Sekretong Nobena ng Mag-ama

| |

Sekretong Nobena ng Mag-Ama

Jessa Mae F. Pangandian

 

Tinakpan ng batang babae ang dalawang mata habang nakasandal sa posteng kahoy. Sa hangin na linalanghap niya ay magkahalong buhangin at nakakadiring-amoy ng mga patay na daga. Sa kanyang mga paa at mga kamay ay mga kumakapal na alikabok na hinahaluan pa ng tumutulong pawis mula sa kanyang likuran. Kung titingnan nang maigi, mapapansin ang bakas sa kanyang mukha ang pagka-inosenti at mudmod pa sa kamusmusan. Sa kanyang mahinhin ngunit malikot na tindig, ‘di malayong malalaman na magpipitong taon pa siya sa makalawa.

“Tagu-taguan, maliwanag ang tanan. Tayo’y maglaro ng tagu-taguan! Pagbilang ko ng tatlo nakatago na kayo.”, umalingawngaw na sigaw ng batang babae. “Isa….Dalawa…..Tatlo!

Luminga-linga siya sa paligid. Bantay-sarado siya sa poste na kanyang sinandalan. Sinisiguro niyang walang makakahawak ni makakalapit sa posting iyon. Sinusuyod ng tanaw ang paligid kahit sa kasuluk-sulokan nito. Sa kanyang musmos na mga tainga ay alerto itong nakikinig sa mga patak ng tubig sa gripong labahan at mga malakas na hagikhikan at kuwentuhan ng mga nag-iinom sa tabi ng iskinita. Lumilingon-lingon ang kanyang malilikot na mga mata. Sa bawat hakbang niya ay binibilang patungo sa tapunan ng basura na pinipistahan pa ng mga langaw sa gilid na kanto. Pabalik-balik tanaw ang mabibilog at matutuyong mga mata.

Bigla niyang narinig ang yapak ng paa sa tuyo ng dahong germalina na nasa gilid ng dram na sisidlan ng tubig. Halos mapalutang siya habang humahakbang sa maruming daanan. Pilit niyang pinipigilan ang paghingal ng kanyang baga. Hinawakan niya ang kanyang tagpi-tagping bestida para hindi mapansin ang kanyang paglapit roon. Iilang hakbang na lamang ay matatanaw na niya kung sino ang nasa likuran ng dram.

“Isa…..Dalawa……Tatlo…..”bulong niya sa sarili. Sigurado siyang may tumatago sa likuran nito. Sa hingal pa lamang nito, may tao na!

“Boy!”, malakas na sigaw niya kasunod ang pagtakbo patungo sa poste upang hawakan ang poste. Hinabol siya ni Boy halos makalundag na siya patungo sa poste ngunit hindi na siya naabutan nito.

“Taya ka na, Boy!”,galak niyang sinabi sa kalaro. Pangatlong sunud-sunod na taya iyon ng batang babae. Halos lumangoy siya sa tuwa dahil hindi na makakaabot sa apat ang pakakataya niya. Palibhasa, kahit saglit lamang tignan mapapansing mas malaki ang katawan at mas mabilis tumakbo si Boy kung ikukumpara sa kanya.

“’Yoko na, Esa….Maghapon na tayong naglalaro ditong dalawa, e.” ,mahinang protesta ni Boy. Humihingal siya habang tutungo sa kalarong babae. Lantad sa kanyang mukha ang matagal na paglalaro sa ilalim ng araw. Sa marusi nitong kamiseta at butas-butas na pantalon ay mga malalaking pawis na dumidikit nito “Tingnan mo nga ang langit. Sabi ni Nanay, kapag nagtatago na ang araw, naubusan na raw siya ng sinag kaya hihinto na siya sa paglalaro dahil magpapahinga na siya. Unti-unti nang nauubusan ng sinag ang araw. Bukas na lang natin tatapusin.”

Tumingin siya sa langit pagkatapos tinitigan niya si Boy. “Pero, Boy----”

“Aalis…aalis na si Nanay. Kailangan…Kailangan kong bantayan si Jing. Me, lagnat kasi,e.”

