PAGBABALIK Chapter 7
PAGBABALIK Chapter 7
by melanie quilla
Umuugong pa rin ang tenga ko. Hindi talaga magandang tumanggap ng masamang balita kapag may amats ka kahit konti. At bakit ganon ang alak na iyon? Nakatulog na ako’t lahat ay may tama pa rin. Siguro’y panahon na nga para iwasan ko na paunti-unti ang tukso ng alak.
Sumama ako kay Tata Anton para tumulong sa pag-aasikaso ng burol ni Senyor Delfin dahil wala naman gustong tumulong sa nabyudang si Carla kundi si Kuya Ernesto na halata namang may ibang motibo. Mas maigi ngang ando’n na rin kami para tumulong. At dahil ngayon lang uli nagkaroon ng ganoong krimen sa Champaca, umusbong sa daan ang mga kapitbahay naming ST –mga simpleng tsismosa. Hindi nakaiwas ang pandinig ko sa usap-usapan ng mga kapitbahay habang naglalakad kami ni Tata Anton papunta sa morgeng pinaglagakan pansamantala ng bangkay ng Senyor.
“Ay! Susmaryosep! Baka nga ang batang si Robert ang pumatay kay Senyor. Di ba’t halatang-halata namang ang dayong iyon ay may pagtingin kay Carla?” hirit ni Aling Kunteng.
“Ano ka ba naman, Kunteng? E lahat naman ay napapatingin diyan kay Carla. Iyan lang ’ata ang kabukod-tanging hindi giniginaw dito sa Champaca. Palagi na lang kinulang sa tela ang suot,” komento ni Ninang Ponyang. “Mas bagay nga naman si Carla kay Robert. Sayang lang ang gandang babae niya kung matutuyot lang siya kay Senyor.” Pagkasabi noo’y nag-antandang krus pa ang ginang. “Sumalangit nawa.”
“Malay naman natin, may iba pang kaaway iyang si Senyor Delfin,” pakli ni Aling Maring, ang nakababatang kapatid ni Aling Kunteng. “Dayo lang naman sila. Malay natin kaya dumayo ang mga iyan dito e may tinataguang kaaway.”
“O baka may naiinggit,” ani Aling Kunteng. “Aba, uso na ang killer na pumapatay dahil sa inggit.”
“Pwede rin namang naaksidente lang ang matanda,” kontra naman ni Aling Maring.
Napansin kami ng ninang kaya sa akin napabaling ang atensyon niya. “Ruben! Saan ang punta n’yo?”
Bubuka pa lang ang bibig ko para sumagot nang unahan ako ni Tata. “Sa morge, gusto mong sumama para makita mo ang durug-durog na bungo at halos lasug-lasog na katawan ni Senyor Delfin na medyo nangangamoy na rin?”
Pinigilan ko ang matawa nang ngumiwi si Ninang Ponyang. “Anton! Ikaw na lang! Tutal amoy embalsamo ka naman,” sambit nito sabay alis.
“Kita mo ‘tong aleng ‘to!” Bumaling si Tata sa magkapatid. “Kayo? Gusto n’yong sumama?”
Kandailing-iling lang ang dalawa sabay alis din. “Diyan kayo magaling. Tsismis kayo ng tsismis e hindi nyo man lang naisip dumamay,” pahabol buska pa ni Tata. Napailing ako, mukhang mahilig na ring magsermon itong si Tata Anton.
Nagtuloy na kami sa paglakad patungong morge. “Ano sa tingin mo Ruben? Si Robert nga kaya? Hindi naman masama ang pagkakakilala ko sa kanya,” kapagdaka’y sambit ni Tata.
Umiling ako. Tulog nga ako noong nagkakagulo, paano ko masasabing kongkreto ang opinion ko? “Tata, kung papatulan natin ang sinabi ninyong balisa ang anyo ni Robert kanina at bigla na lang nawala, malamang may kinalaman po siya sa nangyari.”
“Sinasabi mo ba, kid, na maaring pinatay nga ni Robert ang Senyor?”
Napaisip ako. Hindi ko rin gustong isipin na gano’n nga. “Tata, natatandaan nyo po ba noong blessing ng bahay ni Senyor? Sinabi noon ni Senyor kay Robert na saka na lang ligawan ni Robert si Carla kapag patay na ang Senyor. Paano kung tinotoo lang ni Rober iyon?”
“Kahit na, Ruben. Iba pa rin ang kutob ko.”
“Ano bang kutob n’yo?”
Hindi na nasabi ni Tata ang kutob niya nang humahangos na lumabas ng morge si Carla, suot pa rin ang kinulang sa telang damit. Humahagulhol siya ng iyak. Nilapitan namin siya kasabay ng paglapit ni Kuya Ernesto.
