SALVAGE! (a short story)

Rom's picture
| |
 
 

Salvage!

 

Mag a alas dos na ng madaling araw, madalang ang sasakyan sa Highway kaya’t pwede siyang magmaneho ng mabilis. Malamig ang hangin ng oras na iyon, waring nakikiramay sa lamig ng Katatapos pa lamang niyang gawain. Bukas ang bintana ng kanyang kotse tagus-tagusan dito ang malakas na ihip ng hangin sa kanyang mabilis na pagpapatakbo.

Napasulyap si Ben sa rear view mirror, napakunot ang noo, may halos isang oras na rin siyang tumatakbo sa highway Ngunit ngayon lamang niya napansin ang bahid ng dugo sa kanyang pisngi—natalsikan pala siya. Pinahid niya ito ng likuran ng kamay niya, sabay ngising demonyo.

 

“S-sir, maawa na po kayo...may pamilya po ako at maliliit pa mga anak ko...”

“tatlo lang...bibilang ako ng tatlo dapat nakalayo ka na ha?”

“isa...”

“s-sir wag po maawa na po kayo...”

“dalawa...”

“wala po talaga akong kasalanan...”

 

Hindi na natapos ang bilang, umalingawngaw ang dalawang magkakasunod na putok sa katahimikan ng gabi. Waring bingi ang magdamag sa gayong kaganapan lalo na sa liblib na pook ng Cavite. Kung may makakarinig at makakasaksi man ay di na pinapansin ang ganitong mga pangyayari, ordinaryo na ito. Ordinaryo na kinabukasan ang Makita ang bangkay ng isang nilalang sa tambak ng basura o sa isang liblib na talahiban sa bayan ng Cavite. Isa na namang nabubulok na bangkay na wala man lang kukuha sa morgue, o di kaya’y kalansay na muna bago mapansin ng mga batang namamasura.

 

“kailangan ko ng kwarto, magkano ba?”

“ito po ang rates namin...”

“ok sige kunin ko ito, overnight lang kailangan kong magpahinga”

“sige po sir, room 238 eto po ang susi nyo, thank you po sir.”

 

Madilim ang entresuwelo ng Motel na pinasok ni Ben, pipitsugin lamang ito, mistulang isang malaking lumang bahay na may tatlong palapag. Karamihan sa mga dingding nito ay kahoy liban sa sahig sa lobby, sahig na lumang marmol nagdidilaw na sa kalumaan. Samantalang ang ikalawang palapag nito pag-akyat sa hagdanang kahoy at lumalangitngit tila dumadaing sa bawat paghakbang. Room 238...sa bandang dulo ng entrsuwelong may apat na kwarto, sa pasilyong may malamlam na dilaw na ilaw. Halata ang kakulangan ng pasilidad sa pipitsuging motel na ito, dama ang alinsangan sa pasilyo pa lamang at sa mga dingding nitong may nababakbak na pinturang puti—mistulang isang lumang ospital ito dangan nga lamang at wala dito ang amoy gamot na karaniwang umaalingasaw sa isang lumang ospital.

 

“Mission accomplished Sir, naikahon na ang object.”

“Ok Sir, I’ll just take a rest muna and will report to you tomorrow.”

“malinis po, malinis po don’t worry. Just the same alam na naman po ninyo ang account number ko e—savings account sa metrobank, ok goodnight Sir.”

 

Isinara ni Ben ang pinto sa likuran at binuksan ang ilaw, inilapag ang cellphone sa maliit na lamesita sabay hubad ng T-shirt. Ngayon lamang niya nadama ang pagod ng maghapong pagsubaybay at paghuli sa “suspect” isang lider manggagawa na kailangang iligpit dahil sagabal sa takbo ng negosyo ni Mr. Lao. Hinugot niya ang abuhing 9mm Gloc mula sa kanyang likurang baywang at inilapag rin ito sa lamesita. Ito rin ang klase ng baril na ginamit ng estudyanteng si Seung-Hui Cho nung pagbabarilin niya ang mga kamag-aral sa Virginia USA, marami nang inulilang pamilya ang baril na ito, at marami na ring inakyat na pera ito para sa kanya.

 

“anak ng put...”

“pinahiran ko na ito kanina a...”

“kaya pala nakatitig sa mukha ko ang gagong attendant na yun sa lobby e...” 

