Sapagkat Iniibig kita...
Sapagkat Iniibig kita...
ni Dap-ay Sapata
08 February 2006/ 1055 Hours
Tagpi-tagping pangarap sa ligalig na kalangitan
Luntiang mga dahon, nagagalak na mga ibon
Magtago ka at tumakbo sa hapdi ng init
Sandali, huwag ka munang lumisan sa aking kasalukuyan
Tayo ay kanina lang sa pagkikitang inaasam
O kaybilis ng oras, paalam na naman!
Sapagkat iniibig kita...
Isa-isa nating balikan ang ating nakaraan, kahinaan at kamalian
Magsaya tayo at magdiwang sa tugatog ng tunggalian
Sagutin ang mga tanong at luha ng pangamba
Hanggang kailan magtatago ang mga pinagtagpo ng pag-asa
Ng pagsikat at paglubog, ng luha at mga ngiti, ng buhay at kamatayan
Sapagkat Iniibig Kita...
Ang multo ng ating paglalayo
Ay ginagambala ang tahimik na karimlan
Ang mga sulat, tula at alaala ang ating kayakap
Tapat nating pag-ibig ang magpupuno sa mga panahon ng pagkukulang
Panahon ng pag-iisa, pananabik at pag-aalala
Kailan ang katiyakan na muli kang makasama
Sapagkat Iniibig Kita...
Ang saranggola ng pag-asa ay lilipad
At patuloy na lilipad sa nagngingitngit na kalangitan ng buhay
Upang sa muli atin siyang matanaw sa maaliwalas na araw
Na kapiling ka, kayakap at katuwang
Sa pagbabago ng buhay at lipunan.
Sapagkat Iniibig Kita..#


