Pigta ng Luha
Pigta ng luha
Sa tuwing ang dapit hapon ay sasapit
Ang iyong mga alaala sa akin ay sumasaglit
At aking nakikita yaong mga titik
Ng iyong pangalang nakaukit sa aking dibdib.
Simula ng ikaw ay lumisan sa aking tabi
Tila nga kailan lang naputol ang ating mga alaalang hinabi
Kaya’t makaligtaan ko kayang di muling balikan
Ang mga panahong tayo ay magkapiling?
Sa tuwing ako ay nasa pook kung saan tayo ay unang nagkita
Aking nagugunita ang iyong maamong mukha
Siguro nga sinadya ng panahong ikaw ay lumisan ng mas maaga
Upang sa aking mga alaala di mag babago yaong iyong mukha.
Ang aking isipan ay laging dumadalaw
Sa mga daanang dati ay sabay nating niyayapakan;
Di ko rin mapigilang di maupo sa luntiang damo
Na siyang nagsisilbing ating upuan kung tayo ay nagkukuwentuhan.
Ang iyong malambing na tinig
Sa bawat araw ng buhay ko ay akin pa ring naririnig
Maging ang iyong mga birong sa aki’y nagpapangiti
Pati ang iyong mga awitin na ngayon sa akin ay nagdudulot na ng pighati.
Ang iyong larawan na sa tuwina’y akin ng pinagmamasdan
Maging sa aking puso’y nakaukit magpakailan pa man,
Ano itong aking abang kasawian?
Bakit kasi giliw ako ay iyong iniwan?
Nasaan ka na dati sa akin ay nagpapasaya?
Bakit ba ngayon ikaw ang dahilan ng aking pagdurusa?
Nasaan ka na dating siya’y nagsisilbing aking tanglaw?
Bakit ba sa iyong paglisan ilaw ko rin ay pumanaw?
Mga gunita mong sa akin ay nagbabalik
Malalanta din ba tulad ng mga bulaklak ng iyong pag-ibig?
O ito ba ay magsisilbing bantayog
Ng pag-ibig na walang kamatayan o aking irog?
At sa tuwing maalala ang araw ng iyong pagpanaw
Kung magkakaroon lamang ako kahit isang pagkakataon
Upang ikaw ay muling makasama
Akin ng ipagpapalit ang aking hininga.
At bago lumitaw yaong mga bituin
Muli ang iyong naiwang panyong pigta ng aking luha ay aking kukunin
Upang pahirin ang lungkot at hilahil na nasa damdamin
Maging ang pag iisang nakabahid sa aking mukha.
ang tulang ito ay inaalay ko sa aking kaibigan na siyang naging aking inspirasyon sa pagsulat ng tulang ito.