 

Gulat na gulat si Ben, nakaharap siya sa salamin ng banyo akmang maghihilamos sana upang pawiin ang maghapong pagkapagal. Wala siyang maapuhap na paliwanag kung bakit naroon na naman ang bahid ng dugo sa kanyang kanang pisngi, samantalang siya mismo ang nagpahid nito kaninang bago pa lamang siya nag check-in sa motel na ito. Mariin ang kanyang pagkakahaplos sa mukha gamit ang tubig sa gripo sa lababong manilaw-nilaw at amoy pabangong-banyo, siniguro niyang wala nang bakas ng dugo sa mukha niya.

 

 

Madali lamang nakakatulog ang tulad niya, hindi uso ang konsensya sa makailang beses na niyang pagsasakatuparan ng ganitong gawain, pera-pera lamang ito, may baril na rin lang bilang pulis e bakit di pa mag sideline ng ganito—mas malaki ang kita sa ilang oras na trabaho.

Ilang saglit pa at pumapailanlang na ang diwa ni Ben sa pagkakahimbing...upang gulantangin lamang ng pagbalibag ng pinto. Napabalikwas siya, sabay kapa sa baril sa lamesita. Mula sa liwanang ng lampshade ay inaninag niya ang pinto sa kanyang pipikit-pikit na mga matang nabulahaw sa pagtulog. Nanatiling pinid lamang ng pinto, hindi alam ni Ben kung nanaginip lamang ba siya o totoo ang mga pangyayari.

Kailangan niyang tumayo at uminom ng tubig...

 

“nasan ang kotse ko?”

 

nawika nito sa sarili habang napasulyap ito sa bintanang salamin ng kwarto.  Natatandaan niya ang pinag-iwanan dito sa gilid ng Motel malapit sa tambak ng mga kahon na kahoy, Ngunit ngayo’y wala na ito dito, kapansin-pansin ang tila puting usok na hamog sa kumakalat sa sementadong parking lot tanaw mula sa bintana.

Dali-daling nagbukas ng ilaw si Ben at isinuot ang puting T-shirt na nakasampay sa sandalan ng lumang silya. Hindi niya napansin na muling bumahid ang dugo mula sa kanyang pisngi at ngayo’y nagmantsa ito sa kanyang damit.

Takbo pababa...walang tao sa lobby...lingon sa kaliwa at kanan...walang tao...

Hangos siya palabas sa bukas na pinto hanggang sa tabing kalsada...walang tao...

Tinanaw niya ang second floor na kung saan tanging ang kwarto lamang na pinaggalingan niya ang may bukas na ilaw na kulay dilaw—malamlam at patay sindi. Naningkit ang mga mata ni Ben. “bakit patay-sindi ang ilaw sa kwarto ko?” tanong sa sarili.

Mas nanaig sa kanya ang hanapin ang nawawalang kotse kaysa sa bumalik sa kwarto.  Lakad-takbo siya habang tangan ang baril sa kanang kamay sa paligid ng Motel...walang kotse...walang tao...gumagapang na ang hamog...

Unti-unti nang nababalot ng makapal na hamog ang paligid, napansin na lamang niyang matagal-tagal na pala siyang lakad-takbo sa paghahanap at sa gitna ng nakaliligaw na usok ng paligid, hindi matagpuan ni Ben ang hinahanap...hanggang sa tuluyan nang siya mismo ang mawala.

Napaluhod siya sa pagkahapo, pinahid ang mukhang pawisan...dugo...

“ahhhh!”

Napasigaw siya, sa kung anong masamang biro ng pagkakataon naroon pa rin ang dugo sa kanyang pisngi, hindi maalis-alis at laging nagbabalik. Napaangat siya ng tingin, kitang-kita niya ang isang aninong kanina pa nakatunghay sa kanya. Maitim at hindi malinaw ang mukha, subalit kita niya ang umaagos na dugo nito mula sa ulo dumadaloy hanggang balikat at kamay, tumutulo hanggang sa nakayapak nitong paa.

Walang inaksayang sandali ang pulis, instinct na nito ang magtutok ng baril lalong lalo na sa mga pagkakataong nanganganib ang buhay, at isa ito sa mga pagkakataon iyon. Naka-anim na putok bago tuluyang tumahimik at tanging mahinang “klik” na lamang na baril ng ubos na bala ang maririnig. Walang kaharap si Ben, wala ang taong maitim...wala rin siyang tinamaan...

Takbo...tigil...dapa...sa nakabubulag na mausok na paligid, talahiban...walang tao...walang sasakyan...hingal...walang bala...may humahabol sa likuran niya, may gustong umabot sa kanya, may gustong pumatay sa kanya!

Hapon na ng madiskubre ng Motel attendant ang bangkay ni Ben. Tirik ang mga mata nito, nakabuka ang bibig waring naghabol ng hininga. Hawak nito ang baril Ngunit hindi naman nagbaril sa sarili. Ilang sandali pa ay nagdatingan na ang SOCO upang imbestigahan ang nangyari.

