Piniga na (P)

kwekwento's picture
| |

 

 

 

 

 

HINDI AKO mahilig magbisikleta.
       Kaya kataka-takang sa panaginip ko ngayon ay nagbibisikleta ako sa katapat na kalye ng eskwelahan ko dati nu'ng highschool ako. Ang isa pang nakakaloko, ang ako na nagbibisikleta na ‘to ay iba ang itsura, iba ang mukha, hairdo, ‘tsaka pangangatawan. Pero sigurado ako na ako ito.
       Makulimlim ang atmosphere ng panaginip kong ‘to. Ang kamalayan ko ay isang third person omniscient na parang kamerang nanonood sa nagbibisikletang ako (siya/niya). Kapag liliko (siya) sa ibang kalye, unti-unting lalayo't magbe-bird's eye view naman ang ako bilang third person. Kapag ngumingiti (siya) habang sinasalo ng mukha ang hangin dahil sa bilis ng pagbibisikleta, magko-close up naman ako bilang camera -- katulad ng sa pelikula. Nai-imagine mo ba ang senaryo?
       Lahat ng mga nadaanan ko (niya) nu'ng highschool pa lang (siya) ay nadaanan (niya) ulit sa panaginip kong ‘to habang nagbibisikleta. Kapag naging first-person naman ako na parang nagsanib kami, mag-iiba ang frame ng senaryo, mapapalitan ng mga alaala ko noong bata pa'ko na nagtatangkang sumubok magpedal ng isang bisikleta sa kauna-unahang pagkakataon -- sumemplang ako no'n at napagalitan ng masungit kong lola.
       Tapos ay babalik ang frame ng nagbibisikletang ako sa distrito palibot ng eskwelahan. Nakapirmi na ako bilang camera ilang metro ang layo sa umaandar na ako (siya). Magkasabay kaming hinihiwa ang hangin. Ang bilis ay normal, naka-focus ako sa kaniya, nagiging makukulay na lihis-lihis na linya naman ang bawat madaanan namin. Siguro dahil ‘yon sa pagkahilig ko sa komiks kaya ang mga linyang katulad n'on ay kapareho sa mga eksenang may tumatakbo o may speed motion sa isang scene sa komiks.
       Sa kasalukuyang senaryo naman papasok ang isang mahalagang karakter ng panaginip kong ito; na papangalanan kong Canes (dahil ito lang ang natatandaan kong palatandaan sa kaniya -- Canes kasi ang tatak sa garter ng panty n'ya nang mag-close-up ako sa paglitaw n'ya). Biglang sumulpot ang dalagang si Canes sa likuran (niya). Naglalakad lang si Canes pero nasusundan nito ang bilis ng andar ng pagbibisikleta (niya); nililipad rin ang palda ni Canes kaya malinaw na pareho sila ng bilis. Bukod sa panty, napansin ko rin ang kulay at disenyo ng palda't damit ni Canes, naalala ko na uniporme ‘yon ng mga babae sa highschool namin. Sobrang linaw ng itsura ni Canes. Tipikal lang ang mukha n'ya, cute s'ya, morena at maamo ang unang impresyon ko sa kaniya, ‘yung tipong matino na palaaral pero makulit na kalog. Ang kengkoy pa ng pagpasok n'ya sa eksena.
       Ang kaso, wala akong maalala na kakilala, nakasalamuha o nakita na may kamukha n'ya sa reyalidad; pati ‘yung ako na nagbibisikleta, hindi rin pamilyar sa'kin ang mukha. Aminado rin akong mas guwapo ang doppelganger na ‘to kesa sa'kin. Sobrang kakaiba't nakakapanibago talaga ‘to. Kadalasan kasing mga casts sa panaginip ko ay ‘yung mga nakita ko na o kaya'y mga nakadaupang-palad. Kahit nga tindero ng fishball, babae sa isang commercial, o malayong kamag-anak eh naaalala ko pa. Pero silang dalawa, wala talaga sa memorya ko.
       Lumingon ako (siya) sa likuran dahil namalayan (niya) ang pagsulpot ni Canes. Ngumiwi (siya) sa pagkagulat. Sino ‘to? isip (niya)
       Nagsalita si Canes habang patuloy ang pag-andar nila, "Hi. Nagulat ka ‘no? Kasi nasusundan kita kahit naglalakad lang ako? Gusto mo gan'to pa eh." Tumalikod si Canes habang umaandar, pero ganoon pa rin ang bilis nito.                Pumatol naman (siya) sa pagpapakitang-gilas ni Canes. "Kaya ko rin ‘yan," sabi (niya), sabay talikod sa manibela at patalikod ring pumedal. Nagtawanan sila dahil sa kawirduhan nilang dalawa.
