SALVA[T] VIDA!

 (WARNING: some scenes are not suitable to the fainthearted and politically indifferent. parental guidance is strictly prohibited. if symptoms persist, press "restart")

 

Juan: "oh, Gloria. tulungan mo kami. sagipin mo kami sa dagat ng karalitaan."

Gloria: "o, eto. salva[t] vida."

ito ang katawa-tawang eksenang napanood ko kanina.

isang bagong pelikula ang nag-premier kanina. bongga ang okasyon. halos daigin ang Oscar's. mayroon ding red carpet kung saan nagparada ang naggagandahang at nakikinangang kasuotan. ayon sa ulat, nagkakahalaga daw ang mga ito nang 30 hanggang 60 libong piso bawat isa. sarap namang makabili ng ganoon. kailan kaya magkakaroon ng ganoon sa ukay-ukay?

napapamura tuloy ako, pukanangshet! hindi man lang sila naging sensitibo sa kalagayan ngayon ng mga Pilipino. wala na ngang makain, paglalawayin pa tayo sa magagara nilang damit.

eniwei, hindi naman ito ang gusto kong pag-usapan dito. tungkol ito sa vat. sa laki ng hinakot nito sa takilya, nahigitan pa nito ang pelikulang Batman.

sinabi ni Gloria na vat daw ang nakasalba sa atin sa krisis na humambalos (at patuloy na humahambalos) sa ating bayan. bigla akong napanganga; mali ata ang channel na napindot ko. pinakinggan kong mabuti ang audio; wala namang sira.

ba't nga ba may vat? talaga bang ipinatupad ito bilang paghahanda sa nakaambang pandaigdigang krisis sa langis at pagkain? nakatulong nga ba ito sa taumbayan ngayong panahon ng matinding krisi sa langis at pagkain?

natatandaan ko noong panahong pinagtatalakayan pa ang e-vat sa Senado, may lumabas na artikulo sa isang pahayagan tungkol sa buwis. ayon dito, inabot ng isang taon para makolekta ng BIR ang 10 bilyong pisong buwis sa isang bloke sa Makati. pero dalawang pirma lang at naglaho itong parang bula sa pamamagitan ng tax exemption para sa dalawang malaking kumpanya sa telekomunikasyon.

Ang VAT sa langis.

pinakamalaki ang naging epekto ng vat sa produktong langis. dati na kasing may vat sa maraming produkto. pero nito lamang huling e-vat na pinagtibay ang nagsama sa langis at kuryente sa saklaw ng vat. depensa ng palasyo, ang mayayaman naman ang pinakamalaking kumokonsumo. ang problema, sila kaya nilang balikatin iyon. at ang mahihirap ay hindi. sa isang tao na sumesweldo lamang ng minimum at saktong-sakto lang, kung minsan nga'y kinakapos pa, para sa kanilang pangangailangan, ang bawasan mo pa iyon nang kahit isang kosing lang, iindahin na nila nang malaki ito.

**************

nagwakas ang pelikula matapos ang ilang paghintu-hinto para sa palakpakan. pero, in fairness ha, mas kaunti na ngayon ang palakpakan at taong special mention. pero segundo pa bago ako nakabawi sa pagkahilo. wow pare, heavy. iyon pala ang feeling sa loob ng Enchanted Kingdom ni Gloria.