Aba, aba, aba… ang bilis naman ng responde ng tandang ‘to. May halong kamanyakang niyakap ni Kuya Ernesto si Carla. At ito namang babae ng Labernang ito, tila balewalang matsansingan ng matanda. “Tahan na, Sister Carla. May awa ang Panginoon.”
‘Tado! Ginagamit pa ang Panginoon! bulong ng isip ko. Hindi ako nagpakita ng kahit anong reaksyon sa pananamantala ni Kuya Ernesto. Mahirap na. Baka mamaya, ako naman ang matsismis na may pagnanasa kay Carla.
“Hindi kaya sunog na ang kaluluwa nitong si Ernesto?” napapailing na bulong sa akin ni Tata Anton. “Ilang utos ng Diyos na ba ang nalalabag niya? Aba’y marami-rami na, ah.”
Ngumisi ako. Pareho kami ng iniisip ni Tata. “Mas kawawa si Carla kung diyan siya mapupunta sa tandang iyan.”
Habang nagbubulungan kami ni Tata Anton ay napalingon sa amin si Carla. Iniwan niya ang dismayadong si Kuya Ernesto at nilapitan kami.
Sa akin pumulupot ng yakap ang byuda ng Senyor. “Poging Ruben!” Parang artistang nagngangawa siya sa akin. “Bakit nangyari sa asawa ko iyon? Bakit?” Alanganing ngiwi ang ibinaling ko kay Tata Anton. Kulang na lang ay masabi kong, “Tata, tulong… sagipin nyo ako!” Hindi rin nakaligtas sa akin ang masamang tingin na ipinupukol sa akin ni Kuya Ernesto at maging ang nakakuyom na kamao nito.
Dahan-dahan kong inialis sa katawan ko ang mga braso ni Carla. “Ano ng sabi ng mga pulis?” tanong ko sa kanya.
Umiling si Carla. “Ewan… Hindi ko alam. Hindi ko pa sila nakakausap. Wala akong maintindihan sa sinasabi nila.”
Lumapit sa amin ang hepe ng kapulisan ng Champaca. “Misis,” tawag nito kay Carla. “Na-autopsy na po ang bangkay ng Senyor. Basag ang bungo ng biktima. Nakuha niya marahil iyon sa pagkakahulog mula sa batuhan. Bilang patunay, may mga dugong natagpuan ang tauhan ko sa ilang pitak ng bato sa di kalayuan kung saan madalas nakikitang nangingisda ang Senyor. May mga sugat at pasa ring natamo ang biktima at ilang bali sa tadyang, binti at braso.”
“Napatay ba siya o aksidente lang?” usisa ni Tata Anton.
Binalingan ito ng pulis. “Tata, ayon sa mga tauhan ko, may ilang gamit na na-recover sa pinangyarihan ng krimen. Malakas ang teoryang, pinatay ang Senyor at sadyang inihulog sa dagat upang palabasin na aksidente lang ang lahat.”
“Sinong pumatay sa Honeypie ko?” humihikbing tanong ni Carla.
“May suspect na. Si Robert Macalintal. Natagpuan ang wallet niya sa batuhan kung saan andun pa ang ilang bahid ng dugong nakumpirmang kay Senyor Delfin. Hinahanap na siya ng kapulisan ngayon,” tugon ng pulis.
Nagkatinginan kami ni Tata Anton. Waring pareho kami ng iniisip. Hindi kami naniniwalang si Robert nga ang pumatay ngunit nanahimik lang kami. May ebidensiya ang mga pulis, kami naman’y walang maisusuporta kung tumutol kami sa pahayag ng pulis.
“Sister Carla, halika na.” Mabilis na nailayo sa amin ni Kuya Ernesto si Carla. “Aayusin pa natin ang lamay ng asawa mo.”
Sumama naman si Carla. At bago tuluyang makalayo sa amin ang dalawa ay nahuli ko pa ang masamang tinging ipinukol sa akin ni Kuya Ernesto.
Nagkatinginan ulit kami ni Tata. Mukhang alam ko na ang kutob niya.
End of Chapter 7.
Kung gusto niyong basahin ang nakaraan...
Kawawang Robert...
Nilasoglasog mo naman masyado si senyor Honeypie...
Maiba ako mam, nagawi ako sa powerbooks at national sa Shangrila (crossing) e di ko ko nakita ang aklat nyo. Saan po ba ito nagkakanlong? gusto ko sanang basahin...Only love can break the spell...
Happy are those who dream dreams and are willing to pay the price to make them come true...
sa wakas! nabasa ko
sa wakas! nabasa ko rin!
ayus! magkukrus na mga storya natin!
http://pirmiskalang.multiply.com/
"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."



....
ito ay kwentong natagalan na nga, minadali ko pa.. ay naku.... sana ay may patuloy na sumubaybay sa collab story na ito.
*****
"Hindi por que magulo ay hindi na maayos. malay mo, ginugulo ka lang talaga para umayos ka."