Sementeryo ng mga Buhay (short story--revised version)
Sementeryo ng mga Buhay
Nagmamadali ang mga hakbang ng isang anino mula sa dilim ng gabi. Sa mga gabing nagtatago ang buwan sa kalangitan na tulad nito--sinasamantala ng mga kaluluwang ayaw matulog sa gitna ng nahihimbing na dilim, hindi dahil sa ayaw dalawin ng antok, kundi dahil sa tawag ng matinding pangangailangan.
Sa gitna ng kalunsuran, sa laot ng kaguluhan, sa ingay at maruming usok nito, natatanging ang lugar lamang na ito ang nananatiling tahimik: ang sementeryo. Ngunit sa kasagsagan ng mahimbing na pagtulog ng syudad isang pares ng mga paa sa abuhin at maalikabok nitong paghakbang ay nagmamadaling nagpapasikot-sikot sa bawat nitsong madaanan. Akyat, talon, singit sa mga siwang at hawi sa mga talahib . Sinisiguro ng may-ari ng mga paang ito na wala ni kaluskos man lang siyang malilikha sa pagtahak sa nakabibinging katahimikan sa gitna ng mga nahihimlay nang mga patay.
Kandila lang ang tangan ni Lando, dalawa; sapat na ito upang magbigay liwanag sa kanyang balakin. Saglit muna siyang huminto sa harap ng isang nitso sa sulok ng sementeryo. Nalalambungan ito ng isang malabay na puno kung kaya't ang kakaunting liwanag na nagmumula sa maulap na kalangitan ay hindi makasingit upang sumilay. Tamang-tama para sa kanyang hangarin sa gabing iyon. Saglit na huminga ng malalim ang lalaki, waring umuusal ng dalangin habang itinutulos ang kandilang tangan sa uluhan ng lapida, bagay na nagbigay anino sa ulong nakausli at nakaukit sa gitna ng krus na bato sa unahan ng nitso.
Alam ng lalaki ang dapat niyang gawin, ang kilos niya'y nagpapahiwatig ng kasanayan sa ganitong gawain--walang sinasayang na sandali. Tinungkab niya ang nakausling siwang sa gilid ng maputing nitso, agad na bumigay ang mabuway na bato; kapag daka'y iniluwal nito ang isang butas. Mistulang butas ito ng kabulukan, isang butas na unti unting pinalalaki ng matiyagang pagkutkot patungo sa kailaliman na tanging ang naghuhukay lamang ang may alam kung saan hahantong at kung anong nilalaman sa dulo nito.
***
"Limampiso isa"
"pwede kayang madagdagan ng konti sir? Medyo mahirap kasi nagkakahigpitan ngayon e"
"aba, e kung ayaw mo sa presyo ko sa iba na lang ako lalapit"
"hindi ho sir, sige ako nang bahala-kelan nyo ba kailangan?"
"Sa makalawa sana kailangan na ng buyer ko e, pwede ba?"
"sige sir, may kaunti na rin akong naipon e, isasama ko na iyon-kailangan ko rin kasi manganganak ang misis ko..."
"o, basta ha wag kalimutang gumamit ng agua oxynada, para malinis"
"wala pong problema sir..."
***
May pailan-ilang kaluskos sa paligid, sa mga pagkakataong nakakalikha ng ingay ito, sabay ng tahulan ng mga aso--humihinto si Lando sa pagtutungkab ng nitso. Lumilinga-linga na waring nag-aabang ng may kikilos sa dakong pinanggalingan niya. Alam niyang kakampi niya ang gabi, itatago siya ng ihip ng hangin at maging ang buwan ay nakikisama sa pagtatago nito sa maitim na ulap.
Ilang saglit pa, kasya na ang dalawang kamay niya kung idudukwang sa nalikhang lagusan, hindi na kinakailangang palakihin pa ng husto ang butas. Lampas siko niya ang maliit na lagusan sa kanyang pagkapa sa kung anong nasa loob ng nitso. Waring may mga mata ang kamay na alam kung saan kakapahin ang hinahanap, ilang saglit pa inaayudahan na ng kaliwang kamay ang kanang kamay na siyang gumiya at kumapa sa kanyang dinudukot.
