sardinas

panjo's picture
|

Namimiss ko na lasa ng sardinas. Mula noong mapadpad ako dito sa Maynila di ko na natitikman ang madalas naming ulam sa probinsya. Magaling magluto si ina kaya kahit ang simpleng sardinas nagagawang niyang masarap na ulam.

'Anak, kumuha ka nga ng talbos ng kamote para may lahok ang sardinas,' utos ni ina.

'Opo ina, kapag po may nakita akong upo sa likod-bahay pipitas na din po ako,' masayang tugon ko.

'Anak, pasensya na kung madalas sardinas ang ulam natin. 'malungkot na wika ni ina. 'Mahina kasi ang kita ng ama mo ngayon.'

'Ayos lang po ina. Ang mahalaga nakakain tayo at hayaan n'yo kapag nakapagtapos ako, tutulong ako kay ama sa paghahanap-buhay.' Pinalakas ko ang loob ni ina. 'Sige po, pupunta na po ako sa likod-bahay.'

Isang magaling na pintor si ama. Ipinagmamalaki ko nga siya sa mga kaklase at kaibigan ko. Siya kasi ang gumagawa ng mga dambuhalang billboard ng mga artista para sa ilalabas na pelikula.Madalas nga personal na dinadalaw si ama ng mga sikat na artista. Paborito ko sa gawa niya ang mga pelikula ni Robin Padilla, minsan nga iginawa niya ako ng kopya ng mukha ni idol sa maliit na canvass.

Malaki ang kinikita ni ama sa pagpipinta, nakapagpagawa kami ng maayos na tirahan at nakapag-aral ako sa pribadong paaralan. Subalit, bumaliktad ang aming mundo noong tumapak ako ng sekondarya. Biglang dumagsa ang malalaking mall sa probinsya kaya namatay ang maliit na industriya ng sinehan kasama na ang pinagkakakitaan ng aming pamilya. Mas minabuti kasi ng mga tao na sa mga mall na lang manood ng sine dahil makakapamasyal pa pagkatapos.

'Trining, ito lang ang kita ko ngayon. Wala masyadong nagpagawa kaya pagpasensyahan mo na. Binabarat na nga ako ng mga kliyente ko, pumayag na lang ako kesa walang kikitaan,' nanlulumong wika ni ama.

'Siguro dapat na din akong bumalik sa pananahi para makatulong naman ako sa'yo,' mungkahi ni ina.

'Siguro nga. Streamer na lang ang medyo maasahan natin. Ano bang ulam natin?'

'Nagpabili na lang ako ng sardinas kay Martin. May naluto na din naman akong gulay.'  

'Ina, Ama, lilipat na lang din po ako ng school para po makabawas sa gastusin. Malapit lang naman po dito kaya pwede ko pa lakarin.'

Akala namin makakapag-adjust na kami. Akala namin kaya na namin. Hindi pala. Naging patok ang computerized printing system, lumabas ang tarpulin businesss na tuluyang pumatay sa paggawa ni ama ng streamer. Mas mura at mas hamak na kaaya-aya sa mata ang kulay ng tarpulin.

Mula noon laging matamlay si ama. Kung dati kasi mga dambuhalang billboard ang pinipintahan niya, naging sa mga basurahan na proyekto na lang ng mga barangay. Nalungkot ako para kay ama dahil nabalewala ang talento niya sa pagpipinta at nawalan pa siya ng hanapbuhay.

Lumuwas si ama ng Maynila para pumasok bilang construction worker sa isang malaking developer kasama ng kapatid ni ina. Ayaw niya akong palipatin ng eskwelahan dahil mahalaga para sa kanya ang standing ko sa klase. Regular naman ang padala ni ama sa amin pero  may kamahalan ang tuition ko kaya paminsan ay kinakapos. Nakikita kong gusot ang mukha ni ina pero palagi niyang sinasabi na walang problema. Ramdam ko ang hirap niya pero pilit niyang itinatago. Wala naman akong maitulong kaya pinagbuti ko na lang ang pag-aaral.

