Sawimpalad

notesfromexile's picture
|

Madilim ang kalangitan, ang mga bituin na maningning na nagkikislapan nitong mga nakaraang gabi ay tila nagtampo ngayon. Ang buwan ay bahagyang nakasilip sa likod ng manipis na ulap na para bang nahihiya itong magpakita. Ala una y medya na ng umaga ngunit si Jeff ay nakamalingkayad pa rin sa barandilyas ng rooftop ng labintatlong palapag na gusali na kanyang tinitirhan. Gadangkal na pagkakamali lang maaari siyang mahulog ngunit parang hindi niya ito inaalintana.

Malalim ang kanyang iniisip, parang may mabigat na problemang dinadala at para malibang pinagmamasdan na lang ang mga ilaw sa ibaba na tila mga kulisap sa kanyang paningin. Malamig na ang simoy ng hangin at mahamog, masarap damhin ng katawang pagal. Kahit paano gumagaan ang kanyang pakiramdam ngunit inaantok na siya gawa ng dalawang bote ng Red Horse na kanyang nainom kanina. Isa lang ang ayaw niya dito, malamok at pinamimiyestahan siya ngunit wala pa siyang ganang bumaba sa kanilang unit para matulog. Mas gugustuhin pa niyang lamukin sa taas kesa bumaba na. Dahil sa alanganing oras na at gawa na rin ng espiritu ng alak na kanyang nainom, naidlip si Jeff sa barandilyas at nadulas ang isang paa mula sa pagkakamalingkayad niya, nawalan siya ng panimbang at tuluyang nahulog sa mataas na gusali. Dahil alanganing oras at bilis ng pangyayari, walang nakasaksi maliban sa mga lamok at sa nakasilip na buwan.

     * * * * *

“Wala ng bigas, mag-iwan ka ng pambili bago ka umalis.”

“Wala ka ng pera? Kabibigay ko lang sa ‘yo nung isang araw a.” sagot ni Jeff sa asawa. 

“Magkano lang ba yung binigay mo? Akala mo naman pagkalaki-laki!”

“Anak ng… nagkakakandakuba na ako sa trabaho para may maiuwi ako sa inyo.”

pabulong na sagot ni Jeff.

“Maghanap ka kasi ng magandang trabaho!” sagot ng asawa nito.

 Tumahimik na lang si Jeff. Hindi na sumagot sa asawang kay aga-aga, nagbubunganga. Hindi siya yung tipo ng nakikipagdiskusyon sa asawa. Alam niyang wala itong patutunguhang maganda. Naiintindihan din naman niya kung bakit nagkakaganon ang kanyang asawa.

Masama ang loob ni Jeff na umalis ng bahay, hindi na nag-almusal. Nawalan siya ng gana, umaga palang sira na ang kanyang araw. Hanggang sa trabaho dala niya ang pagkainis hindi sa kanyang asawa kundi sa sitwasyong kinasasadlakan nila. Lagi silang kinakapos dahil sa liit ng kanyang kinikita bilang stockman sa isang publishing house. Ang maliit na kinikita ay pilit na pinagkakasya sa pang araw-araw na kinakain nila, gatas ng magdadalawang taong gulang nilang anak, upa sa bahay, tubig, kuryente, pamasahe at isama na dito ang utang sa tindahan.

Nang dahil sa problema sa buhay, naapektuhan pati ang kanyang trabaho ng araw na yon. Napagsabihan siya ng kanyang supervisor ng mapuna na parang wala siya sa kanyang sarili at laging nag-iisip ng malalim. Pumasok sa isip niya ang kalagayan ng kanyang mag-ina ngayong araw na ito. Wala silang kakainin dahil wala siyang iniwan na pera. Ang tanging laman ng bulsa ay ang pamasahe niyang papasok. Magugutom ang kanyang anak. Parang naririnig niya ang pag-iyak nito sa kanyang mga tenga. Siya man ay walang pambili ng pagkain sa pananghalian. Mangungutang pa siya sa kanyang mga kasama bago magbreak. Magulo ang kanyang pag-iisip, gusto niyang tumakas sandali. Gusto niyang matulog, magpahinga, managinip Gusto niyang uminom ng alak, malasing at sandaling damhin ang manhid na katawan at isip. 

Kinahapunan bago umuwi, dumaan si Jeff sa Finance Department ng kanilang opisina. Nagcash advance siya ng limandaang piso para may pambili sila ng bigas at mauulam sa mga darating na araw. Habang nasa daan pauwi, ang problema pa rin sa bahay ang iniisip kung papaano niya ito matutugunan. Ganoon na lang palagi ang problema nilang mag-asawa. Pinansyal. Ngunit sino nga ba ang walang ganoong klase ng problema. Kanya-kanya lang sa pagdadala.

Pagbaba sa jeep na sinakyan galing opisina, pumasok siya sa mall na malapit sa pilahan ng FX  na kanyang sasakyan pauwi. Nag-ikot ikot siya sa loob,  nagpalamig sandali ngunit nadagdagan lalo ang kanyang panlulumo sa kanilang kalagayan dahil nakikita niya sa loob ng mall ang ibang taong may perang pambili ng kung anu-anong mga gamit. Nakaramdam siya ng inggit at pagkahabag sa sariling pamilya. Nagpasya siyang lumabas na lang at tumuloy sa pila ng FX. Mahaba ang pila na kanyang dinatnan. Madalang ang dating ng FX. Inabot din siya ng isang oras sa pilahan.

Pagbaba ng FX, naglakad siya pauwi kahit may kalayuan ang kanilang bahay. Ayaw niyang umuwi ng maaga ngayon. Gusto munang iwasan ang asawa para hindi na sila mag-away pagdating niya sa bahay. Sa paglalakad may nadaanan siyang isang maliit na bar. Pumasok siya, umupo sa isang sulok at umorder ng isang bote ng Red Horse. Maingay sa loob ng bar, may grupong nagkakantahan sa videoke. Nalibang si Jeff ng konti sa panunuod sa kanila. Naalala ang mga kaibigang matagal na niyang hindi nakakasama. Ang isang bote ay nadagdagan pa ng isa. Matagal-tagal na rin siyang hindi umiinom kaya ang dalawang bote ng Red Horse na kanyang nainom ay tumama sa kanya.

Pagdating sa bahay, nagsindi siya ng ilaw ngunit walang liwanag na sumalubong sa kanya dahil naputulan na rin sila ng kuryente. Sa dilim hindi na niya nakita ang kanyang mag-ina. Pagkabihis ng pambahay, umakyat siya sa roof top ng gusali upang magpahangin sandali. 

Kinaumagahan, nagtaka ang asawa ni Jeff dahil wala siya sa tabi nito sa kama. Tumuloy ito sa kusina pagkabangon para siya ay hanapin ngunit hindi siya natagpuan doon.

“Siguro bumili ng pandesal.” usal nito. Samantala, sa may bakanteng lote na katabi ng gusali, nagkakagulo ang mga batang magbabasura. Nakatagpo sila ng lasug-lasog at wala ng buhay na katawan ng isang lalaki. 

xxx 

4 Disyembre 2009 

notesfromexile

“Ang pagtanggap sa kaabsurduhan ng buhay at ng mga bagay sa paligid natin ay isang hakbang, isang mahalagang karanasan: hindi dapat dito nagtatapos at nagbibigay ng kawalan ng pag-asa bagkus pinupukaw nito ang paghihimagsik na nagbubunga ng kaaya-aya.”

 

 

http://buenolibros.multiply.com