SELDA

cristina baluyot aying's picture

     Naranasan mo na bang maging bilanggo?  Pakiramdam mo ba ay nakakulong ka sa isang selda at sinisikil ang iyong kalayaan?  Siguro minsan sa buhay natin ay nagkaroon tayo ng pakiramdam ng pagkabilanggo. Maaaring bilanggo tayo ng isang mapait na kahapon o isang masakit na pangyayari na hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin tayo ganap na nakakalaya.  

     Ngunit, gaano nga ba kahirap kung ang mismong pisikal mong katawan ang nakakulong?  Sigurado ako, doble o baka triple pa ang hirap.  Hindi ko man naranasan ay nararamdaman ko ang hirap, ang sakit at mga daing.  Isang taong malapit sa akin ang nasa kulungan at pinagdudusahan ang nagawang kasalanan, na sa palagay ko ay dapat lang naman dahil nga may obligasyon tayo na dapat nating pagbayaran ang anumang nagawa nating kasalanan lalo na sa batas.  Pero sa kabila ng mga kasalanang yon ay hindi natin pwedeng ipagkait sa kanila ang pang-unawa at pagmamalasakit.  Anupaman ang naging kasalanan nila, wala sa atin ang paghusga.

     Unang beses ko yon na makadalaw sa kulungan, sa pagbungad iisipin mong masaya pala, nasa labas ang mga preso, malayang nakakaikot sa loob ng compound, me naglalaro ng basketball, me videoke pa nga.  Para pa ngang fiesta.  Ah, kaya pala recreation time nila at oras ng pagtanggap ng dalaw.  Sari-saring emosyon ang nakikita ko sa mukha ng mga presong nakita ko.  Hindi mailalarawan ang tuwa sa mukha ng mga presong me dalaw, parang saglit na nakakalimutan nila ang tunay na sitwasyon.  Me iba pa nga na nagiging emosyonal pag nakita na nila ang mga kapamilya.  Ngunit mas higit na umagaw ng atensyon ko ay ang mga preso na walang dalaw.  Nakikita ko ang paghahangad sa kanilang mga mata na sana sila me dalaw din.  Sabi nga nila, kakaiba ang lungkot sa loob ng selda, nakakaburyong ika nga.  Me mga nakita pa nga ako na tuluyan ng bumigay ang katinuan.  Ikaw nga ba naman ang makulong sa isang masikip na selda, mainit na nga ay marami pang nagsisiksikan, sabi nga para silang mga sardinas na kahit sa sahig me natutulog.  Pero para sa kanila ay kaya nilang tiisin ang pisikal na paghihirap, ang higit na masakit ay ang katotohanan na malayo ka sa pamilya mo at yong iba nga ay tuluyan ng inabandona.  Labis na pangungulila at pagkasabik ang namamahay sa puso nila at humahawak pa rin sa kaunting pag-asa na isang araw muli nilang makakasama ang mga mahal sa buhay.

     Nakakalungkot mang isipin ay sadyang ganyan ang realidad ng buhay.  Kung may kasalanan ka, may dapat kang pagbayaran.  Sana lang ang bawat isa ay mabigyan ng pagkakataon na maituwid ang mga naging pagkakamali.  Sana rin tayong mga nasa laya ay maging bukas ang isipan na intindihin sila lalo na yong mga presong napagbayaran na ang naging kasalanan sa lipunan.  Sana wag nating iparamdam sa kanila na bagamat nakalaya na sila ay parang nakakulong pa rin sa selda ng turing sa kanila.


kukakk's picture

selda

 

ang paggawa ng kasalanan sinadya man o hindi ay pagsusuko ng kalayaan at karapatan, ito'y napagdudusahan ngunit hindi na mabubura ang lamat na naiwan sa bagay, lugar,sa taong individual man o sa kalahatang napasangkot sa kaganapan... pero totoo rin na wala tayong karapatan na maglapat ng kahusgahan sa kapwa nating mayroong nagawang kasalan sa iba at sa atin. Kasabay ng paglaya ay ang panunumbalik ng kalayaan sa karapatan upang mamuhay na malaya, makisalamuha at maghanapbuhay para magtamasa ng biyayang matagal na naikait sa kanya habang nagbabayad siya ng kasalan sa selda...

Lahat tayo ay isinilang na mabuting tao at pantay pantay, tayo lamang gumagawa sa sarili nating komplikasyon... PEACE!

 

cristina baluyot aying's picture

selda

  tama ka jan.  anupaman ang dahilan ang kasalanan ay kasalanan na hindi pwedeng bigyan ng katwiran.  lahat ng kasalanan ay may katapat na kaparusahan.  maaaring me kasamang pagpapatawad pero magiging ganap lang ang kapatawaran na un, once na napagbayaran na ang mga consequences ng mga nagawang mali. responsibilidad pa rin ng bawat isa sa atin ang pumili kung anong daan ang tatahakin natin.  hindi natin pwedeng isisi sa ibang tao kung hindi man naging maayos ang buhay natin. ang ikagaganda at ikasasama ng buhay natin ay nasa mga kamay pa rin natin.  peace be with you too! thank u for taking ur time reading.SmileSmileSmile