Sumunod ako kay ama noong makatapos ako ng sekondarya, nagtrabaho ako ng palihim sa fastfood habang nag-aaral sa kolehiyo dahil hindi naman ako pahihintulutan ni ama kung sasabihin ko. Magkasama kami sa bahay ni ama. Madalas naaabutan ko siyang gising sa madaling araw, hawak ang paint brush at nagpipinta ng mga nakikitang niyang bagong pelikula sa telebisyon. May oras din na naririnig ko siyang humahagulhol matapos magpinta. Marahil hindi niya matanggap na kailangan niyang i-give up ang kanyang kinahiligan. Ang kanyang kasiyahan.

Kapag umaalis na siya para magtrabaho, sinisilip ko ang gawa niya. Bilang tagahanga alam kong malaki ang ipinagbago ng kanyang ipininta. Hindi na ganoong kapulido at hindi na tuwid ang mga letra. Pansin kong nanginginig ang mga kamay niya sa tuwing kakain kami dahil na siguro sa bigat ng trabaho kaya hindi na katulad ng dati ang mga gawa niya. Kapalit ng pera para buhayin kami ay ang tuluyang paglaho ng galing sa pagpipinta.      

Nakatapos ako ng kolehiyo at muli kong nakita sa mata ni ama ang tunay na kasiyahan. Alam kong hindi iyon pilit na ngiti dahil kaya naman siya nagtiis dito sa Maynila ay para makatapos ako. Nakahanap  agad ako ng trabaho kaya nakumbinsi ko na si ama na bumalik ng probinsya tutal natupad na niya ang pangarap niyang magkaroon ng anak na inhenyero. Masaya ako dahil magkakaroon na si ama ng oras para muling magpinta hindi para kumita kundi para sundin ang gusto ng puso niya. Isinubsob ko ang sarili ko sa trabaho para maranasan muli nina ama ang magandang buhay. Malaki ang pera kong ipinapadala para hindi na sila nagtitiis sa sardinas.  

Nagpalipat-lipat ako ng kompanya para sa mataas na posisyon at suweldo. Ibinalita ko ang mga pagbabago sa aking buhay kay ina. Bagamat mahirap palagi kong sinasabi na maayos ako. Natural na siguro sa amin na ilihim ang paghihirap na aming nararanasan. Mahirap mawalay sa magulang at hinahanap-hanap ko din ang luto ni ina.

'Hello! anak, kailan mo kami bibigyan ng apo?' tanong ni ina.

'Ayaw niyo na ba sa akin at apo na ang gusto ninyong makita?' biro ko.

'Hindi naman sa ganoon anak. Aba hindi naman pwedeng kargahin kita para alagaan.' katwiran ni ina.

'Biro lang po ina. Naasan ka pala po si ama? Gusto ko sana makausap.'

'Naku! Nasa plaza, pinipintahan ang bagong gawang pader. Simula noong bumalik siya dito naging aktibo sa barangay at gusto nga yata lahat pintahan eh. Madami nga natuwa sa ipininta niyang Holy Family sa may chapel.' pagmamalaki ni ina.

'Mabuti naman po nagbalik ang sigla n'ya.

Limang taon pa ang pinalipas ko bago ko napagdesisyunang umuwi sa probinsya. Madami akong dalang balita na ikatutuwa ni ina. Nakilala ko na kasi ang babaeng magbibigay sa kanila ng apo, sayang nga lang at maselan ang pagbubuntis niya kaya hindi ko na nakasama sa biyahe.

'Ina! Ama! Nandito na po ako.' sigaw ko habang papasok sa aming bahay.

'Anak ko!....' maluha-luhang sambit ni ina habang yakap  ako.

'Nasaan po ang itay?'

'Nasa paligid lang iyon. Gutom ka na siguro anak. Magluluto muna ako.' Tumungo si ina sa kusina matapos samahan ako sa aking kwarto.

Sumunod ako kay ina para tumulong. 'Sardinas?'

'Ayaw mo anak? Paborito mo ito di ba?' Tumango ako. Sabagay, matagal ko ng di natitikman ang sardinas madalas kasi sa restaurant na ako kumakain. Hinahanap-hanap na din ng panlasa ko.

Ngumiti ako. 'Ina, kukuha po muna ako ng talbos ng kamote sa likod-bahay.'

'Wala ka talagang ipinagbago anak.'

