"Sa Aking Pag-iisa"

fhearl08's picture
| |

Sa mundong ito, di mo alam kung saan ang destinasyon mo sa buhay. Minsan maisip mo rin kung anong meron sa lugar na iyong ginagalawan kung bakit naitanong mo sa sarili mo kung may kasama ka ba sa tuwing ika’y nag-iisa sa isang lugar na di  mo na ipinagkaila.

 

Taong 2002, malimit akong nag-iisa sa pinagtatrabahuan ko noon, sa Dennis Cyber Net. Palagi kasing wala ang boss ko gawa ng lagi itong may  lakad at minsan di na siya napunta sa palaruan nila. Halos ako na ang nagmamanage sa business nila mula sa maliit hanggang sa malaking problema sa akin na ibinunton lahat kung kaya lalong napamahal sa akin ang work ko dahil kahit mahirap ay masaya din naman ako.  Nakagawian ko na, ang maglilinis bago matulog sa  business area nila. 

 

Isang gabi, mga pasado alas onse na yon, maaga akong nagclose gawa ng maaga rin natapos ang laro wala na kasing mga incoming players. Pagkatapos kong maiayos ang palaruan ay inihanda ko na ang aking pagkain nagawian ko na kasi na  ang kumain ng hapunan sa dis oras ng gabi. Pagkatapos kung kumain ay  nagbabasa ako saglit ng  pocket book. Nang malapit ko ng matapos ang panghuling kabanata sa  binabasa ko ay biglang may narinig akong umalimpasaw na malakas na tubig. Nakikiramdam ako sa buong paligid sa loob  ng palaruan. Tahimik... at tanging mga boses lang ng mga dumaraan na tao sa labas ang aking naririnig. Ewan ko ba pero sa time na yon ay bigla na lang akong kinakabahan. Maya-maya ay  umaalimpasaw ulit ang tubig na tipong may taong naliligo, nakikiramdam ako at labis na lang akong namangha na  sa C.R. pala galing ang malakas na buhos ng tubig na akala mo’y may taong naliligo sa loob ng C.R. Lalong lumakas ang kaba ng dibdib ko at nag-alala na baka may  nakapasok kani-kanina lang na di ko namalayan. Ngunit gayun paman, kahit nabalot na ako ng takot at pangamba na baka ano ang makita sa tuwing buksan ko ang C.R. pero naglakas-loob pa rin akong buksan ito. Halong kaba at takot ang nararamdaman ko habang dahan-dahan kung tinaggal ang pagkasusi nito gawa ng lagi ko itong sinusi. Nang matanggal ko na ang kandado ay dahan-dahan ko itong binuksan. Ayoko sana pero  nilakasan ko ang loob ko at pipasaDiyos ko na ang lahat kung sakali. Bigla kong binuksan ang pinto, namangha ako, walang tao sa loob pero nakita kung bukas ang at parang kasasara lang ng  gripo nito kung sakaling may taong naligo roon. Basa ang  buong paligid  ng C.R. na animo’y  may tao talagang galing roon. Pero laki na lang ang pagtataka ko wala akong makikita nang bigla kong buksan ang pinto.

 

Dahil sa nangyari sa gabing yon ay hindi na ako makatulog magdamag dahil di na ako mapalagay at kahit ano-anu na lang na masamang bagay ang pumasok sa isip ko na tuluyang dumumi sa isip ko na siyang naghatid sa akin ng takot. Hanggang mag-uumaga na kaya tuluyan na lang akong umuwi sa bahay para maligo. Simula sa pangyayaring yon ay minsan lang ako dalawin ng antok kinagabihan lalo na pag nag-iisa lang ako sa palaruan, pakiramdam ko kasi ay may kasama ako sa loob. Pakiramdam ko’y maraming mga matang nakatingin sa akin na di ko  nakikita. Ngunit sa kabila ng lahat ay nilakasan ko ang loob lalo na sa pagsapit ng gabi at sa mga oras na  nag-iisa na lamang ako sa loob.