       Pagkatapos n'on, close na sila -- tipong bestfriends na dahil nag-fast-forward ang timeline sa loob ng isang iglap (lahat ay posible sa panaginip). Pero alam ko na mangyayari ‘yon; ang ako bilang camera ay naging direktor din na dumiskarte sa plot ng cut scenes, tapos balik sa pagiging camera nang mapunta sa isang burger stand sina Canes at ako (siya). Dahil magbespren na sila, nilibre (niya) si Canes ng burger at masaya silang nagkuwentuhan habang kumakain. Napansin (niya) na may sukbit-sukbit pala sa likurang kanang balikat si Canes, parang naka-case na gitara.
       "Ano ‘yan?" tanong (niya).
       "Violin," sagot ni Canes.
       Naging direktor ulit ako at naisip kong maging college na sila.
       "Ano ba'ng course mo?" tanong (niya) ulit.
       "Legal management."
       "Eh ba't may dala-dala kang violin?"
       "Paki mo? Frustrated musician ako eh."
       Nagpatuloy ang kuwentuhan nila ng kung anu-ano pa. Madaldal si Canes kaya hindi (siya) makahirit ng mga gusto (niya) ikuwento, tumawa na lang (siya) nang tumawa habang nakikinig. Pero mamaya'y mababagot din (siya) ‘tsaka aantukin kapag wrestling na ang topic ni Canes.
       Balik camera ako, dahan-dahang napatingin sa langit, dumilim kasi bigla ang mga ulap. Nagulat ako nang biglang nahati ang ulap, parang nagkabutas. Itim na itim ang malaking butas sa langit. Napansin rin nina Canes ‘yon.                   Nagulantang sila nang may lumabas na higanteng bagay sa butas. Lalong dumilim ang kalangitan. Nagimbal sila sa nakita -- isang malaking-malaking paa ng kung anong halimaw ang pabulusok na bumagsak sa lupa. Kulubot-kulubot na makaliskis at may itim na mga matutulis na kuko, dinurog nito sa isang apakan ang buong distrito't eskuwelahan. Gumuho ang lupa. Sinundan ito ng malalakas na kulog at kidlat.
       Ginising (siya) ni Canes. Panaginip lang pala ang lahat. Ayos. Panaginip sa isang panaginip. Naging clerk ng Burger Machine si Canes na gumising sa kaniya. Naging tanghali naman ang oras at atmospera. Pawis na pawis (siya) sa napanaginipan. Mabuti na lang at niyugyog (siya) ni Canes kundi ay binangungot na (siya). Gumayak sila para mag-foodtrip naman sa iba pang stands sa bangketang katapat ng eskwelahan. Kumain sila ng kwekwek, calamares, fishball, isaw, litid-bopis, siomai, manggang hilaw, sweet corn at kung anu-ano pa. Ang bawat tindero ay dinaldal din nila. Pagkatapos ay pumunta naman sila sa isang malapit na construction site at pinasok nila ang ginagawang building habang break time ng mga construction workers. Nag-flash ang alaala ko noon na ang building na ‘yon ay abandunado na at di natapos gawin, pinasok rin namin dati ‘yon ng unang girlfriend ko na si Gela para gumawa ng kababalaghan, hehe.
       Nagmistulan kaming Tarzan at Jane ni Canes na umakyat-akyat sa kung saan-saang parte ng loob ng building. Halos umabot na kami sa tuktok. Hindi madilim sa loob. Napapasukan kasi ng sinag ng araw ang mga butas-butas na parte ng hindi natapos na bahagi. Tuwang-tuwa kaming nag-slide sa mga nakatabinging pader. Sumabit-sabit kami sa mga alambreng bakal at wires ‘tsaka tumalon-talon sa lahat ng mga puwedeng talunan. Gan'to ang mga nilalaro ko no'n nu'ng bata pa'ko.