Magkatulong na iniahon ng nakadaop niyang mga palad ang isang bungo. Masangsang ang amoy nito sa iilang bulok na laman na nakadikit dito, maging ang mga lagas na buhok at bakas ng pinagkainan ng mga uod ay mababanaag sa pag-ahon nito mula sa maputing sementadong kahon na kinasasadlakan nito. Inilapag ni Lando ang ulo sa tabi ng nakasinding kandila, noo'y umaagos na ang mga tunaw na luha nito sa ilalim ng sementadong krus. Tanging ang mga rebultong santo at kerubin lamang ang saksi sa gitna ng dilim ng gabi sa panaka-nakang tahulan ng mga aso.
Tagaktak ang pawis ni Lando, sanay na siya sa gawaing ito ngunit sa pagkakataong ito kailangan niya ang pagmamadali, hindi siya gaanong pamilyar sa sikot ng sementeryong ito-hindi niya teritoryo ito. Ang pagtagal sa lugar na ito ang magkakanulo sa kanya sa kapahamakan. Mahigpit ang mga bantay sa sementeryong ito, dangan kasing sila din mismo ang tirador ng mga bungo dito, karibal sa negosyo at malamang sa hindi, makakatabi niya sa iisang kabaong ang nabubulok na kalansay na ito kapag nagkataon.
***
"pass na muna ako pare, medyo di ko na kaya e"
"tang ina ka Lando, kelan ka pa naging uhugin sa inuman? Pangatlong tagay pa lang ito a"
"hindot itong si Lando o, ang aga-aga pa e, takot ka ba sa misis mo?"
"gago! Tanginang ito, manganganak na ang misis ko, e ni pambayad sa Fabella wala pa ako buti sana kung pwedeng ipahugot na lang basta sa albularyo yung anak ko..."
"sige ‘pre, iyo na muna yung isang supot ko, marami-rami din yun ikaw na mag abot kay bossing"
"salamat ‘pre, pero kailangan madagdagan pa e, dyan na muna kayo didiskarte lang ako sa South"
"dre, ingat lang sa mga bugoy ha..."
***
Walang sinayang na sandali si Lando, isa-isa niyang pinitas ang mga ngipin ng bungo sa liwanang ng kandila. Mistulang pumipitas ng mga butil ng mais at masusing sinisipat ito sa liwanag na dulot ng natutunaw na kandila, palinga-linga, kinakabahan. Ang bawat pagpitas ng mga ngipin ay lumilikha ng marahan at malutong na tunog ng tila may kinakagat na isang malutong na pagkain. Kumakapit sa kamay niya ang ilang nalalabing bulok na laman, marahil sa gilagid, o sa dila, o kaya'y sa balat mismo ng nagmamay-ari ng bungo nanggaling. Hindi na kailangang sinuhin kung babae man o lalaki, matanda man o bata ang bungong ito--ang mahalaga, pagkakakitaan ito.
May mga yabag sa likod ng abalang si Lando, marahan at eksakto ang kilos. Ipinagkanulo siya ng kaunting liwanang na dulot ng natutunaw na kandila sa ibabaw ng nitso. Huli na ng malingunan niya ang dalawang aninong papalapit.
"putang-ina ka! Ikaw pala ang nagnanakaw ng mga ngipin ng mga patay dito!"
Sukol si lando, dangan kasing ang pinili niyang pagnakawang nitso ay sa sulok ng sementeryo nakapwesto. Nagtangka siyang tumakbo, ngunit isang matinding bigwas at hambalos ng tubo sa kanyang tuhod ang nagpabagsak sa kanya, tumama ang kanyang ulo sa kanto ng isang nitso-sabay tapon ng isang dakot na ngipin sa kanina lamang ay nakakuyom sa kanyang mga palad.
***
"misis, matagal pa po yan, umuwi muna kayo wala pa pong 3 centimeters ang buka ng sipit-sipitan nyo e"
"hindi ba pwedeng dito na muna ako? Masakit na e di ko na kaya kung uuwi pa ako"
"wala ho kayong pupwestuhan dito, maraming nag-aantay na rin na manganganak, syempre uunahin po natin yung malapit nang manganak-marami ho kayo e."
"hindi ko na ata kaya pa maglakad e."
"asan ba'ng mister nyo? Wala ho ba kayong kasama?"
***
May araw na nang magkamalay si Lando, nakasubasob siya sa damuhan, dama niya ang sakit ng nagdurugong sintido sa pagkakabagok sa nitso, ngunit sadyang hindi niya maikilos ang mga kamay sa pagkakatali nito sa kanyang likuran. Nag-uusap sa di kalayuan ang dalawang lalaki na may sukbit na bilugang baril sa kanyang baywang. Gustuhin man niyang magmakaawa o humingi ng tulong sadyang walang mailabas na tinig ang bibig niyang may busal.