 

Lumipas ang ilang  araw at buwan, tuluyan ko ng nalimot ang pangyayaring yon dahil parang bumabagabag na ito sa pang-araw araw kong gawain. Simula sa pangyayaring yon ay di ko  yon kwenento  ninuman baka tatawanan lang nila ako  at sabihin nilang dahil sa sobra kong magtrabaho ay pati isip ko ay  apektado kaya minabuti  kong  di na lang sabihin sa kanila.

 

Haggang isang  araw, mag-isa na naman ako ulit sa loob  ng  palaruan. Sa time na yon ay wala naman akong nararamdaman na kahit anong kaba  o takot sa sarili  ko. Pagkatapos kong maiayos ang lahat ng mga kalat sa loob ng palaruan  ko ay kaagad kong hinanda ang aking hapunan dahil tulad ng nakagawian ko na dis oras na ng gabi ang hapunan ko, nakasanayan ko na kasi yon dito  gawa  ng okupado ang lahat kong oras sa buong araw kong gawain kaya nawala tuloy ang gana ko sa pagkain. Tahimik na tahimik sa loob ng buong Dennis Cyber Net, tanging ingay lamang ng kutsara at  tinidor ko ang umalingaw  na siyang nagbigay ng ingay. Tuloy ang pagkain ko at minsan nagmumuni-muni pa ako  sa kalagayan ng mga  magulang at kapatid kong nasa probinsya. Tumutulong kasi akong paaralin ang mga kapatid ko sa  high school kung kaya naudlot ang pangarap kong maging isang Writer Journalist pero hindi naman ikinasama ng loob ko yon dahil para rin naman iyon sa kabutihan ng mga kapatid ko. Habang kumakain ako ay bigla na lang  akong may napakiramdaman sa loob kung kaya napatigil ako sa pagsubo ng pagkain. Bigla akong may narinig na munting musika na habang tumatagal ay lumalakas ito. Sa mga  time na yon ay di malaman kong ano ang gagawin ko. Natatakot na ako! Bagay na di ko maitago sa sarili ko kung bakit ba lagi akong nag-iisa rito sa  loob  ng palaruan. Pinakikinggan ko kung saan nanggagaling ang music na yon at nabatid kong galing iyon sa loob ng  video games namin. Tumayo ako sa kinauupuan  ko at sinilip ko ang video games namin na nasa loob. Laking  gulat ko na  lang na nakasindi ang isa sa mga ito. Sa mga oras na iyon ay binalot na ang buong pagkatao ko ng takot  at di ko malaman  kung ano ang gagawin ko. Di ko lubos maisip kung sino ang nagbukas ng isang videohan gayong wala namang tao roon. Gusto kong puntahan pero nagdalawang isip ako baka bigla na lang akong hablutin ng kung sino man ang naroon. Dahil sa takot ko kaya  agad kong binuksan ang maindoor para kung sakaling may tao sa loob, maririnig ng mga kapitbahay ang boses ko sa tuwing ako’y sisigaw at hihingi ng tulong. Pagkabukas ko sa maindoor ay agad kong kinuha ang isang matulis na gunting, sa loob-loob  ko kung sino man ang mapangahas na pumasok sa loob ng videohan namin ay makipagsabayan na lang ako sa kanya hanggang kamatayan. Pagkakuha ko ng gunting ay dahan-dahan akong pumunta sa video games namin, halong tensiyon at kaba ang nararamdaman ko nang papunta ako sa loob. Nang tingnan ko ang Video na umaandar, kitang-kita ko sa dalawa kong mga mata na naglalabanan ang mga characters  ng video games na walang nag-operate. Di ako makapaniwala sa nakita ko halos di na ako makagalaw sa kinatatayuan ko sa sobrang takot. Maya-maya biglang patay-sindi ang florescent lamp na siyang sinabayan ng pagkasigaw ko sa takot. Pawis na pawis ako sa loob ng videohan gawa ng hindi ko rin nabuksan ang ceiling fan at dahil sa sobrang takot ni hindi ko alam kung sino ang kasama ko roon, di ko namalayan napaluha na pala ako. Pakiramdam ko umakyat na hanggang ulo ang nerbiyos ko. Noon naaalala ko ang nangyari sa akin noong ako’y  limang taong gulang pa lamang, ang maabutan ako ng alas Dose sa labas ng bahay kung saan napaglaruan ako ng mapaglarong engkanto. Pero sa ngayon, iba na ang nararamdaman ko, sobrang takot talaga. Sa mga panahong yon di ko oa gaanong naiiintindihan ang mga pangyayari sa paligid ko pero ngayong nasa hustong gulang at pag-iisip na ako,  labis akong nabahala sa sarili ko dahil sa time na yon kahit anu-ano ng mga masamang bagay  ang naiisip ko.

