Pangulo, Sagot ng Kahirapan...
Pangulo, Sagot Kahirapan...
Ilang taon na lang ang hihintayin ng buong sambayanan at tuluyan ng iwan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kanyang trono bilang Presidente ng sambayanang Pilipino? Pero bakit hanggang ngayon ay hindi pa rin nalutas ang ating pangunahing problema na kinaharap sa kasalukuyan. Bakit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang hinaing ng sambayan ukol sa kahirapan. Paano kaya masolusyunan ang hinanaing ng ating mamamayang mahihirap kung kaliwa’t-kanan na ang pagtaas ng pangunahing produktong bilihin? Kasabay na nito ang pagtaas ng pamasahe at langis? Hindi po kasalanan ng mga mahihirap kung nasadlak man sila lipunang mahihirap pero bilang Pangulo ng ating bansa, nasa kamay n’yo po nakasalalay ang kabuuang pagdesisyon. Gumawa na po kayo ng aksiyon ukol sa mga problemang kinaharap, bilang pangulo, gawin n’yo po ang lahat ng inyong makakaya upang pagkatiwalaan kayo ng buong sambayanan. Huwag n’yo pong hayaan na patuloy po na niyuyurakan ang inyong pangalan. Pigilan n’yo po ang kasalukuyang problema tulad ng pagtaas ng presyo ng langis na dahilan ng pagtaas ng pamasahe, bigas at kuryente at maging pagbaba ng halaga ng dolyar.
Bilang isa sa mga mamamayang mahihirap, hindi sapat ang kinikita ko upang matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan kung patuloy na tumataas ang lahat ng bilihin. Kung ganito ang kasalukuyang daloy at pamamalakad ng ating gobyerno ngayon, paano na mabuhay ang mga mahihirap na tanging pagsasaka, pagtatanim, pangingisda, yung mga nasa lansangan na umaasa lang sa pagbebenta ng dyaryo o bote, yung mga taong nagkakatulong at labandera para lang may maipakain at maipapaaral sa kanilang mga anak? Ito po ay usaping kahirapan, kung saan pareho pong apektado mayaman man o mahirap. Bilang pangulo ng bansang Pilipinas, nasa inyo po ang kapangyarihan upang matigil ang pangunahing sinisigaw na problema. Huwag n’yo pong hayaan na lumala pa ito at mapunta na sa hindi maganda tulad halimbawa ng pagkapit nila sa patalim o paggawa ng kremin upang gawing pantawid nila sa kahirapan.
Sa kasalukuyan, sunod-sunod na ang pagtaas ng lahat ng pangunahing pangaingailangan, pero hanggang ngayon ay wala pa ring sagot o aksiyon ang administrasyong Arroyo. Ito na po ang tamang panahon upang patunayan n’yo po sa buong sambayanan na hindi po nagkamali ang taong-bayan sa paghirang ng magiging pangulo sa bansa. Patunayan n’yo po sa taong-bayan na mali ang mga akusasyon patungkol sa inyong administrasyon. Ipakita n’yo po ang inyong kakayahan bilang pangulo ng bansa at linisin n’yo ang inyong pangalan na hanggang ngayon ay patuloy pa rin itong niyuyurakan. Dahil bilang pangulo, kayo ang sagot sa kahirapan…
Maraming salamat po…
Personal point of view
Hindi po ako maka-administrasyon at lalong hindi oposisyon, gusto ko lang pong ipaabot o iparating sa kinauukulan ang aking sariling pananaw ukol sa kasalukuyang daloy ng ating pamahalaan.
Umaasa lang po ako na sana'y magkaroon ng pagbabago ang estado ng buong sambayanang Pilipinas.
Maraming salamat po...