 

“posibleng bangungot po sir, initially wala akong nakikitang foul play although may baril siya, I don’t think na nagpakamatay kasi walang bala yung baril e, at wala rin namang sugat.”

“Okay, log it down to your report Santos, we’ll check further pa.”

“so according to his ID this is SPO1 Benjamin Madriaga ng Manila’s Finest?”

“yes sir, pulis Maynila po siya...ah, sir parating na daw po ang media”

“Okay, ayusin na yan, teka bakit may dugo siya sa pisngi?”  

 

Binuksan ng imbestigador ang ilaw upang mas masipat ang dugo sa mukha ng bangkay. Pagliwanag, tumambad ang mga bakas ng yapak ng paang maputik sa ibaba ng kama.

 

END

 

 

 

 

 

 

  
Rom

ang pangit ko pala gumawa ng suspense/horror story hindi bagay. sa susunod susubukan ko naman ang comedy.


Adlesirc's picture

ayos!

this is another mission accomplished!

 

para akong nanonood ng tv. ayos talaga ang pagsasalarawan. parang pinaghalo-halo yung action and horror! magaling ang pagkakasulat.

 

kuya, gusto ko rin makabasa ng love story and comedy na gawa mo. antayin ko yan ah. =) 

Rom's picture

Love story?

 

 

 salamat ann, love story? teka ha parang di ako yun e hehe... tragic ang love story na alam ko pero try ko rin maganda atang lahat ng genre ay masubukan e wala namang mawawala, praktis pa nga e.

ann, antayin ko din yung short story na sinasabi mo ha nakaka excite yun alam kong magaling ka gumawa at mag-isip yung last post mo ang ganda e engaging na.

salamat sa pagbasa 

 

 

 

 

FWJ small

 

Adlesirc's picture

ay nga pala

Nakalimutan kong mag comment sa name ng main character mo! sikat na sikat si daga hehehe!

kakatapos ko lang ngayon nung short story ko kuya. editing na lang. baka saturday maipost ko na. katayin mo ha para ma improve ko hehehe. thanks!

 

goodnight.

 

meanmissy's picture

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

 

Business articles and financial views 

http://www.technoconvergingzone.com/

 

Adlesirc's picture

_

.....

 

?

 

goodmorning 'te! (di ko magets e)

meanmissy's picture

hehe :-)

Business articles and financial views 

http://www.technoconvergingzone.com/

 

serenity's picture

magaling!

Kuya, taga-cavite po ako. Bakit naman dun pa ang setting? haha! joke lang po. pero me mga part talaga na ganun lalo na sa mga probinsya talga. Mejo city part na kami at malapit lang sa manila (bacoor.Ü) Lagi ko tlagang inaabangan ang mga gawa mo kuya rom. hehe. naaaliw ako at naiinspire magsulat dahil sa hilig mong sumubok ng iba't-ibang tema ng storya. tama gumawa ka pa. kung love story okay lang din (kahit parang wala nga sa style mo un, hehe.) gawan mo na lang ng rom's version.=)

 

Our deepest fear is not that we are inadequate. Our deepest fear is that we are powerful beyond measure. It is our light, not our darkness, that most frightens us.

Rom's picture

Hi Serenity

 

 

 dati din akong taga Cavite, sa Molino Bacoor. nung bata kasi ako madalas na kwentuhan (sa Pasay ako lumaki) ng mga kapit bahay naming pulis na sa Cavite nila binibyahe ang mga pinapatay nila. lantaran ang kwentuhang iyon sa inuman, at naririnig ko lang parang database ng utak ko na kapag nag-isip ako ng tapunan ng patay Cavite agad hehe...sorry ha di naman lahat sa Cavite tapunan ng patay.

Love story? teka ha kakapain ko pa mula sa karanasan kasi kung love story lang tragic rin ang nakaraang karanasan ko e kaya mabigat sa akin yun, pero subukan natin, sabagay wala pa ako nababasang love story na nakatuntong sa social realism. tingnan natin minsan.

salamat sa pagbasa! 

 

 

 

 

FWJ small

 

dyeppri's picture

Kuya makiki-join po ako sa komento...

(ako lang naman ito kaya bahala ka na kung tatanggapin mo ito.) 