“Sabi mo….Sabi mo… tuwing magdidilim na sinasabihan ka ng nanay mo na huminto sa paglalaro….e, bakit aalis siya? Baka maubusan ng sinag ang nanay mo. ‘Wag mo siyang paalisin.”

“Hindi maaari iyon, Esa. Sabi ni Nanay ko, ang mga bata lang daw ang katulad ng araw. Tuwing gabi kasi, para daw buwan ang matatanda gaya ni Nanay.”

“Ano…Ano ba ang ginagawa ng nanay mo tuwing gabi sa labas? Naglalaro din ba siya sa lansangan kasama ang ibang kasing-laki niya? Kasi, naglalaro din ang buwan, ‘di ba?”

Naku! Mas bata ka talaga kaysa akin, Esa. Nagtatrabaho si Nanay para meron kaming kakainin kinabukasan. Pero, hindi ko alam kung ano ang trabaho niya. Hindi niya kasi sinasabi. Ang alam ko lang, paggising ko sa umaga may lugaw nang nakahain sa aming mesa. Ay!.....Sabi rin niya na wala raw kasing bumibili ‘pag umaaraw. Tinanong ko nga siya kung ano ‘yung tinda niya. Sabi niya, tinda daw iyon ng kaibigan niya.”

Biglang narinig ni Esa ang kanyang pangalan. Tinig iyon ng tatay niya.

“Esa….Esa!....Essa!, pabalik-balik na sigaw ng tatay niya.

“Andyan na ako, ‘Tay!

Bumaling siya sa kanyang kalarong si Boy, “Kailangan ko nang umalis. Hinahanap na ako ng Tatay ko. O, sige umuwi ka na rin sa inyo. Baka…Baka hinahanap ka na ng nanay mo, mapapagalitan ka pa.”

“Sige, bukas na lang tayo maglalaro.”

Kumaway muna si Boy bago tumalikod at tumakbo patungo sa kabilang iskinita. Ilang saglit, hindi na niya matanaw si Boy. Tumakbo siya patungo sa bahay nila. Naghihintay ang tatay niya. Nakagawian na niya iyon. Pagkatapos niyang maglaro ay sigurado siyang tatawagin siya ng kanyang ama. Nang makarating siya sa tapat ng barung-barong nila, nakita nga niya ang tatay niya sa malapitan na nakatayo malapit sa pintuan ng bahay nila.

“’Tay, nakikipaglaro lang, ho ako kay… kay Boy.”, patapat na sabi niya sa ama. Humihingal pa siya buhat sa pagtakbo ng kanyang mahihinang binti. “Bago…Bago ko ho siyang kaibigan. Mabait..Mabait ho.”

“”Buti, dumating ka na. Sa susunod, tuwing sasapit ang oras ngayon huwag ka nang magpatawag. , pagalit na sinabi ng tatay niya. “”Magnonobena tayo. Sige, pumasok ka na sa loob. Lumalamig na sa labas.”

Sabay pumanhik silang mag-ama sa barung-barong na ang pintuan ay gawa sa tagpi-tagping yero at ang bubungan ay yari sa kinakalawang atip na pinapatungan ng sirang gulong. Makitid ang pintuan nila. Sa loob, may nakalatag na sira-sirang banig na ginagamit nilang hapagkainan, salas, at maging tulugan na rin. Iisa lang ang kuwarto ng bahay. Sapat lang na tirahan nilang mag-ama simula nang mamatay ang kanyang ina sa hindi kilalang sakit noong tatlong taong gulang pa lamang siya. Simula noon, nagdadasal na silang mag-ama tuwing dapithapon.

Maaliwalas ang paligid. Ang dingding ay gawa sa mga karton na pinagdidikit. Iisa lang ang bintana ng kanilang dampa. Doon lang may pumapasok na kaunting liwanag mula sa bagong sinag ng buwan. Kulang lang ang mahinang sinag na iyon. Wala siyang gaanong maaninag na liwanag sa loob. Walang ilaw.

