Sa Kabukiran

noelbarcelona's picture

(Pasintabi kay Sylvia La Torre, paboritong soprano’t mangungundiman noong araw)

 

Noel Sales Barcelona

 

Sa kabukiran

Puno ng hinagpis at kalungkutan

Sapagkat maging si Kalakian

Nakaprenda sa utang.

 

Sa kabukiran

May hinagpis at kalungkutan

Sapagkat ang munting linang

Ari na ng multinasyonal.

 

Sa kabukiran

Wala nang halaman

Pulos bahay na lamang

At libangan ng mayayaman!

 

Sa kabukiran

Wala puno ng kahapisan

Sapagkat sa kubong bahay

Walang laman ang paminggalan!

 

Ngunit, sa kabukiran

Mayroon ding kasiyahan

Sapagkat lumalaban

Ang mga anak ng bayan!

Bitbit ang sandatang uutas

Sa kaaway ng bayan

At sa kaunting panahon na lamang

Malapit na silang dumatal

Diyan sa kalungsuran!