    

Sa pagkakataong yon, namalayan ko na lang na umiyak na pala ako, labis akong nangamba na baka anong ang mangyayari sa akin sa loob ng palaruan gayong nag-iisa lang ako. Maya-maya bigla ako kumalma at tumahimik, nakikiramdam ako sa paligid, tahimik... ni walang ingay ng kahit maliliit na hayop pero pakiramdam ko may matang nakatingin sa akin sa mga oras na yon. At nang tumingala ako sa bubong laking gulat ko na lang nang makita ko at magkasalubong ang paningin namin nang di ko malaman kung anong klaseng nilalang sabay napasigaw ako sa  takot at tuluyan na akong nawalan ng malay. Akala ko sa na may masama nang nangyayari sa akin noon dahil nag-iisa lang  ako sa loob  at naiwan kong bukas ang maindoor, pero nang magkamalay na ako, natagpuan ko na lang  ang sarili sa isang study  table sa isang tabi at nang puntahan ko ulit ang maindoor nagtataka ako kung bakit nakasara na ito. Sa time na yon labis akong naguguluhan pero unti-unting nawala ang  takot ko nang maramdaman kong hindi naman ako nasaktan. Bumalik ako sa loob ng videohan, patay na ang isang video na nakabukas, noon kinapa ko ang sarili kung totoo ba ang lahat na nangyayari sa akin  o kung panaginip lang dahil minsan di ko na kasi namalayan na nakaidlip na pala ako dahil sa sobrang pagod dahil buong araw at gabi akong nagtatrabaho, pero hindi talaga, bukas ang isip at diwa  ko at that time. Minsan naisip ko na baka sa sobrang pag-iisip ko sa pagsusulat ng mga nobela kaya kahit saang lupalop na ang inabot ng imahinasyon ko. Dahil roon hindi na ako dinalaw ng antok kaya ang ginawa ko’y  nagbukas ako ng isang computer at ipinagpapatuloy ko ang ginawa kong nobela na pinamagatan kong “Tunay na Magkaibigan” kung saan isinali ko ito sa 2nd Annual Script Writing ng Star Cinema. Simula sa pangyayaring yon na ako lang ang nakakaalam, hindi ko na ginagambala pa ang isip ko sa tuwing nagkakaroon ng ingay sa loob ng  videohan namin dahil since sa nangyari, wala naman silang ginawang masama sa akin at kung sino man ang mga nilalang na kasama ko rito sa loob ng pinagtatrabahuan ko’y ipapasaDiyos ko na lang ang lahat  at nakita ko naman na hindi nila ako sinasaktan. Kung isa silang kaibigan, ay handa na rin akong kaibiganin sila dahil sa isip ko, sila’y  may puso at damdamin na  nasasaktan na kahit  di ko man sila  kauri ay tiyak ang nararamdaman ko’y nararamdaman  din nila.  Mahirap paniwalaan pero lahat ay may katotohanan kung aktuwal mong  nakita ang  totoong kaganapan.

 

Hanggang dito na lang po... marami pong salamat sa lahat ng tagasubaybay...

 

FhearL

FhearL F.C.

Abangan n'yo po... "Tunay Na Magkaibigan" isa sa mga disqualified script entry ko sa 2nd Annual Script Writing Contest ng Star Cinema na minsan siyang dahilan para itigil ko ang pagsusulat kaya nag-aral na lang ako ng computer. Maganda naman yung estorya, kaya nga lang di pumasa sa taste nila, pero ganun lang talaga ang buhay, minsan may failure talaga.  Masama kasi ang loob ko noon, parang binagsakan ako ng buong langit. Ang hirap talaga at ang sakit pag nabigo ka sa isang bagay higit sa lahat sa iyong mga pangarap. Pero heto, dahil sa filipinowriter, pinilit kong bumangon sa aking pagkadapa...