Isang sabunot sa buhok sa batok ang nagpatingala kay Lando sa nakasisilaw na araw ng umagang iyon. Kinaladkad siyang papalapit sa nitsong kani-kanina lamang ay siyang pinanggalingan ng bungo na pinitasan niya ng pang hanap-buhay. Tinatanggal ng isang lalaking payat ang busal niya sa bibig, habang ang isang mamang malaki ang tiyan naman ay nagbunot ng kanyang baril at sabay tutok sa mukha ni Lando.
"sige, kagatin mo ang kanto ng nitso, kagat!"
Nanlaki anag kanyang mga mata, hindi sigurado si lando sa kung anong ibig sabihin ng taong ito na kasalukuyang tumututok ng baril sa kanyang mukha.
Marahil, napansin ng lalaking payat ang pagtataka o pagkagitla sa mukha ni Lando kaya't isang mariing batok ang pinakawalan nito sa kanya.
"tang-ina mo, sabi nang kagat e"
Isunubasob nito ang ulo ni Lando sa kanto ng nitso, hinawakan ang mga panga niya at idinuldol sa kanto ng maputing nitso na noo'y umiinit na dahilan sa sikat ng araw. Nakatutok pa rin sa mukha niya ang baril. Nagsasanib ang dugo, pawis, luha at uhog kay Lando, alam niyang ilang saglit lamang ay kasama na siyang maililibing sa sementeryong ito at pagpipistahan ng mga uod. Nagsasalimbayan ang mga imahe sa utak niya, ang asawa niyang si Melba, ang panganay niyang namatay sa pulmonya sa Ospital ng Maynila, ang mga nag demolish ng bahay nila sa Tondo, ang Warden ng Muntinlupa na naging mabait sa kanya, ang nasaksak niyang Intsik na negosyante.
Umaagos ang laway niya sa katawan ng nitso, sa ilang sandaling pagkakabusangal ng kanyang bibig sa kanto nito. Ngawit man ang kanyang mga panga habang nakatali pa rin sa likod ang mga kamay ay wala siyang panahong magreklamo o indahin ang masakit na posisyong ito, lumilipad ang isip ni Lando sa kalawakan ng pangamba, ng takot at pagdedeliryo.
Halos magdeliryo sa sakit ang babae. Kagat-labi si Melba habang iika-ikang tinatahak ang makipot na daan patungo sa looban, sa mga pagkakataong mas kinakailangan niya ang presensya ng asawa-wala ito. Nanlalamig ang buo niyang katawan kahit tagaktak ang pawis niya...
Tagaktak ang pawis ni Lando, nilalamon ng di matingkalang pangamba ang buong katauhan niya. Nawala ang baril na nakatutok sa mukha niya, nasa likuran lamang niya ang dalawang lalaki, nauulinigan niya paanas na paghakbang ng mga ito sa damuhan, marahan ngunit mabigat. Ayaw niyang lumingon at bumitaw sa pagkaka kagat sa kanto ng nitso-alam niyang ikakagalit nila ito kung gagawin niya.
Ilang mga nagmamadaling trabahador na papasok sa pabrika ang nakakita sa kanyang hirap na kalagayan, ngunit sadyang wala itong panahon tumulong sa isang tulad niya. Isang mariing hilab pa at tuluyan nang bumulwak ang panubigan ni Melba. Napakunyapit siya at napasandal sa poste ng isang saradong pondahan, sa tabi ng basurahang umaapaw ang laman at tampulan ng mga asong-gala sa gabi. Magkahalong tubig at dugo sa kanyang hita. Isang mariin at masakit na hilab...
Isang mariing tadyak sa batok ni Lando ang pinakawalan ng lalaking malaki ang tiyan mula sa likuran. Sargo ang dugo sa tunog ng may nabaling buto, kalat ang mga ngiping putol habang si Lando ay nabuwal na kikisay-kisay at halos mawalan ng malay, duguan ang bibig.