       Mayamaya ay biglang umulan -- umulan sa loob ng building! Palakas nang palakas ang ulan kaya nabasa na kami. Naghanap kami ng puwede naming daanan palabas. Bumaha na sa ground floor. Binuhat (niya) si Canes para alalayan pababa sa isang sirang palapag. Ang isang kamay (niya) ay nakakapit sa pahabang batong semento, ang isa naman ay hawak-hawak si Canes. Nakasampa na si Canes pababa sa isang pahaba ring batong semento. Para silang nasa Super Mario world. Kaso, bumaba at nalublob rin hanggang baywang si Canes sa baha. Kaya balewala rin ang hirap ko (niya). Nadulas pa ang kamay (niya) kaya nahulog (siya) sa nakatagilid na pader, dumulas siya pababa papapunta sa puwesto ni Canes. Tumawa si Canes.
       Tumulay sila sa mga pahabang bakal dahil nakita nila na sa dulo nito ay may parang daanan palabas. Nang makarating sila ro'n at makalabas sa lagusan, tumaas ang kilay nila sa lugar na bumungad: ang loob ng eskwelahan. Shortcut? naisip nila. Maraming tao sa loob, may okasyon, baccalaureate mass yata. Hindi ko (niya) namalayan na wala na si Canes sa tabi ko. May lumapit sa'kin: mga magulang ko at kapatid. Taeng ‘yan, naging graduation day na! Halos lahat ng tao sa paligid ay nakatoga na kasama ang mga kamag-anak. Nagmasid-masid pa rin ako sa paligid, nagbabaka sakali na makita si Canes. Hayun, nakita ko na si Canes sa di kalayuan. Nakatingin din si Canes sa'kin habang kumakaway. Kasama ni Canes ang mga magulang niya, tapos niyaya na siya para umalis dahil patapos na ang graduation.
       Du'n na naputol ang panaginip ko. Nagising ako na nakasalubsob sa counter ng Burger Machine, niyuyugyog ako ng tropa ko dahil may customer daw. Nakatulog na pala ako kakahintay sa girlfriend kong si Kim -- este ex pala. Tropa ko ‘yung clerk dito kaya okay lang tumambay. Tumingin ako sa cellphone ko, hindi pa rin nagre-reply ang lokaret. Kung di ko lang talaga kelangan ‘yung measuring kit na hiniram n'ya dati eh hindi ko na s'ya hihintayin pa rito. Kaso kelangan n'ya sa'kin mabalik ‘yon, mahal ‘yon eh!
       Eh sino naman ‘yun? sabi ko sa sarili ko dahil malinaw pa rin ang mukha ni Canes pati mga nangyari sa panaginip ko ngayon lang. Naramdaman ko pa na may catsup ako sa pisngi dahil katabi pala ng ulo ko kanina ‘yung plastik ng pinagkainan ko ng burger. Pinahiran ko na lang ng tissue. May dalawa na ngang customer sa kabilang counter na kanina ay wala, magsyota siguro. Di ko maaninaw ang itsura nila dahil nahaharangan ng tropa ko na busy sa pagluluto ng mga burger.
       Tumayo ako sa pagkakaupo, paghakbang ko para tumingin-tingin sa kalye, may naapakan ako -- ay syet, an'lutong -- cellphone ang naapakan ko! Sino ba namang kumag ang makakaiwan ng cellphone dito? Wala naman ‘to kanina ah? Siguro may umorder dito tapos nahulog n'ya ‘to. Oo nga. Mangmangables el putangalore. Laki-laki ng cellphone na‘to, nahulog pa.
       Dinampot ko ang cellphone. May lamat na ang screen, sayang, pero gumagana pa. Parang picture ng isang banda ang nakalagay na wallpaper.
       Tsong oh selpon, me' nakaiwan. Haha ambobolords, " sabi ko sa tropa ko na tumawa lang, busy kasi.
       Umupo ulit ako sa tapat ng counter. Kinalikot ko ang files sa cellphone, folder ng images, folder na may nakalagay na "pix ko".
       Napamura ako't muntik ko na mabitawan ang cellphone nang makita ko ang mga pictures -- pictures ni Canes.
       Sa kaniya ang cellphone na ‘to. Nag-e-exist s'ya. Naisip ko na baka bumalik s'ya mamaya para tignan kung dito niya nahulog ‘to. Oo, posible ‘yon.
        "Baka nahulog nu'ng tsiks na umorder dito kanina. Nagmamadali eh," sabi ng tropa ko nang makita niyang titig na titig ako sa cellphone.
       Putsaragis. Totoo ba ‘to?