Pinakikiramdaman ni Esa ang gasera na nasa sulok ng barung-barong. Sa tabi nito’y naramdaman niya ang kahon ng posporo. Magaan na ito. Kinuha niya ito at binuksan nang maigi para hindi mahulog ang iilang pirasong palito na natira pa. Ikiniskis niya ang kinuhang palito sa gilid ng karton nito. Lumiwanag. Biglang pumasok ang malamig na simoy ng hangin mula sa bintana na pumatay sa mahinang sindi ng posporo. Dumilim.

“Esa, isarado mo muna ang bintana.”, pahabol na paalala ng tatay niya. “Dalian mo. Magdadasal tayo.”

“Oho, ‘Tay!”

Sinaraduhan niya ang bintana. Pawang mga pira-pirasong karton ang ipinantakip niya. Lalong dumilim ang loob ng bahay.

 

Muli niyang ikiniskis ang huling palito na nasa kahon. Nakaramdam siya ng kaba. May naririnig ang kanyang isipan. Paano kung hindi sisindi ang palito? Paano kung mapagalitan siya ng tatay niya? Pabalik-balik sa kanyang isipan ang mga boses na iyon. Hindi siya makakibo.

“Ano ba, ‘nak? Naubos na ba ang laman ng kahon?”

“Hindi ho. Me..Meron pa hong i..isa.”

“Ikiskis mo na! Magdadasal pa tayo.”

“O…..O..ho.”

Ikiniskis niya ang palito sa gilid ng kahon. Hindi iyon nagsindi. Inulit niya yaon. Lumiwanag. Inilawan niya ang gasera. Mas lalong lumiwanag ang loob. Nakikita na niya ang mga hindi pa nahuhugasang pinggan at dalawang baso na nakalagay malapit sa lumang lababo. May karton na nakalapag sa sulok ng sahig na nasa giliran ng bintana. Laman nito’y mga damit nilang mag-ama. Napapansin niya ang altar na nasa ibabaw ng bintana. Andoon ang rebolto ng hindi niya kilalang taong may pakpak at imahe ang mag-inang Birhen Maria at Jesus. Inalayan sila ng mapupulang rosas noong nakaraang araw pero ngayon ay unti-unting lumalayos ang kulay ng mga ito.

“Lumuhod ka”, sabi ng tatay niya. “ Magdadasal na tayo.”

Marahan siyang lumuhod sa banig malapit sa tabi ng tatay niya. Kaharap nila ang altar. May naaamoy siya tuwing magsasalita na ang kanyang tatay. Amoy-alak siya. Hindi naman mukhang lasing ito. Hindi siya gaya ng iba na napapansin nila ni Boy na nag-iinuman sa kanto na paekis-ekis maglakad. Nagtataka siya kung bakit nakikipag-inuman muna ang tatay bago sila magnonobena kay Birheng Maria.

“’Tay… ba...kit…ho kayo…nag-iinuman.. palagi bago...tayo.. mag…..dadasal?”

“Anak, tingnan mo ang mga pari tuwing nagmimisa. Umiinom sila ng alak para makausap ang Nasa Itaas. Gumagaya lamang ako sa kanila. O,Huwag ka nang magtanong.”

“’Tay, magsimula... na tayo. Sa Ama ng Di…yos, sa A…nak ng Di..yos at sa---”

“Tigilan mo na iyan!” pasigaw na sabi ng tatay niya.

Biglang nangilabot siya sa takot. Hindi siya makakibo. Natatakot siya sa pamalo sa ibinitin ng kanyang ama sa itaas na pintuan. Isang hibla iyon ng rattan. Matibay. Noong lumagapak sa kanyang binti ang latigong iyon dahil hindi niya maisaayos ng kanyang kaliwang kamay ang pagkrus, namilipit siya sa tinding sakit. Wala siyang alam kung ano ang maling nailuwal ng kanyang bibig. Nagtaka siya kung anong mali ang nagawa niya. Hindi na niya alam ang gagawin. Nakapikit siya. Hinihintay ang paghaplos ng latigo sa kanyang katawan. Iilang saglit, mga kamay ng kanyang ama ang pumatong sa magkabilang balikat niya. Nakakapanibago sa kanyang pakiramdam. Maiinit ang palad ng kanyang ama.

