Sa Bayan ko’y Todos Los Santos Araw-Araw

noelbarcelona's picture
|

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

sapagkat ang bawat isa'y bangkay

at nakalibing sa mga nitso sa kalungsuran,

sa kanayunan, at maging sa mga dalampasiga't

lupaing hindi kilala ang amoy, kulay

at maging ang anyo ng mabuting kapalaran.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

labing-apat na milyong kabataan

ang nakalibing sa kahirapan

labing-tatlong milyong kababaihan

ang nasa pantiyon ng karukhaan

samantalang nasa mga puntod na walang krus

ang 6.9 milyong maralitang tagalungsod

at ang mga bangka sa lawa't karagatan

ng bayan kong mahal ay mumunting ataul

ng milyun-milyong mamalakayang salakab

ng kahirapa't kagutuman.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

Bangkay ang magbubukid na nagpapatubo ng pantawid buhay

Nakalibing sa bukid ng asendero't multinasyunal

Nakanitso sa patung-patong na utang

Bigti ng pag-asang ang lupang binubungkal

ay mapapasakanya balang araw

ngunit hindi - sapagkat ang lupang kanya lamang

ay nasa sementeryong pambayan.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

Nakalibing kasama ng malamig na makina

at aparato sa mga pabrika't empresa

ang pangarap na maalwang buhay

ng mga empleyado't manggagawa.

Multong nagsasalita ang mga empleyadong bata

na nakatapos man ng kurso'y

nakatali ang leeg sa dayuhang kompanyang

bampira kung humuthot ng lakas at talino nila

para lamang sa malaki-laking kita.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

sapagkat napakaraming bangkay ang utak sa paaralan

dala ng kakapusan ng libro't gamit sa eskuwelahan

at paglulunoy sa ilusyon ng edukasyong

bitbit ng embalsamador-ng-kultura na mga dayuhan.

Bawat silid-aralan ng mababang paaralan,

Bawat pasilyo ng haiskul at pamantasan

ay pawang lalamunan ng mga libingan -

libingan ng talinong nasayang dahil sa kahibangan

ng mga edukador-kapitalista't propitaryong opisyal ng bayan.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

Namamatay sa lungkot at hapis

ang mga aalis patungo sa malawak na dagat,

sa mga kabahayan ng mga Amerikano, Canadiano at Intsik

sa malawak na disyertong dukalan ng langis.

Ngunit anong magagawa ng hapis?

Higit na mas masakit ang makitang ang mga anak

ay walang makain kahit na mumo na pispis.

Pait ng luha ang tamis ng tsokolateng hatid ng balikbayan box

at samyo ng pangungulila ang bawat bote ng pabango

mga tiniis na paghihirap ang sapatos at baro.

Ngunit ang pinakamasakit sa lahat ng regalo

ay makitang ang nagpapadala'y nakakahon na ri't

sinlamig ng bloke ng yelo.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

sapagkat dahil sa karalitaan,

humigit-kumulang 800 libong sanggol taun-taon

ang pilit na hinuhugot sa tiyan

at itinatapon na lamang sa basurahan,

pinalulubog sa inidoro't itinatambak

sa pinto ng mga kapilya't simbahan.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw

sapagkat ang maysakit na sipon at lagnat

ay madaling namamatay sa kanilang mga higaan

dahil kapos ang gamot at mahal ang paospital

samantalang sa malalayong kanayuna'y

wala man lamang doktor o nars o hilot man lamang

na aagap sa sakit para ang mga paa'y huwag magpantay.

Nakadaragdag pa sa hinagpis sa mahabang martsa ng inis

ay ang pagtutulak sa doktor at narses

na umalis dahil ang pasuweldo sa kanila'y

kulang pang pambili ng istetoskop at guwantes.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw

Ang mga uwak ay laging naghihintay ng makakaing laman

ang karne'y dili iba't kundi ang kaban ng bayan

walang itinitira kahit gakusing lamang

mula sa pondong nagmula rin sa utang

kaya ang mga mamamayan

ay nakalibing sa napakaraming utang

na hindi nila napakinabanan

manapa'y sa kanilang bulsa'y umaagnas at pumapatay!

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw:

Matagal nang nasunog sa krematoryo

ang paggalang sa karapatang pantao

at araw-araw ay naglalakad sa kalsada,

malayang pumapatay ang mga mersenaryo.

Nakaumang palagian ang baril

sa bungo at puso ng tagapagtanggol ng kalayaan

at ang piitang libingan ay laging naghihintay

Ang mababaw na hukay sa isang sulukan

ay laging nakahandang yapusin ang duguan nilang bangkay.

 

Sa bayan ko todos los santos araw-araw:

Ang mga tagadapit ng kaluluwa ay yaong dapat bumubuhay --

ang mga asendero't propitaryong walang hangad kundi tubo lamang

ang mga tagapaglibing ay nagkukunwang serbidor ng bayan

ang mga pulitikong walang ibang nais kundi ang magpayaman

katuwang pa ang mga relihiyosong nagbabanal-banalan

na walang ibang nais kundi ang abuloy at mga ambag

subalit pipi, bulag at bingi sa hapis at hirap ng bayan.

 

Sa bayan ko, todos los santos araw-araw...

Ngunit sasapit din ang panahong

na ang sindi ng kandilang nakatanglaw sa aking bayan

ay siya ring apoy na susupok sa kanilang mga embalsamador at kriminal

at saka lamang titigil ang paghimig ng mga ponebre

at pagdarasal ng Ama Nami't Aba Ginoong Maria

at mapapalis din ang luha sa mata ng nagluluksang mamamayan.

 

Oktubre 18, 2010; malalathala sa INANG BAYAN Vol. 1 No. 2 Nobyembre 2010