#

NIYUGYOG ako ng tropa ko para gisingin. Sabi n'ya habang umiinom ng juice, nag-reply na raw si Kim, twenty minutes pa raw bago dumating. Tanghali na, nakatulog pala ako sa counter ng Burger Machine kakahintay namin sa kaniya. Katabi ko ang tropa ko na abala sa pagte-text. An'sakit ng ulo ko ngayon.
        Ang wirdo ng panaginip ko -- overlaps ng mga panaginip. Mayamaya'y nagulat naman ako sa volume ng TV sa loob ng Burger Machine, Godzilla ang palabas; durog lahat ng inaapakan ng mutated bayawak. Napatingin ako sa babaeng clerk na nakatalikod, nagluluto s'ya, nahaharangan ang dalawang customer sa kabilang counter. Kaya ko s'ya napansin e nakatikwas kasi ‘yung laylayan ng t-shirt n'ya sa likod at nakaangat nang konti. Kita ko ang garter ng panty n'ya.
        Canes ang tatak.
        Nanlaki ang mata ko sa nabasa, kasabay ang pagsemplang ng binatilyo sa kalye sa bandang kanan namin, nagbibisikleta kasi ‘to. Naagaw ang atensyon ko. Habang bumabangon ang binatilyo ay tinatawanan siya ng kasama niyang dalagita na patalikod na naglalakad. Naka-uniform sila ng dati kong eskuwelahan nu'ng highschool na malapit lang dito. Tapos may dumaan sa harapan namin na grupo ng mga tao, ang dalawa doon ay nakatoga, ang isang babae naman ay may violin na bitbit sa likod. Magkakamag-anak ‘ata sila.
         Teka. Parang may mali sa mga nakikita ko ah.
        Lumingon ulit ako sa babaeng clerk na nakatalikod. Kelangang makasigurado kung tama ba ang iniisip ko. Tinawag ko s'ya, "Miss...?"
        Medyo kinabahan ako. Humarap s'ya.
       Pero hindi s'ya si Canes.
       "Ah," nautal ako dahil wala naman talaga akong sasabihin sa kaniya.                 "I-Isang cheese burger," nasabi ko na lang. Tumango lang s'ya.
        "Kakain ka ulit?" tanong ng katabi kong tropa na si Jaydi, na kanina lang ay clerk ng burgeran sa panaginip ko.
        Nagkibit-balikat lang ako. Naguguluhan.
        Ilang minuto ang nakalipas, luto na ang burger ko. Wala na ring niluluto ang babaeng clerk kaya umupo na siya para tumutok sa panonood ng Godzilla. Doon ko lang naaninaw nang malinaw ang dalawang customer sa kabilang counter.
        At ‘ayun. Sila na nga ‘yon. Si Canes at ‘yung guwapong doppelganger.

#

NIYUGYOG ako ni Kim para gisingin. Sabi niya, "Sorry na-late ako... Badtrip nadulas ako du'n sa tapat ng construction site! Basa pala du'n! Nadaganan ko pa nga ‘tong cellphone ko oh, nagkalamat ‘yung screen. Tsk, syiters."
        Tulala lang ako.
       Hinding-hindi na'ko matutulog sa counter ng Burger Machine kahit kelan.

 

 

 

# # # # #

kwekwento

i sort of like this one.

i sort of like this one. Gusto ko yung marami siyang ending. At bago ito para dito. O siguro sa'kin. I mean, most of what i've read here kasi mga tungkol sa depresyon, libog, at (utang na loob) pag-ibig. Syempre gaya ng lahat nagbabago tayo, gusto natin ng bago. Nakakatuwa. Sa palagay ko, kung magkakaroon ulit ng mga bagong materyal dito, siguro magiging masigla ulit ang FW.

Gusto ko 'yung dream within a dream.

Napanuod ko kasi yung pelikulang inception at natutuwa ako sa storytelling. Naliligaw ka sa phasing pero natatanggap mo dahil 'yon e panaginip.

Gusto ko 'to yun lang gusto kong sabihin.

 

 

kwekwento's picture

 Tama ka dyan

 Tama ka dyan eksahedora

napapansin mo rin pala iyon na paulit-ulit ang tema ng mga akda rito. Medyo dumadami na rin ang mga may mapupusok na pananalita at paksa kaya sa tingin ko ay yung mga bumibisita rito na mga tipong konserbatibo ay naaasiwa rito sa site dahil sa mga nababasa. Pansin ko rin na puro kabiguan nga at kalungkutan at angst ang mga sulatin dito. Pero hindi natin masisisi ang mga awtor nito, marahil ay nagsisilbing midyum ng pagsalba nila sa sarili itong FW para kumawala sa kung anuman ang nararanasan nila sa mga personal na buhay. Naniniwala ako na kung ano ang mga naisusulat mo ay siya ring sumasalamin sa iyong pagkatao.

salamat nagustuhan mo ang kuwento ko at nagbigay ng opinyon ukol dito.

kung may libreng oras ka ay ikatutuwa ko kung mababasa mo ang mga iba ko pang akda na may ganitong klaseng estilo at genre.

 

muli, salamat! 

pasiglahin natin muli itong FW.

 

Sana'y nagtagpo ang mga utak natin... doon, sa may tulay na tawag ay pang-unawa.

 

sinta isaac's picture

...