Nakakatuwang balikan ang nakaraan. Nakangiti akong pumipili ng pinakasariwang talbos ng kamote. Naging maingat ako, sinigurado kong walang kagat ng insekto ang dahon. Namiss ko ang ganitong buhay. Napakasimple. Iba talaga ang buhay sa probinsya kumpara sa ginagalawan ko sa Maynila halos lahat ng pangagailangan nasa paligid lang ng bahay samantalang sa Maynila lahat ng kilos may bayad. Kanina nga noong pumasok ako sa tarangkahan, sangkatutak ang umalalay sa akin para magbuhat ng gamit pero walang kahit isa ang tumanggap ng bayad nasanay kasi ako na bawat kilos may katumbas na halaga.

'Mando! Itigil mo yan! Mando!' pagmamakaawa ni ina kay ama. Tumakbo ako papasok ng bahay.

'Ina anong nangyayari?' Nakita ko si ama na may hawak na paint brush at isang lata ng pintura. Pinipigilan siya ni ina dahil gusto niyang pintahan ang kurtina. Tinulungan ko si ina na ipasok si ama sa kanilang kwarto bagkus itinuro ni ina na doon dalahin si ama sa kwartong pinagpipintahan ni ama dati. Hindi na organisado ang lugar. May mantsa ng pintura ang mga dingding, kisame at sahig. Nagkalat din ang mga lata ng pintura at mga canvass. Inakala kong lasing lang si ama pero hindi pala.

'Darating si FPJ!!! Magpapagawa siya ng billboard. Si Vilma! Si Nora! Pupunta kami ng Maynila ni Martin kasi nakausap ko si Robin kanina gusto niya daw makilala ang anak ko. Martin!!! Martin!! Tapos tapos.Darating si FPJ, magpapagawa siya ng billboard. Si Vilma, si Nora....  Darating si.. si... si...' paulit-ulit ang sinasabi ni ama.

'Anak... patawarin mo ako hindi ko ipinagtapat sa iyo. Paminsan lang naman siya ganyan.'

'Kailan pa siya ganito?'  

'Isang buwan, pagkauwi niya dito. Hindi ko masabi sa iyo kasi ayaw kong masira ang pangarap mo.'  

Para akong pinagsakluban ng langit at lupa. Bakit kailangang maglihim? Pamilya kami. Pero hindi ko masisi si ina. Wala siyang inisip kundi ang ang ikabubuti ko at palaging ayaw nila  akong mag-alala.

BEEEEP! BEEEP!!!

'Nasan si Martin? Martin ang sundo natin nasa labas na! Susunduin na tayo ni Robin!' sigaw ni itay matapos makarinig ng busina ng Jeep.

'Ama ako si Martin!' Pinahinahon ko si ama. Naawa  ako sa kalagayan niya.

'Martin! Anak nasaan ka??!! Ihanda mo na ang ibinigay ko sa iyong drawing ni Robin pipirmahan daw niya.' Hindi pinapansin ni  ama ang sinasabi ko. Napaupo ako sa sahig. Nalungkot ako para kay ama. Inakala ko magkakaroon na si ama ng oras para magpinta ulit. Akala ko, magkakaroon na siya ng oras para pasiyahin ang kanyang sarili.  

BEEEP!! BEEP!  

'Si FPJ! Teka hindi ko pa nagagawa ng billboard niya!' Tumakbo si ama palabas ng kwarto.

'Ama! Agad akong tumayo at hinabol si ama.

'Mando!' tawag ni ina. Nagawang harangan ni ina si ama.  
     
'Tabi! Nagawang kumawala ni ama sa pagkakayapos ni ina. Itinulak niya ito palayo sa kanya.

BLAG!!

Nagawang maitulak ni ama si ina. Nawalan ng balanse si ina. Tumama ang ulo ni ina sa konkretong dingding. Bumagsak siya sahig. Nawalan ng malay. Hindi ako alam ang gagawin. Hindi ko alam kung sino ang una kong sasaklolohan. Binuhat ko si ina habang sumisigaw ng tulong. Agad kong isinugod ng ospital pero huli na ang lahat. Hindi na umabot ng buhay si ina sa ospital.

Matapos ilibing si ina, iniluwas ko sa Maynila si ama para ipagamot.Umiiyak si ama kapag wala siyang hawak na paint brush at madalas niyang iguhit si Robin para sa anak niyang si Martin. Bagamat hindi niya ako nakikilala hindi ko siya iniiwan. Kahit nagkapamilya na ako hindi ko nakalimutang maglaan ng oras para kay ama.

