Sarap Maging Bata

spike_west's picture


Medyo maganda ang aking pagkabata, dahil kahit 15 anyos na ako eh pakiramdam ko bata pa rin ako. Madalas pinagpapalit ko ang aking gelpren noon kay Doraemon, Blue Blink, Zenki at kay Mojaco.Nakakipag-away pa ako sa pinsang kong 9 na taon, kasi ginugulangan pa nya ako sa teks (sa tanda ko na yun, ginugulangan pa nya ako).Nakikipagbugbugan pa rin ako sa mga kalaro kong kay dudupang sa tatsing.
.
Okay back tayo sa pagkabata ko, alam nyo ba dati mayroon akong isang box ng sapatos na teks ,isang supot na holen, 8 gagambang panabong, dalawang trumpo, gabrasong goma at kung ano ano pang laruan.
.
Madalas din akong mamulot ng balat ng sigarilyo dahil napingot na ako ng nanay noong minsang nagtatsing ako ng totoong pera. Dahil nga bawal ang pera-pera, yung balat ng sigarilyo na lang ang ginagawa naming taya. Heto pa nga yung denomination noon eh :
.
Evergreen – 5 pesos, Camel/Hope- 10 pesos, Marlboro- 50 pesos at Phillip - 100 peso
.
Madalas amoy araw ako at mukhang pabrika ng kuto ang ulo ko ,kasi nga masarap maglaro ng ipunang langgam, moro-moro, putbal, at patintero. Tuwing gabi naman naglalaro ako ng taguang pung, piko, hali-halimawan at taguang singsing. Kapag medyo nagkapikunan na, may laro rin kaming….. paduguan ng nguso, sabugan ng ilong at pilipitin ang ngala-ngala ng kalaban.
.
Madalas akong dumalaw sa mga lolo dahil malaki ang taniman nila ng mangga, santol, bayabas, duhat at kaymito. Aakyatin ko ang bawat puno at manginginain ako na parang unggoy. At kapag nakarami na, doon din ako……….. tenen…… tumatae. Ang saya kaya kapag nakikita mong nahuhulog ang tae mo sa lupa tapos imbes maghugas ng tubig dahon na lang ng bayabas. Sing linis ngunit hindi sing mahal! Malas mo lang kung may pulang langgam ang dahon na kinuha mo, kikimbot ang puwet mo sa kati at sakit. Minsan naman pag may sumasama pang tae sa kamay, pinapahid na lang namin sa puno saka nagdodrowing ng aso o di kaya taong patpat.
.
Tuwing umuulan naman, tuwang tuwa ako! Bakit? Eh kasi pwede na kaming maminlit ng palaka. Una muna naming ihahanda aang bulateng gagamitin naming pain. Madalas kaming makakita ng matatabang bulate sa likod ng babuyan namin. Syempre atraksyon kaya sa mga bulate ang masasarap na tae ng baboy. Kaya hayun na nga, matapos maihanda ang pain, diretso na kami sa bukid at mamiminlit na kami ng palaka.
.
Kaso nagkaroon ako ng phobia, nung minsan namiminlit ako sa may bukid namin (kumakanta pa nga ako noon ng “alin-alin, alin ang naaiba” ng Batibot) biglang may kumagat ng pain ko. Tuwang tuwa ako dahil mukhang malaking palaka ang makukuha ko, paghatak ko ng patpat at dadakmain ko na ng kamay…. Nagulat na isa palang ubod ng laking BUBULE ang kumagat ng pain ko (at kumindat pa sya sa akin). Nagtatakbo ako sa takot kaya mula noon ayaw ko ng maminlit ng palaka. Kumakain na lang ako ng adobong palaka, sinampalukang palaka at crispy palaka.
.
Madalas naming laruin ang SYATO, at madalas akong atchoy o taga sigaw ng SIIIIYYYYYAAAATTOOO!! Tapos madalas din akong maglaro ng putik, mula sa NUNO sa PUNSO (o bahay ng anay). Masarap kayang gumawa ng kotse-kotsehan, truck saka refrigerator mula sa putik. Kapag medyo sawa na kami dyan, maglalaro na kami ng bangka-bangkaan sa may pusalian. Ihip doon, ihip dito, minsna sa pag-ihip ko nahalikan ko na pala yung pusaling kulay black.
.
 
