyayari...

Congrats sa'yo Lyds.... 

Cool

jons

pirmiskalang's picture

nyahaha...

EMO si TATA... by the power of the sea!

 

http://pirmiskalang.multiply.com/

"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."

Lyds78's picture

hehe

alam mo naman ang nagagawa ng ispiritu ng alak, hindi ba?

komento naman kayo, mejo rush kasi iyan, baka may inconsistencies sa mga karakter.

 

 

 

 

...isang silip sa iyong daigdig...