'Hijo kilala mo ba si Trining? Pakibigay naman ng perang ito. Pakisabi okay naman ako dito sa Maynila.' Iniabot ni ama ang ilang piraso ng pilas na papel na inaakala niyang pera. 'Pagpasensyahan na muna nila kung kaunti lang.'  

'Makakarating po.' Siguro kung hindi naging malihim ang pamilya namin, maayos pa kami. Siguro kung hindi kami nagkunwaring malakas buo pa kami.

'Namimiss ko na ang luto ni Trining. Lalo na ang paborito ni Martin---'

'Sardinas..' putol ko sa sasabihin ni ama. Namimiss ko na ang sardinas na may lahok na talbos. Namimiss ko si ina.

 -end-

http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com

panjo

isinulat habang nangungutang ng sardinas


Yuco's picture

Gusto ko umuwi ng probinsya

 Gusto ko ang short story na ito. Masarap basahin, banayad pero puno ng emosyon, trahedya at  pakikibaka sa buhay.

 Sa ngayon, masuwerte na kung sardinas ang ihahain na ulam sa mesa ng mga mahihirap sa kamaynilaan. dahil sa ngayon marami sa kanila ang hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw. Mahal na para sa kanila ang sardinas. maspipiliin pa nila ang habhab. tsk tsk tsk.. 

 Pagmay-oras babasahin ko ang iba mo pang akda. 

 

Ayaw Matulog ng Keyboard Ko

panjo's picture

 salamat sa pagbasa.. at

 salamat sa pagbasa..

at sa pagshare ng thoughts :)

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

neutron's picture

ang ganda naman nito

naiyak naman ako sa kwento mo. nakakamiss tuloy kumain ng sardinas na ginigisa sa gulay. naalala ko sabi ni mommy noon na ayaw nya na laging sardinas ang ulam kasi si daddy noong bata pa siya eh puro sardinas ang kinakain kaya gusto nya iba't ibang putahe ang niluluto.  nice story.

 

- I'd still walk a million miles for just one of your kisses.

panjo's picture

 haha ako yata sawa na sa

 haha

ako yata sawa na sa sardinas. di kasi ako marunong magluto.. 

 

chama lang ang nice story.. thanks sa read

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

Polethor's picture

SIMPLE

Sa isang masalimuot na buhay, kahit hindi sa Maynila. Hahanap-hanapin din natin ang mga simpleng bagay gaya ng sardinas.  Simple pero masarap. Nakaka-miss.

Naka-relate ako. :)

"I will color the world one step at a time..."
http://ofcrayonsandpastels.blogspot.com

 

panjo's picture

 :) salamat sa pagbasa..

 :) salamat sa pagbasa.. really appreciate it.. 

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

d-younker's picture

galing naman

galing naman talaga.

nakarelate pa ko.

naalala ko kasi yung pinanuod sa min na film ng prof ko sa world lit about famine.

grabe talaga ang kahirapan.

tsk tsk.

panjo's picture

 oo nga.. naisip ko din

 oo nga..

naisip ko din kung ano na ang nangyari sa mga gumagawa ng billboard para sa mga movie dati.. gagaling pa naman nila

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

dindin's picture

nice short story.. full of

nice short story.. full of emotions. malapit na kong umiyak ng nabasa ko to. parang pamilya lang namin ang daming lihiman, nakakarelate ako sa part na yun...

 

- try mong magsigang ng sardinas, masarap yun.. haha

panjo's picture

mahirap yan.. laging

mahirap yan.. laging nagpapanggap na malakas.. 

di ako marunong magluto e. kaya as is na ang sardinas.. pagkabukas sa lata kain na agad

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

neutron's picture

mag sigang ng sardinas?!?

pano un? ang alam ko lang sweet and sour na sardinas. seryoso.

 

- I'd still walk a million miles for just one of your kisses.

dindin's picture

seryoso

may ganun talaga.. haha.. di naman magrereklamo ang sardinas kapag sinigang mo sya eh..

seriously, nakakain lang ako nun once sa mga lola ko na mas probinsya pa sa probinsya namin.. haha..  nilagyan nila ng talbos ung sardinas tapos pampaasim at sabaw.. sinigang na..

Luca's picture

anong probinsya to?

panj congrats.

may slight M.M.K./C.R.O.C./L.Y.H.  factor siya

 

Kung ano man yung narinig mo, hindi "I love you" yun! Assumera!

panjo's picture

 MMK lang ang alam ko sa

 MMK lang ang alam ko sa mga binanggit mo..hehe

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

Luca's picture

oh no...