Madalas din akong bumili noon ng krispap na may kasamang sunda-sundaluhan at mga superheroes. Kahit magkada ubos ubos ang baon ko, magkasakit sa bato at tiisin ang lasa ng krispap na lasang gaas, okay lang! Kailangan kayanin kasi gagawin kong taya sa tatsing namin mamaya.
.
Halos mabulok naman ang ipin ko kakain ng CHOKOBOT, o yung choknat na may litrato ng transformer sa balat. Kapag kasi nabuo mo ang A-Z sa likod ng balat ng CHOKOBOT , makakakuha ka ng TRANSFORMER ROBOT. Eh adik na adik ako sa palabas na yun (okay na yun kesa naman rugby o katol), kaya naman ubos din ang baon ko doon. Sa huli hindi ko nabuo ang alphabet na yun kasi puro letter A ang nakukuha ko. Pnujemas na yan.Pero yung kapitbahay namin meron na syang OPTIMUS PRIME. Kaya naman halos mamatay ako sa inggit sa kanya. Kinakaibigan ko nga sya eh kahit pa bulok bulok ang ipin nya saka amoy bulok na sibuyas ang hininga nya tinitiis ko malaro ang Transformer Robot nya. Pero sa huli puro yung robot nyang walang kamay at ulo ang pinapahiram nya sa akin. Gago sya!
.
Prrrrttttttttttttttt (okay tama na yan)
.
Ang dami ko pang kwento tungkol dyan pero sa susunod na lang uli ako magkwekwento.
Alam nyo minsan masarap maging bata uli, bakit? Kasi kung bata ka, kapag may nanakit sa iyo, pagkalipas ng ilang araw, BATI na uli kayo. Kapag nasugatan ka at sinabi ng nanay mo na “gagaling din yan anak”, titigil ka na sa pag-iyak at makakalimutan mo na lang na masakit pala ang sugat mo. Pero bakit kung kailan na tayo lumaki saka pa nagiging kumplikado ang lahat?
.
Bakit nga ba ang hirap magpatawad at ang hirap kalimutan ang sakit?Bakit nga ba?
.
 
Sana bata na lang uli tayo………….
.
Yun lamang po at maraming salamat.
.
Spike

Syyaaattto!

Muli kong naaalala ang aking kabataan sa kwento mong ito Spike! At naalala ko rin nauubos ko ang aking oras sa kaka-syato.

Kaysarap maging bata, walang problema..walang gagawin kundi maglaro at mag-aral..dahil andiyan ang ating mga mahal sa buhay para mag-asikaso sa atin.

OO minsan mahirap magpatawad lalo na at sobrang nasaktan, ngunit ang mahalaga Spike may natutunan kang aral sa bawat sakit na idinulot nito sa yo.

 

noelablon's picture

ang saya talaga!

Patintero ang paborito ko at football, kasi mabilis ako tumakbo at magaling akong mangbato ng bola hehe! (ewan ko ba, ang sarap ng feeling kapag natatamaan ko ulo ng mga kalaro ko hehe! lalo pag crush ko double hehe!).

Ang tagal ko ring di nagawi dito. Musta na muli. Sige di ko alam kung kelan ako susulpot dami kasi ng trabaho eh.

Ooops! Dagdag pa pala ang jolens at turumpo, kasi tatay ko magaling gumawa ng turumpo kaya inggit mga kalaro ko dahil kakaiba yung turumpo ko (mahaba ang pako haha! at napakatigas! - singtigas ko haha!)

=== Nahalungkat niyo na ba?

Ang Baul ni Noel