Sassy

Luca's picture

Inaalala ko kung paano tayo unang nagkita. Kung paano nag-usap an gating mga mata at napagkuwentuhan natin ang isa’t isa nang buong-buo. Kung paano tayo nagkakilala bago tayo magsalita. Kung paano kita niyakap, na may kaunting pangamba na baka mailang ka—baka matakot ka. Baka gaya ng lahat ng iba, magsimula kang mawala.

Pinatunayan mong walang saysay ang aking mga agam-agam, dahil nandito ka (kahit wala naman talaga).

Sinusulat ko ang liham na ito upang magpaalam. Maglalaho na ako.

Nais kong magbilin ng isang alaala sa aking paglisan. Nais kong malaman mo na magmula noong unang araw na matagpuan kita ay minahal na kita. At patuloy kong hinabol ang pangarap na mahalin mo rin ako.

Sa bawat araw na tayo’y magkasama, sa bawat maamong salita, sa bawat kunot ng noo o kislot ng ngiti, sa bawat tapik na may kaunting paglalandi, sa bawat damdaming sinikap kong pigilin, umasa akong mamulat ang iyong mga mata. Umasa akong maglinaw ang iyong isipan. Umasa akong bumukadkad ang iyong puso at matuklasan mong iyan ang tahanan ko.

Subali’t batid kong hindi pa tama ang panahon. Batid kong nagdadamot pa ang pagkakataon. At lubhang malakas ang bugso ng pag-asang bumabagyo sa aking dibdib at natatakot akong mabuwal ka o tuluyan ka nang matangay palayo.

Mahal kita—

sa paraang hindi makakaya ng marupok mong gunita.

Kaya’t magsisimula na akong lumayo—lumayo hanggang hindi mo na halos maulinigan ang paghuhumiyaw ng aking puso. Lumayo hanggang sa panahong mapagod ang pagmamahal ko at mamaos ang pagsusumamo.

Hanggang matunton ang isang pook sa ating kapalaran kung saan magtatagpong muli ang ating mga landas, at ikaw naman ang bibigkas ng mga salitang kupas.