 

Una, hindi ako fan ng mga kwentong ang bida'y nananaginip lang pala. maraming pelikula at sulatin na din akong nabasa na ganyan ang twist, na pagkatapos ng lahat ng mga naganap na sakit, katatakutan at kaululan ay babasagin ka lang sa huli dahil isa lamang palang panaginip ang lahat.

subalit kung pagbabasihan natin ang mga una mong naisulat na nabasa ko na'y, hindi pa din napipingasan ang paghanga ko sa iyo kwekkwek. hindi mo lang siguro napukaw ang damdamin ko sa kwento mong ito. :)

May ginawa akong kwento noong nasa kolehiyo pa lamang ako, isa itong kwento ng lalaking naglalakbay sa isang palasak na buhay, inakala niya na siya'y nananaginip lamang, ngunit sa huli'y natuklasan niyang totoo pala ang lahat. :) shinare ko lang kwek. 

pangalawa, walang kaso ang mapupusok na salita, ang temang libog, pagkasawi at pag-ibig, basta't magagawa ng manunulat na depensahan ang kanyang likha at akda, basta't magagawa ng manunulat na isulat ang salitang "nagkakangkangan kami" sa pinaka artistikong paraan. Hindi ba? :)

at kung minsan naman, akala natin tungkol sa sex at lust ang isang tula at kwento ngunit ang totoo'y hindi lang natin lubusang naunawaan ang mga nakatagong imahe at mensahe sa likod ng mga kalat na salita.

ito ang paniniwala kong aking akin lang,

...kung susulyapan mo ang kailaliman, hindi ka malulunod, ngunit kung makikipagtitigan ka dito'y lalaban din siya ng titigan sa iyo at ikaw ay malulunod at tsaka mo maiintindihan ang salitang kailaliman...

 

mabuhay ka kwekwek.

 

maraming salamat sa mga kwento't tulang ibinabahagi mo dito.

 

 

 

Ako ang pinakaromantikang sakyubus sa balat ng lupa

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

http://leserotika.i.ph/blogs/leserotika/                                                              


kwekwento's picture

salamat sa pagbasa at

salamat sa pagbasa at pagbibigay ng makabuluhang opinyon Sinta :)

sang-ayon ako sa pananaw mo patungkol sa temang may kapusukan. Ang bumabagabag lang sa akin ay ang kundisyon ng ibang mga indibidwal na hindi sanay roon... na baka dumating sa puntong maimpluwensyahan sila't magamit o maisalin sa ibang aspeto, gayong manakanaka pa naman ang mga kagaya mong manunulat na nakapaglalapat ng malikhaing paglalahad na humuhulma sa konseptong sekswal o pagtatalik. Alam nating may mga kaisipang hindi angkop para dito, sapagkat mas nakakaangat (lalo na sa bansang ito) ang mga taong kulong ang isipan pagdating dito. Kaya mas malaki ang posibilidad na "kabastusan" lamang ang kanilang mapupuna sa bagay na iyon. Bagama't kung lilinangin naman sila na ikunsidera ang pasya na huwag magbigay-malisya rito, siguro'y may tiyansang maipahatid sa kanila ang ninanais ng isang dibuho na magbahagi ng mensahe, ng damdamin, o ng aliw gamit ang sining... tiyak na mas makabubuti iyon. Ngunit gaya nga ng sabi ko, maraming konserbatibo dito sa atin. Paumanhin sa terminong gagamitin ko sa paglalarawan pero... sadyang may mga taong likas na "mahina ang pang-unawa" pagdating sa ganitong mga usapin. Marahil ay dahil na rin sa kultura at kinalakihan na pamilyaridad sa tama at mali.

sa kabuuan, iba-iba talaga ang perspektiba ng mga tao ukol dito sa temang mahalay/mapusok sa kabila ng handog nito gamit ang masining na paghahayag -- na mas epektibo kung nakaloob pa rito ang kagandahan mismo ng isang obra.

Maihahalintulad ang diskursong ito sa estado't sitwasyon ng mambabasa kung ano ang matitipuhang genre o istilo na umaayon sa kanyang nakasanayan; sa lipunang kinilala.

 

muli, salamat sa pagsasabi ng saloobin Sinta.

sana'y pumagaspas pa sa hangin ang layunin mo sa pagsususulat upang mapalawig pa't ang simoy nito'y malanghap ng nakararami na bukas ang isipan sa iyong uri ng akda.

 

 

 

 

Sana'y nagtagpo ang mga utak natin... doon, sa may tulay na tawag ay pang-unawa.

 

 

kwekwento's picture

(repost)

walang maipaskil na puwede e, lahat gagamitin bilang piesa.