Sa dating tipanan...
Sa kabila ng pagpipilit kong maisantabi ang bawat himaymay ng malungkot na alaala ay nandirito pa rin ito at nananatili sa aking bisig..At kelangan ko ng iwaksi ito ngayon...
Bumubuhos ang ulan. Tila walang tigil sa pag-iyak ang ulap, kasabay nang pakikiramay nito sa aking kasawian. Ilang araw, gabi na ba nang magdesisyon akong ikubli ang sarili sa lahat ng bagay na magpapaalala sa kaniya. Sinubukan kong buksan ang mata sa mga maaaring pumalit sa kaniyang puwesto subalit nananatili pa rin akong bulag at siya pa rin ang nakikita. Mas mabuti siguro kung binuksan ko pati ang aking puso at isip nang sa gayon ay mas naintindihan ko na may higit pa sa kaniya. Kahapon napag-isip isip ko na oras na para lisanin ang bisig ng kalungkutan.
At heto ako muli, nagbabakasakaling hihilom din ang sugat kung sakali kami ay magkatagpong muli. Haharap ako sa kaniya ng may ngiti sa labi. Hindi siya makakakita ng bakas na nagluksa ako sa paglisan niya. Mabubuhay ako sa kasalukuyan at hindi sa nakaraan. Pinlano ko na ito kahapon, makikipagkita ako sa kaniya. Kaklaruhin ang lahat at sasabihing naging masaya ako ng lisanin niya. Magpapanggap.
Alas dos y media ng hapon. Pupunta ako ng huli sa aming tagpuan. Paghihintayin ko siya at magugulat siya sa aking ipinagbago. Hindi na ako ang dati, mangmang at walang alam sa lahat ng puwedeng ituro sa akin ng buhay, puwedeng ituro sa akin ng paglisan niya... Iyon ang ipapamukha ko sa kaniya.
Subalit tila ayaw gumalaw ng aking mga paa. Namimigat ang buo kong katawan. Kinakabahan ako sa bawat galaw ng kamay ng orasan. Isang oras bago ang aming tipanan. Nagdesisyon akong tumungo roon ng maaga.
Sa may restawran na madalas naming kainan, agad kong napansin ang puwestong madalas naming upuan. Nandoon pa rin ito na tulad nang dati, naghihintay na maibalik ang nakaraan. Hindi na ako umaasa.
Pinili ko ang puwestong iyon. Lumipas ang tatlumpong minuto...
Sa tingin ko ay naging masyado akong maaga. Tulad nang dati. Naging napakatagal ng sandaling iyon. Nang ako'y naghihintay ng pagdating niya. Tulad ng dati...
Isang puting ambulansya ang pumukaw sa aking pagmumuni. Nakakabingi ang sirena nitong tumutugis sa aking isipin. Malakas pa rin ang buhos ng ulan. Hindi ko alam kung bakit ako kinabahan. Naging napakatahimik ng lugar na iyon para sa akin. Lumipas ang isa't kalahating oras na katumbas ng buong panahong ako'y umasang maibabalik ang dati. Huminga ako ng malalim. Tulad pa rin siya ng dati. Wala pa rin siya. Saka ko naisip na tama na ang pagpapamukha niya na wala akong karapatang magmalaki sa kaniya. Dagli kong nilisan ang restawran...
-=PEACE+=-
eiNjheL... nothing interesting. nothing new.



Akala ko....
Akala ko siya yung nasa ambulansya. Magandng kwento na parang based sa experience.
Madaling lumimot o madala ang ating isipan pero ang puso ay may sariling buhay - walang kadalaan at palalo, parang laging gustong gunitain ang mapait na kahapon.
====
Heto pa ang mga kwentong maaaring may kwenta!