CROC: hindi tsinelas... Connie Reyes on Camera

LYH: Lovingly Yours, Helen 

 

Kung ano man yung narinig mo, hindi "I love you" yun! Assumera!

Ailem23's picture

panjo

 maganda ang kwento kapatid...kahit inaantok pa ako e nagising ako at naging interaso sa kwento.. galing! keep writing... 

ingatski,

melay

*****

"Hindi por que magulo ay hindi na maayos. malay mo, ginugulo ka lang talaga para umayos ka." 

www.onlypurehearts.multiply.com

www.newdaybooks.multiply.com

panjo's picture

 salamat ate..hehe  chamba

 salamat ate..hehe 

chamba lang ang kwento.. 

 

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

journeyman's picture

 Magaling!   "isinulat

 Magaling!

 

"isinulat habang nangungutang ng sardinas"... naalala ko tuloy ang buhay namin sa probinsiya noong mga bata pa kami... ipinangungutang sa kapitbahay ang kakainin sa tanghalian o hapunan pati na rin ang ulam na tuyo o sardinas... at kahit apoy na pang-ningas eh hihingiin pa rin sa kapitbahay...

 

Uy, dito sa Saudi paboritong ulam ang sardinas at nakakanawa na ang mag-ulam ng manok araw-araw...

 

"If you cannot be good, be careful."

 

panjo's picture

 kamag anak ko naman ang

 kamag anak ko naman ang mga kapitbahay kaya nakikikain na lang ako kapag wala akong makain sa bahay..hehe

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

Adlesirc's picture

.

This is nice =)

 

 

gusto ko ng sardinas, tapos yung mainit na mainit na kanin. woooo...

galing

in fairness ha..maluha-luha ako ng basahin q. ang bilis ng twist. kala q joke emotional pala.

 

eden

panjo's picture

 mabilis ba? haba nga

 mabilis ba? haba nga e..hehe

 

thanks for reading.. :)

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

panjo's picture

 madalas ginagawa ko e

 madalas ginagawa ko e parang chao pan.. dinudurog ko sa kanin.. :o

---------------------------

 http://natuyongtintangbolpen.blogspot.com/

 

pirmiskalang's picture

SABI KO NA NGA PAMILYAR YUNG

SABI KO NA NGA PAMILYAR YUNG GAWA NA PINASA MO KANINA SA MP115! NYAHAHAHA!!! CLASSMATE KO PALA TO! AYUS! 

 

http://pirmiskalang.multiply.com/

"Bago mo husgahan ang iyong kapwa, kumain muna tayo."

panjo's picture

  --------------------------

grad na ako kaya di ako yung clasmate mo.. :)) 

 

 bat ayaw magdisplay ng commnt ko?

---------------------------

 http://tuyongtintangbolpen.com/

 

panjo's picture

  --------------------------

 

---------------------------

 http://tuyongtintangbolpen.com/

 

rose's picture

Nakakaiyak!

Naku kapatid napakagandang storya nitong isinulat mo. alam mo habang binabasa ko ito medyo napapaluha ako, makatotohanan at sadyang ang ating mga magulang puro kapakanan lang ng kanilang anak ang iniisip . At totoo rin ang iyong tinuran na napakasimple lang ang buhay sa probinsya, kahit sardinas lang makakaraos na ang pagkain ninyo mag hapon.

Kasi kahit ako kapag wala kaming ulam mas ginugusto ko mag luto ng gulay na may sardinas, like papaya with sardines, upo, talbos, yung noodles ano ba yun nakalimutan ko na eh. Kaya sana maging learned din sa atin ang storyang ito, na hindi rin natin dapat talikuran ang pinanggalingan natin, DAPAT MAHALIN NATIN ANG ATING MAGULANG, HANGGAT NANDIYAN PA SILA, GAWIN NATIN ANG MGA BAGAY NA MAKAKAPAG PASAYA SA KANILA DAHIL HINDI NATIN ALAM KUNG HANGGANG KELAN NATIN SILA MAKAKASAMA.

STAY HAPPY AND GOD BLESS TO US..Innocent 

panjo's picture

 techu.. relate na relate

 techu.. relate na relate ka ate :)

---------------------------

 http://tuyongtintangbolpen.com/