Duguan ang kinatatayuan niya, tuluyan na siyang napaupo sa sakit na naramdaman, umiikot ang kanyang paningin. Sisinghap-singhap siyang pilit tumayo sa pag-aalala sa kasasapitan ng di pa man naisisilang na sanggol. Pagkakita sa daloy ng dugo sa kanyang hita at binti, agad na napabunghalit ng iyak si Melba-taranta, takot, pangamba, habang umaatungal siya na parang bata at pilit nangungunyapit sa kung anong bagay na maabot ng kamay niyang nanginginig sa takot, takot sa kamatayan...
"pasalamat ka hindi ka namin pinatay"
Wala ni ingit na narinig pagkatapos ng isang lagapak ng kumpol na laman sa tabi ng basurahan.
"tara tsip, iwan na natin yan dyan"
Walang kibo si Melba habang inaalalayan ng mga kagawad ng baranggay patungong Heatlh Center.
Walang kibo si Lando sa kanyang pagkakapikit habang nakanganga ang bibig at sa wasak na panga niyang nakukulapulan ng natuyong maiitim na kimpal ng dugo.
END
ay salamat nakawala din ito. inspirasyon mula sa napanood ko sa iWitness ng GMA documentaries
.
ang alam ko malaking pera ang involve dito kaya lang binabarat ng middleman ang bentahan sa mga sepulturero. sa P5 isang ngipin, ang isang tao ata ay may 32 ngipin (di ako sure ha) maka tatlong bungo ka sa isang araw which is mahina pa e di may 32 x 3 = 96 multiply by P5 = P480 ka na not bad for a sideline hehe...hmmm may naisip ako, pwedeng sideline ko ito a hehe...
salamat dyepp sa pagdaan
shocks!
ang ganda naman nito. ang galing ng deskripsyon. tagos sa utak ko.
ang OA ko pero after reading, i was like, wow... kabog!
oks na oks....
ang galing ng pagkakasalarawan mo :-)
Business articles and financial views
http://www.technoconvergingzone.com/
Para sa akin kuya Rom. Nang
Para sa akin kuya Rom. Nang basahin ko ulit ay parang hindi na umakma ang drama sa likod ng babaing nanganganak (misis niya). Alam ko naman na ang punto nito ay para mas-paigtingin pa ang damdamin sa likod ng pangongolekta ng ngipin ni lando sa gabing iyon. Ngunit mas mailalapat mo pa ito sa loob ng kwento ng hindi basta na lamang nakasalampak na lamang. (Papano ba ito ipaliwanag???) Parang larawan ito ni Lando na may may itinagning picture nang isang babaeng nanganganak-- kung sa photoshop dapat "ini-overlay" mo. Ganun?
May kwento akong nabasa na ganito. Dalawang kwento ngunit nailapat ng maayos. Isend ko sayo kung gusto mo. Ano ba email add mo? Kung gusto mo lang kuya. 
Ako lang naman iyan.hehehe
.
onga ako man parang OA na rin sa akin ang may misis na manganganak e, naisip ko rin yun kaya marami akong iniwasang detalye nung isiningit ko yung eksenang yun--bagay na nagmukhang hilaw at sapilitan ang pagpasok sa eksena ng misis niya. parang cliche na yung dahilan, parang "maysakit ang nanay kaya napilitang magnakaw" o kaya "bunga ng kahirapan kaya napilitang ibenta ang katawan"
salamat sa pagpuna dyepp. pwede pang irebisa ito stand alone naman yung ibang eksena e madaling i delete at palitan iisip ako ng mas appropriate na side story sa buhay ni Lando.
send mo yung sinasabi mong istorya sa email ko rom26factolerin@yahoo.com.ph
salamat!
salamat dyepp!
dyepp, nabasa ko na yung inemail mo oks nga. maganda ang parallelism nung dalawang eksenang pinagtagpi. kung ikumpara dito sa gawa ko maganda nga yun kaso magkaiba siguro kami ng layunin kaya ginawa ang ganung istilo. ang akin kasi sinadyang hindi siya itagpi sa kasalukuyang pangyayari--parang detach ba, kaya evident na din yung paggamit ko ng *** bilang panghiwalay sa bawat eksena.
pero nakita ko ang kaibahan at ganda ng isitilo nung pinadala mong kwento, maganda talaga. pwede kong i adapt dito. parang nanonood lang ng sine. hindi lang ako sang-ayon sa ilang detalye nya at sa paggamit ng sobrang lalim na salitang pilipino, magkaminsan kasi nawawala na ang diwa ng makamasang salita kung "scholastic" ang dating ng mga usapan e. mas gusto ko pa rin ang mala-komiks at pang kalye ang dating ng dialogue, para mag focus ang mambabasa sa daloy ng istorya at hindi sa kabubuklat ng diksyonaryo kapag nagbabasa ng kwento ko.
salamat sa tulong dyepp, may napulot akong magandang style ng pagkukuwento sa pinadala mong email.
