Pamahayagan, di pagkatuto ng sariling wika at marami pang iba

noelbarcelona's picture

NAGTURO ako sa isang unibersidad kahapon, Oktubre 2, ng batayang kurso sa pamamahayag. Apat na aralin o subject ang itinuro natin sa humigit-kumulang 10 katao - pagsulat ng balita, lathalain, editoryal at ilang tips sa newspaper management.

***

Sinuri namin ang laman ng diyaryo na lahat nasusulat sa Filipino (bilang pagpupugay raw sa Buwan ng Wika noong Agosto). Subalit kapuna-puna ang maling paggamit ng mga salita, maling ayos ng mga pangungusap, at maling gamit ng mga bantas. 

Nakalulungkot na napakaraming kabataan at maging katandaan ang hindi maalam sa wikang Filipino. Nagpapakahusay sa Ingles, pero tangang-tanga sa Filipino. Minahal nila ang di-katutubo, ang dayuhan subalit isinusuka ang sariling wika. Hindi ko maiwasang maitanong sa sarili - bakit ganoon? Bakit bibihira ang nagmamahal sa sariling wika? Kung mayroon man ay iyong sinasabi nilang di sila maalam sa wikang Ingles? 

***

Sistematiko o planado (mga Espanyol na katawagan itong isina-Filipino. Katanggap-tanggap na rin) ang pagpatay sa sariling wika. Maraming hakbang ang nagdaang mga gobyerno para patayin ang wikang Filipino at isalaksak sa lalamunan ng milyun-milyong Pilipino ang wika ni Uncle Sam. Ang katuwiran: upang maging "globally competitive". Sa madaling-salita, makipagkumpetisyon sa kapwa-nila-tao sa daigdig sa pagkakamal ng dolyar na buhat sa pagpapaalipin at paghuhubad ng sariling dangal bilang tao. Pwe!

***

Si dating pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang masigasig na nagsulong ng English-speaking policy sa Pilipinas. Kasi naman ang tanga sa Filipino ng kanyang mga tagasalin. Kaya naman gusto niya, Ingles na lang. Ha-ha-ha-ha!