Isa sa pagkakakilanlan sa gawa mo ay ang madetalye at makulay na pagsasalarawan ng bawat pangyayari. Iyan ang lakas ng kwento mo katulad nuong sa daga at dito sa kwentong ito. Ayos 'yan kuya. Ngunit dito sa kwentong ito ay tila wala akong nakitang bago. Alam na alam naman na ng karamihan na ang tirador ay kadalasang pumapatay lamang dahil sa pera at hindi nag-iisip kung ano ang mangyayari sa maiiwan ng biktima, wala talaga silang konsensya. Sa pagkakaayos sa pagdaloy ay tila nahirapan ka rin kuya kasi ilang beses ko pa kailangang balikan ang itaas dahil nabibigla ako sa mga eksena, parang tumalon ako (pero baka ako lang 'yan kasi low bat na ako) marahil ay ang dahilang gusto mo rin itong mapagkasya sa espayong hinihingi sa atin. Mapapakinis pa ito. May mga salita ring kelangan ayusin halimbawa sa unang paragraph ay  waring kapag binuo ay pakiwari kayat 'di aangkop = parang, pwede= p'wede, kotse tagus-tagusan ( kotse kaya't tagus-tagusan ), palit-palit din ang panghalip na niya at siya,....SalamatCool 

............................................................................................................

"I wouldn't mind if you were nice to me once in a blue moon."

Rom's picture

Hilaw nga

 

 

 Tama ka dun dyepp, medyo hilaw ito kahit sa akin hindi ata pasado ang emosyong nakapaloob dito hilaw ang character. actually may pagsa submitan sana ako nito (Hindi sa FW compilation book) kaya medyo kinumporme ko sa standard nila, ang kaso mas gusto nila mas pang masa daw ang dating, yung tipong walang twist daw ang istorya at tipong di na mag iisip ang magbabasa, ayun kaya na reject ito hehe...

ang pagkakamali ko kasi yung napili kong style ng pagsusulat although bagong style na gusto kong ilagay sa mga gawa ko hindi pala aplikable sa lahat, so dapat talaga diverse ang style ng isang nagsusulat, depende sa reader at sa tema.

salamat din sa pagpuna mo sa mga panghalip, actually limot ko na ang pag gamit nyan, kapa-kapa lang kung anong suitable pakinggan ang siyang ginagamit ko oido kumbaga.

gusto ko sanang kulayan pa ito at palamutian ng detalye, yun nga tama ka ang required sa akin (hindi ng compilation book natin ha) ay 1000 words lang sumobra pa nga ito, ang hirap pala ng limitado sa espasyo ng pagsulat marami kang tatanggalin para mapagkasya sa isanlibong salita.

salamat dyepp sa panahong pumuna. 

 

 

 

 

FWJ small

 

kislapalitaptap's picture

isa na namang bago mula kay Rom,

Bok,

ano kaya ang nangyari at malungkot ang ulap dito sa lugar namin ngayon?

bok, kinapos ako sa pagpapakilala mo sa lider ng manggagawa. tingin ko ay mas mahusay siguro kung papalaman mo pa ng mga gawain niya o kung ano pa ang takbo ng buhay niya, bago pa man ang pagpatay sa kanya. 

yan na lang muna...babasahin ko pa ulit ito, para kung may makita pa ako ay paabot ko na lang.

san ka nga pala sana magpapasa ng entry?

isa pa pala. bok, may naiisip ako na ewan ko lang kung sumagi na rin sa isip niyo. Magpagawa kaya tayo ng FWJ Tshirt? ayos na sa akin yung ginawa mong FWJ na design na idinudugtong mo sa mga komento mo. 

lintek! di na naman pinapasok sa Mendiola ang mga magsasaka kahapon. 

Tagni!

Kislap Alitaptap

www.kislapalitaptap.multiply.com

 

serenity's picture

ako din!

wow talaga po? ako din molino eh. pero oo nga me parts talaga din dun akong naririnig na tapunan. tsktsk. hindi na lang namin pinapansin. la naman kasi kaming nakikita eh.

 

Our deepest fear is not that we are inadequate. Our deepest fear is that we are powerful beyond measure. It is our light, not our darkness, that most frightens us.

Patrickman's picture

the best so far

...na nabasa ko na gawa mo. ang ganda ng ending. open to interpretation. astig! :D

 

I'd love to turn you on...

 

http://patrickman.blogdrive.com

Rom's picture

.

Patrickman's picture

huy!

aba, aba, aba... salamat! sige! kasalukuyan ko nang binabasa yung kanto ng tramo...

 

pakibasa rin ang bago kong gawa: IMK #20

 

salamat po.

 

I'd love to turn you on...

 

http://patrickman.blogdrive.com

kuya rom

 

marami nang nagcomment, di ko pa siya mabasa sa ngayon.  gotta go.  comment ako next time.

:) 

Ruthie

Junimun norul saranghe... ^ . ^*