“”Tay, anong…. anong gina…gawa mo?”, pagtatakang tanong niya sa ama. “Itu…tuloy natin---”

“Anak, may sasabihin ako sa iyo. Kalimutan mo na ang nobenang nakasanayan natin. Dumating na ang tamang panahon, babaguhin na natin. Ang bago---”

“’Tay, ano bang….sinasabi mo? Paano na si…si Nanay kung…kung hindi natin ipagpapatuloy ang…ang nobena?”,tanong ni Esa sa ama. “Hindi…Hindi na ba siya…siya maka…kapunta sa langit ha, Tay?”

“Kinuha na siya ng langit. Matagal-tagal na rin tayong nagdadarasal para sa kanya. Ngayon, magdadasal tayo para sa ating mga dalawa. Makakapunta tayo sa langit kung papayag ka na gagawin natin ang ritwal na ito.”

Nagtataka si Esa. Hindi nawala ang kaba na nasa kaloob-looban niya. Pero nang narinig niya ang salitang “langit”, nag-iba ang naramdaman niya. Sa wakas, may daan na rin patungo sa langit. Pumapasok ang mga katagang iyon sa kanyang isipan na hindi niya maalis-alis.

“’Tay, alam mo. Gusto kong maka-usap si…si Nanay… kasi hindi…hindi ko pa siya nakakausap. Turuan mo ako, ‘Tay. Turuan mo ako para…para makapunta ako…ako kay Nanay… sa langit.”

“Sige, tuturuan kita sa isang kondisyon. Sagrado ang ritwal na ito, Esa. Ang tanging nakakaalam nito ay ikaw, ako, at ang Panginoon. Tayong tatlo lamang. Tayong tatlo lang ang dapat makakaalam nito. Huwag na huwag mong ipagsasabi sa iba dahil hindi na natin mabibisita ang Nanay mo kapag..may ibang nakakaalam sa dasal nating ito.”

“Sige, ‘Tay. Magdadasal na tayo. Pangako…Pangako… hindi ko ipagsasabi sa iba.”

Dahan-dahang tinitigan siya ng kanyang ama. Ilang sandali, hinipan nito ang gasera. Unti-unting nanghihina ang maliliwanag nitong sinag. Unti-unting kumulimlim ang paligid. Pilit lumalaban ang sindi ng gasera. Patuloy ang kerosina sa pagpapabuhay sa sindi. Walang magawa ang gasera. Wala siyang alam. Wala siyang utak. Hindi siya makapag-iisip ng paraan. Hanggang sa pagtataka lamang siya kung bakit gusto siyang patayin. Dahil kailangan kailangan niyang mamatay, sasabay siya sa ihip ng hangin na nanggagaling sa mapuwersang ihip ng ama. Sumabay ang sindi sa malamig ng ihip hanggang sa naghalo na ang munting liwanag sa kadiliman.

“Anak, magbihis ka. Pumunta ka sa tindahan ni Aling Kapra. Bumili ka ng bagong posporo. Ito ang piso. Kung kukulangin… utangin mo na lang… Ipalista mo na… lang… sa kanya. Sabihin mo… babayaran… kinabukasan” , mahina’t naghihikahos na utos ng tatay niya. “Sisindihan…mo uli iyong gasera.”

“O…ho.”

Bumangon.Nagbihis. Inabot ang piso. Mahinang pumanaog sa barung-barong. Bakas sa mukha ang panghihina niya mula sa nobena. Naglalakad siya na parang walang patutunguhan sa makitid na iskinita. Dahil sa dilim ng daanan, nabundol ang kanyang mumunting paa sa malaking bato na nakaharang sa kanyang dinadaanan. Nadapa siya. Sumambulat ang pisong kumkum niya patungo sa maputik at mabahong kanal.

Jessa Mae F. Pangandian

It is just a child's work....

What our minds can imagine, our pens can write!