Pagtatagpo
Malinaw ang salamin nang nakipagbuno ang hilagyo sa kapatagan,
Nilulusaw ng anag-ag ang hamog habang naglalaro sa ligaya ang ulirat.
Nag-aasam na muling makita ang mapang-akit mong larawan.
Hindi ka bahagi ng aking daigdig,
subalit bakit sa aking kalungkutan at pag-iisa,
natatangkil ko ang bawat pagpulupot ng iyong bisig.
Hindi ka sumasalakay sa aking mga panaginip,
Ngunit sa bawat pagtikom ng paningin,
tumitindi ang saklaw na inaabot ng aking salamisim.
Hindi ka namatay-sindi sa bawat liwanag na aking kinagigisnan,
dangan lamang at damang-dama ng aking habag
ang pag-ukilkil ng iyong mga kataga't panambitan.
Hindi kita lubusang kilala at kinilala,
pero bakit pilit kang sinisino ng mga silakbo,
ng mga pagtatangkang hindi ko inasam, hindi pithaya.
Mayupis ang gabi,
pati ang mga tala sa kaluwalhatian ng bathala'y
kailanma'y 'di nagpakita.
Magsalita man ang dilim,
walang aninong dumudungaw,
subalit sa karimlang ito nagsagupaan ang mga labi,
napatda ang kapangyarihan ng mga panginoon
habang sinamahan tayo sa ating Pagtatagpo
noong 24 Hunyo, 2010, huwebes noon. Walang tigil ang ulan at ikaw ang naging larawan sa aking malulam na paghawan.


