PAKINGGAN PO NINYO MAHAL NA HARI

Pakinggan po ninyo mahal na hari
Itong kwentong sa inyo'y aking ibabahagi
Kwento ng isang nauupos na kandila
Ang liwanag ay mumunti't bahagya

Pakinggan po ninyo at ang mata'y ititig
Sa isang pusong lipos ng pag-ibig
Subalit sa buhay na ito'y puno ng tigatig
Pagkat waring kinalimutan na ng nakabig

Wala nang puwang ang aking usapin
Doon sa nayon ng mga bukirin
Datapwat inilapit nalang sa inyong harapan
Upang kahit paano'y inyong kahabagan

Tigib ng dalamhati ang pusong hapo
Pagkat sa tagal ng panahon ay hindi nagbago
Naghihintay parin sa pagbabalik ng isang tao
Isang taong hindi ko alam kung naaalala pa ako

Ihayag nga ninyo ang inyong paghuhukom
Kung dapat pa bang maghintay sa kanyang pagdaong
Itong isang butil ng buhangin sa dalampasigan
Upang ngiti niya ay akin pang masilayan

Habang nalalagas ang tangkay ng mga dahon
At ang tubig sa ilog; sa dagat naparoon
At tuluyang nagsipugad ang mga ibon
Ako'y nandito parin nakatunghay sa dako pa roon

Doon sa ibayong abot hanggang langit
Ang mga ala-alang naglalayag sa'king isip
Ay patuloy ang paglipad upang makamit
At siya'y makasama sa aking panaginip

Tama bang isuko ang lahat ng pait?
At tuloy nang ibaon ang iniwang sakit
Pa'no naman ang pusong hanggang ngayo'y sa kanya lang
Titibok pa kaya sakaling siya'y pilit kalimutan?

Itanim nga ninyo yaring karunungan
Sa inyong pagpapasiya ako'y bahaginan
Sapagkat bawat kahapong kay tamis na pinagsaluhan
Ay ibayong sakit ang hatid kung binabalikan

Ang halik ng hamog sa aking katawan
Ay patunay lamang ng kanyang paglisan
At ang patak nitong malumanay na ulan
Parang nagsasabing habang-buhay ang dadaanan

Kung bagyo'y  nag-iiwan ng ibayong salanta
Ang pusong sa ipo-ipo ay tuloy tumama
Naiwang walang masabi at parang tulala
Ang nadarama'y di maihanap ng tugma

Ibigay po ninyo ang inyong panayam
Sabihin sa akin kung saan nagkulang
Tama bang minahal ko siya ng lubusan
Dapat bang sa ginawa ako'y maparusahan