Saan Patungo ang Buhay?
Gasgas man, uulitin ko pa rin. Tayo raw ang may akda ng sarili nating buhay. Tayo ang may kontrol sa manibela. Hindi raw ito isang kapalaran na nakasulat na. Nasa atin pa rin daw ang kapangyarihang pumili ng landas na ating tatahakin.
Malinaw naman ang punto. Kung ano ang ginagawa natin sa ngayon, iyon ang hahabi sa kung anong buhay magkakaroon tayo sa hinaharap. At ang buhay natin ngayon ay bunga ng buhay na pinili natin kahapon.
Tama nga naman kung iisipin. Kaya lamang hindi ko pa rin mapigilan mapaiisip kung minsan. Gaano nga ba talaga ito katotoo? Bakit ang iba kuba na sa kakatrabaho subalit hindi pa rin makaahon-ahon sa balon ng kahirapan. Bakit ang mga nasa pedestal, patuloy pa rin ang pagtaas?
Bakit ang mga taong punung puno ng pangarap limitado ang oportunidad para tuparin to. Gaano man kasidhi ang kanilang pagsusumikap upang maabot ito, napakaraming balakid na nakaharang sa kanilang daraanan patungo dito. O baka naman, mali nga lang ang daan na kanilang pinili?
Hindi ko naman sinasabi na mali ang pilosopiyang inukit ng mga naunang manunulat subalit mahirap din para sa akin na paniwalaan ito ng lubos. Kumbaga sa pasyente, 50-50 ang lagay para sa akin.
Isang bagay lang ang sigurado ako. Puno ng misteryo ang buhay. May mga bagay na kahit na ang pinakamatalinong tao sa mundo ay hindi maaarok. Maraming mga tanong na mahirap hanapan ng kasagutan. Ang buhay ay isang paglalakbay sa banyagang lugar na walang kasiguraduhan. Lalo pa nga sa panahon ngayon na ang bawat isa ay puno ng pangamba dulot ng paglala ng sakit ng lipunan. Ngayon na ang tiwala ay isang bagay na unti-unti ng nakakalimutan dulot na din ng sangdamukal na manloloko sa mundo. Iyong mga nilalang na ang ikinabubuhay ay ang makapang-isa sa kapwa. Mga taong walang kaabog-abog kung kumitil ng buhay na tila ba sila ang nagbigay nito sa kanilang pinaslang.
Saan nga ba patungo ang buhay? HIndi ko alam. Ikaw kaibigan? May ideya ka ba? Pero hindi man natin ito masagot, kung anong pinaghahawakan natin sa ngayon, pagyamanin na lang natin. Kung anong meron tayo, gamitin natin sa tamang paraan. Kung saan man patungo ang buhay, sana lang ang mga kasabay nating naglalakbay na puro kasamaan ang nasa isip ay magising sa katotohanang sa bandang huli, ang lahat ay titimbangin upang malaman kung saang pinto tayo karapat dapat. Sa pinto ba ng kalangitan o sa pinto ng impyernong tinatawag.
Nagagandahan ako sa mga
Nagagandahan ako sa mga kwentong ganito.... Salamat sa pagbahagi mo ng kwento mo about life....
hello!!!! napakalalim ng
hello!!!!
napakalalim ng isinulat mo at napakaganda!!
tama ka napakatalinghaga ng buhay natin wlang nakakaalam kung saan ito matatapos!




Haay, buhay...
Nais kitang batiin sa napakagandang akda tungkol sa buhay. :) Maganda ang pagkakasulat at damang-dama ko ang sinseridad sa emosyon. Nawa ay lahat ng tao sa mundo ay mabigyan ng pagkakataon na isipin ang dahilan kung bakit sila nabubuhay. Maganda siguro ang maidudulot nun.
Kung sa ideya, oo, meron din akong ideya at isa sa mga akda ko ay ganito rin ang tema. Kapag nagkaroon ka ng pagkakataon, nawa ay mabasa mo rin ito.
Magandang araw sa yo.
Ruthie