Saan ko ipadadala ang mga bulaklak?

noelbarcelona's picture
| |

Saan ko ipadadala ang puting-puting rosal?

Ang sampagitang ang bango'y pawid ng hanging amihan?

Kanino ipagbibilin ang tinipong ilang-ilang

Gayong hindi mapagtanto ang iyong likmuan?

Saan ko ipadadala ang pulang mga rosas

Na aking pinitas habang nangangarap?

Saan iaabsang ang marikit na liwanag

Na aking tinipon sa bagwis-alitaptap?

Kanino ko sasabihin ang mga habilin

Gayong ang iyong tainga'y malayo sa akin?

Paano ipadarama ang ligaya't dimdim

Samantalang ang palad ay hindi masaling?

Nasaan ka na nga ba, kabiyak nitong buhay?

Saan ka dinala nilang tampalasan?

Sa ilalim ng lupa o lalim ng karagatan—

O basta't ibinagna sa gitna ng sukalan?

Nang ikaw'y ilayo niyong sukaban

Na nagkukunwang anghel ng kalangitan

Gayong ang bitbit ay sundang ng kapaitan

At tabak na kikitil sa iyong abang buhay!

Tanging gunita ang suot mong damit

Ang samyo ng katawang huling nadikit

Ang ngiti mong walang singtamis

Na biglang pinalis nang sikwatin ng lintik!

Ay! Ay! Nasaan ka na nga ba?

Bakit sa tawag, sagot ay wala ka...

Iniabsang sa hangin ang hibik ng pag-asa

Ngunit ang tugon ay lamig ng umaga...

Maging ang hatinggabi ay walang kibo

Maging ang bitui'y hindi mapaghulo

Kung saan ka isinubi, saan ka itinago

Bakit ang ala-ala'y laging sugat sa puso?

Ngunit hindi tutugot, hindi mapapagod

Hahanapi ka, buhay ma'y malagot!

Kahit na kalansay ang sa aki'y yumapos

Mamatamisin na't kaysa di ka matuos!

Gayunman, ang pag-asa'y nag-uumulol

Ibig ang mayakap ay buhay na pinuon

Subalit kung bangkay na ang aking kinaon,

Sumpang sisingilin ang sa iyo'y lumuoy!

Lungsod ng Malabon

Oktubre 13, 2008; Alas-9:50 n.g.


jonsdmur's picture

Maganda po ang tulang

Maganda po ang tulang isinulat ninyo. Salamat po sa inyong pag-post niyan dito.... Have a great day!

Jonsdmur

Rom's picture

Hi sir Noel

 

 kung di ako nagkakamali para sa mga decaparecidos po ang tulang iyan

salamat po sa napakagandang obra naalala ko ang mga kasamang nawala

naalala ko rin ang himig ng mga tula ni Jess Santiago lubhang may malalim na emosyon gaya ng sa inyo.

salamat po

Rom 

 

check out Neil Gaiman's Black Orchid on: http://www.blah-blahblogs

OBRA

nawa'y ang talulot ay magsilbing gamot sa sakit ng pagkalungkot.

 

 

"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."