Sa pagitan ng dalawang kaluluwa

|

Mapapalambot ba, Mahal ko
nang pag-ibig ko ang puso mong tila naging bato?
Ang pag-ibig ko ba'y di sasapat
upang diligin ang pagkauhaw ng tigang mong damdamin?
O ito'y guni-guni lamang ng pusong nagmamahal?

Ang puso ko'y inangkin mo't di na nabawi
ang pag-ibig ko'y baon mo, tangan nang puso mong sawi.
Ang pag-big na makasarili't nanakit sayo ng labis
maghahatid sa kaluluwa mo sa mundong di ko masisilip.

Mula sa malayo ika'y aking minamahal.
Mula sa kinatatayuan ika'y aking pinagmamasdan.
Ang iyong pagtawa sa labi ko'y naghatid ng ngiti
Ang iyong pagluha sa puso ko'y sumasawi
ang iyong pag-iisa pag-ibig ko ba'y di ito mapapawi?

Mula sa malayo ika'y aking naging lakas.
Mula sa iyong kinatatayuan ito ang aking naging hangganan.
Luha at pagtawa alay ko sa kawalang kakayahan
pawiin ang pag-iisa, yakapin ang iyong pagmamahal.

Sa himlayan ng lupang katawan doon ako maghihintay
magbabakasakaling puso nati'y di na magkahiwalay.
Sa mahabang ilog ng kaisipan katawan ay may iisang galaw
tunguhin ang kawalan, mangarap ng sabay.
Sabihin mo Mahal ko, dito ba'y maaangkin na ang kaligayahan ko?

Sa tigang na lupa na himlayan ng iyong katawan
puso ko'y nakalibing kaisipan ay naglalakbay
pag-ibig na makasarili't panahon ay pinabayaan.
Matang sarado sa katotohanan binulag nang kawalang kaalaman.
Damdaming naging punyal tumapos sa iyong buhay.
Kaligayahan mo'y ipinagkait ito'y aking ipiniit.

Ngayon ako ay lilisan iiwan ka panandalian
katawan ay mahihimlay sa ilalim ng hukay
puso ay mananatili sa iyo'y nagmamahal.
Sa kabilang buhay, Mahal ko, doon ako maghihintay.

Sa iyong paglisan tangan mo'y kalungkutan at
luha nang pamamaalam.
Ako'y lalong napagisa, tila naging malamig na bangkay
subalit di magtatagal ang dalawa'y magiging isa.
Ang moog na kinalalagyan ay wawasakin ko na.
Sa kalamigan ng lupa sa piling mo Mahal ko,
doon matatagpuan ang kaluwalhatian ko.
Sabay nating tunguhin, Mahal ko
Ang kalayaan sa ating paraiso.


talulot's picture

heartfelt

"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."

 

dama ko ikaw......