Pusong Tameme

Pusong Tameme

Bakit parang bumibilis ang pintig ng puso ko?
Sa tuwing ika’y natatanaw, malapit man o malayo
Sa gabi’y di makatulog, ang nakikita’y mukha mo
Mapula mong mga labi’t mga matang maaamo

Kapag kita ay kaharap, hindi makatingin sayo
Kumakaba ang dibdib ko’t nangangalog ang tuhod ko
Bakit ganito ang nadarama?  Ako ay natutuliro
Di maisip ang gagawi’t nanlalamig ang palad ko

Ito kaya ay pag-ibig na tumama sa puso ko?
Anong saya ang nadarama kapag napatabi sayo
Siguro’y di mo napapansin, nag-iiba ang kilos ko
Sumisigla at para bang na sa tuktok na ng mundo

Parang gusto kong sumigaw at sabihing “I love You”
Ngunit hindi ko magawa, paano’y torpe ang puso ko
Ligaw tingin lang saiyo at nahihiya ako
Natatakot na mabasted kapag ipinagtapat ito

Paano ko maipapaabot ang nadarama kong ito?
Paano mo malalamang nai-in love ako sayo?
Ako’y torpe at tameme kapag ikaw ang kaharap ko
Ang pobre kong puso’y tiyak agad mabibigo

Nang hindi mo man lang alam na umiibig ako sayo!

Rodelito O. Brazal