sana...

Tahimik ang lahat, sa pakiwari'y nakikiramdam lang sa paligid. May mga anasan mang maririnig subalit agad matitigil sa tuwing mapapalingon siya. Hindi niya kilala ang lahat ng naroroon. Iba't ibang emosyon ang mababakas sa kanilang mga mata. Ang iba, makikita ang kanilang sinserong pakikisimpatya, pero karamihan, andun ang panghuhusga, ang pagkondena.

Naisip niya, Sino ba sila? Ano ba ang alam nila?

Ahh, wala silang alam. Ang lahat ng konklusyon nila ay base lang lahat sa kanilang mga narinig, sa kanilang napanood. Maaaring may ideya sila sa nangyari, pero sa kabuuan, wala silang alam. Wala silang alam sa kung ano ang kanyang nararamdaman. Ang sa kanila'y pawang haka-haka lamang.

Isang kaibigan ang pumutol sa paglalakbay ng kanyang isipan. Lumapit ito sa kanya at mahigpit siyang niyakap. Pilit pinalalakas ang kanyang loob sa pamamagitan ng mga salitang lumalabas sa mga labi nito. Isang pilit na ngiti ang isinukli niya at nagpasalamat sa pagdamay nito.

"Kaya mo iyan."

"Andito lang kami kung kailangan mo ng mapagsasabihan ng iyong niloloob."

"May awa ang Diyos, malalagpasan mo rin ang lahat ng ito."

Ilan lang iyon sa mga linyang kanyang narinig nang gabing iyon. Pilit niyang pinatatatag ang kanyang sarili. Isinuot niya ang isang maskara. Isang mapagkunwaring maskara na pilit ikinukubli ang takot na kanyang nararamdaman, ang kanyang galit, ang kanyang pagdadalamhati.

 Muli, naramdaman niya ang pag-iisa sa kabila ng mga taong nakapaligid sa kanya. Natuon ang kanyang mga mata sa "kahon" sa kanyang harapan. Dahan-dahan siyang lumapit. Hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas upang muling masilayan ang laman niyon.

Ang inaakala niyang naubos na luah ay muling dumaloy. Ang isang impit na pag-iyak ay nauwi sa paghagulgol.

"Patawad, anak. Hindi ko sinasadya. Patawarin mo ako.." ang paulit-ulit niyang sinasambit habang nakatunghay sa walang-buhay niyang anak sa loob ng kabaong.

Isang aksidente ang kumitil sa buhay ng kanyang anak. Isang aksidente na maaari sanang naiwasan.

Marami siyang trabahong iniuwi mula sa opisina noong araw na iyon at kailang din niyang maisumite kinabukasan. Matapos masundo ang anak mula sa eskwela, muling nakisalamuha ang kanyang sasakyan sa gitna ng trapiko.

Maulan at madilim na nung gabing iyon. Lahat ay halos nagmamadali sa pag-uwi. Busina dito, busina doon ang mga sasakyan. Sa wari'y walang nais magbigay. Lahat ay tial nagnanais na makawala sa nagkabuhol-buhol na trapiko.

Narating nila ang expressway subalit lalong tumindi ang pagbuhos ng ulan kung kaya't medyo nahirapan siya. Pilit siyang pinaalalahanan ng anak na huwag magmadali dahil medyo madulas ang kalsada at ok lang dito na malate sila ng uwi tutal naman daw ay natapos na nito ang homework habang hinihintay siya.

Nilingon niya ito at nginitian. Pilit inassure na maingat pa rin ang kanyang pagmamaneho kahit mabilis ito sa karaniwang pagtakbo niya. Pero nagkamali siya.

Sa di inaasahang pangyayari, lumitaw mula sa kung saan ang isang hayop sa gitna ng kalsada. Sa pagkabigla ay agad niyang kinabig ang manibela subalit nawalan siya ng kontrol dahil na rin sa madulas na kalye. Isang nakabibinging ingay ang pumailanlang noong gabing iyon. Bumangga ang kanilang sinasakyan sa isang malaking poste.

Agad niyang sinaklolohan ang anak na nakayuko sa unahan ng upuan nito. Tinatawag ang pangalan, nais niyang maialis ang ang anak, subalit di siya makagalaw. May tila isang mabigat na bagay na nakadagan sa kanya. Tinawag niyang muli ang pangalan nito. Ngunit walang tugon. Hanggang sa ang kanyang kamalayan ay tuluyang naglaho.

Nang magkamalay ay nasa hospital na siya. Iniisip ang mga nangyari at agad pumasok sa diwa niya ang kanyang anak kung kaya't ito agad ang kanyang hinanap. Subalit isang masamang balita ang sumalubong sa kanya. Wala na ang kanyang anak. Hindi na raw ito umabot pa sa hospital.

Sa muling pag-alala sa mga pangyayari, di niya maiwasang magalit sa kanyang sarili. Sa kanaisan niyang makauwi ng maaga upang matapos ang iniuwing trabaho, buhay ng anak ang naging kapalit.

Buhay pa sana ito kung nakinig siya sa kanyang anak. Sana kasama pa niya ito ngayon. Ngunit nasa huli lagi ang pagsisisi.

Isang panalangin ang kanyang lihim na nausal. Isang panalangin na sana ay makabangon siya mula sa madilim na bahaging ito ng kanyang buhay. Sana, dumating ang panahon na tuluyan niyang matanggap ang mga pangyayari. At sana, dumating ang panahon na mapatawad ang kanyang sarili.

Walang maaaring makapagpaliwanag sa nararamdaman ng isang ina kapag nawala ang anak nito..At higit sa lahat, wala ng sasakit pa kung ikaw na siyang ina ang maging dahilan ng pagkawala nito.

Napapikit siya. Pilit pinatatag ang loob.

Ahh, sana...


jonsdmur's picture

Nakakalungkot naman ang takbo ng kwento

A Collection of Short Stories-Jonsdmur

minsan talagang ganyan ang buhay.. di inaasahan ang mga pangyayari... minsan nasisisi pa natin ang ating mga sarili... o di kaya sasambitin natin ang katagang.. sana.. sana... pero ano pa ang magagawa natin kung nangyari na...

salamat sa pagbahagi ng isang kwento....

Sulat lang po!

jons

welcome po sa FW Cool

thank you for reading...this

thank you for reading...this is the start, i hope..thanks again. God bless

sinta isaac's picture

...

magandang simula kapatid, sana'y makabasa pa ako ng iba mo pang kwento.

ako'y mag-aabang.

...Ya soshla s uma...                                                                   

Hindi ko ninais magsinungaling, nakatuwaan ko lang sumulat ng piksyon sa pahina ng aking bibig

salamat sa iyong pagbabasa.

salamat sa iyong pagbabasa. natutuwa ako. ako man ay excited kung ano ang susunod na kwento na maisusulat ko..depende siguro sa mood..Laughing

God bless!

Ailem23's picture

Sad

Minsan nang nangyari iyong ganitong eksena sa buhay ng isang kaibigan ko. Iyong kapatid niya namatay sa car accident habang iyong Papa nila iyong driver nung naaksidente sila. Masakit nga naman iyon sa isang magulang... 

Ipagpatuloy mo pa ang pagsusulat! 

Ingatski, 

Melay

*******

Ang buhay ay isang nobela kung saan tayo ang pangunahing tauhan sa kwentong ang Diyos ang may akda.

wala akong masasabi kundi

wala akong masasabi kundi salamat, aking kababayan...God bless!