SA LOOB NG KANIYANG BAHAY, ISANG TAGABITAY (Halaw Kay Carl Sandburg)

Allanjohn Andres's picture

-

-

-

-

-

-

Ano kaya ang nasasaisip ng isang tagabitay
pagkagaling trabaho, diretso sa kaniyang bahay?
Sa mesa, kasama ang anak at asawa, kaharap
ang bagong-saing na dinorado, galunggong at itlog
na sarsyado, kinukumusta kaya ng mga ito
ang kaniyang maghapon, kung di ba nagkakaroon
ng aberya tuwing may ginagarote siya sa plasa?
O iniiwasan nila ang ganitong paksa
at mas ibig nilang pag-usapan ang pulitika
at pelikula, ang pinakahuling balita
mula sa reporter na bakla, ang sobra-
sobrang alinsangan ng klima? Kung sakali,
meron bang pumapansin sa kaniyang daliri
at palad tuwing dumadakma sa bandehado
ng salad? Tuwing maglalambing ang tsikiting
at lalapit, sabay yaya sa amang maglaro
sila ng luksong-lubid, nagagawa ba niyang
sumagot nang pabiro – Anak, katunaya'y hindi
mabilang ang lubid na ibinuhol ko nang mahigpit
sa leeg ng kung sino. O meron bang gumuguhit
na tuwa sa kaniyang mukha,
naiisip niya kung gaano kaganda
manatiling humihinga. O sakaling abutan niya
ang buwang tumatagos sa loob ng bintana,
habang payapang umaagos ang puting liwanag
sa bumbunan at tenga ng bunsong himbing
na himbing sa papag, may kung anu-ano
kayang bumabagabag – dito sa ating berdugo –
wala sa tingin ko. Ang ganitong mga bagay 
ay magaan lamang para sa isang tagabitay.
Kunsabagay, dapat lahat ng bagay
ay magaan lamang para sa isang tagabitay.


Allanjohn Andres's picture

-

-