!
Nakakangilo ng bagang ang kwentong ito. Mangingilo ka kasi mangngingitngit ang iyong mga ngipin sa pagkasuklam sa tauhan sa kwento na mga alagad ‘daw’ ng batas. Magngingitngit din ang iyong ngipin sa kalunos-lunos na ginagawang hanapbuhay o ‘hanap-patay’ ng naghihirap na Pilipino para mabuhay. Tama po ang sinabi ni Aristotle na:
Poverty is the parent of revolution and crime.
Noong pong nakaraang Biyernes ay nagpalabas po ang TFC ng dalawang magkakasunod na programa ng Correspondence bilang paggunita sa Mahal na Araw. Pinakita din po doon ang iba’t ibang hanapbuhay na ginagawa ng tao para mabuhay. Mayroong sumisipsip ng langis na nagmumula sa malalaking barko gamit ang foam at mayroon namang nagtitibag ng batong araal sa kabundukan at kalimitan po ay mga bata ang gumagawa ng ganoong trabaho. Madalas din po na labag sa batas ang hanapbuhay na ito ngunit ang mga nagpapatupad pa ng batas ang nagsusulong sa ganitong klaseng hanapbuhay.
Sabi pa nga po ng isang kinapanayam ng host ng programa: Hindi naman daw sila masisisi na gumawa ng illegal kasi nagpupumilit lang silang mabuhay ay lagyan ng laman ang kanilang tiyan.
Isa pa po pala: Akala ko po kapag patay na ang isang tao ay maaari na siyang payapang matulog, may gumagambala din pala sa kanila.
Ano nga po pala ang gagawin nila sa nakuha nilang ngipin? Ginagawa po ba iyong pustiso?
.
binebenta ang mga ngipin sa mga dentistry students para pag-aralan. kasi ang pag aaral lang daw sa aktwal na ngipin ang mas precise na paraan para ma cross-section nila ito at makita ang tunay na nangyayari sa pagkasira o pagkabulok nito.
ang katwiran ng isang ininterbyung magnanakaw ng ngipin: "buti nga sila patay na e wala na silang alalahaning magutom, sana unawain naman nila kaming mga buhay na kailangang kumain--buti nga di kami nanghoholdap e"
sa isang kumakalam na sikmura--it makes sense. kaso kung kamag-anak mo yung bangkay doon parang napakahirap tanggapin. nakakainis lang na kahit sa ganitong klaseng "hanap-buhay" di nawawala ang monopolyo, kahit na di naman kalakihan ang kita.
.
nakakaawa naman si Lando at ang misis nya. bakit kasi hindi na lang sya humanap ng matinong trabaho. hay,ang hirap ng buhay..
good job kuya! (as always) hehehe
sabi ko na
habang binabasa ko ito, naisip ko ang iwitness. un pala un din ang inspirasyon mo kua.
parang naalala ko iyong mga short story sa paborito kong filipino book nung high school.
galeng kua rom!!! iba talaga ang inspirado
"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."
.
salamat sani
pabito ko kasing pinapanood yung iWitness, galing ng pagkakalahad ng mga true stories. kahapon nga pinapanood ko sa YouTube yung mga clips ng iWitness topic tungkol kay Teddy Diaz--yung pinatay na gitarista ng The Dawn. may impact sa akin ito kasi nga kapanahunan ko nung mamatay sya kasagsagan ng WXB at new wave
sige panuorin ko din yan
new wave dekada 80 and early 90s tama ba kua?
gusto ko rin ang iwitness. malapit sa katotohanan at balanse ang paglalahad ng istorya. hindi slanted....
teddy diaz? check ko nga sya. gusto ko din kasi ang the dawn. kahit si jet pangan lang ang kilala ko. =)
----
wow kua ang galing pala ni teddy diaz.. ang galing.
sayang naman, kinuha sya agad.
"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."
sayang nga e
kitang-kita sa itsura ni Teddy ang impluwensya ni Robert Smith pero iba naman ang style nya sa gitara. oks sana kasi magaling sya mag innovate ng music, classical guitar din kasi ang isang matinding impluwensya nya. 25 lang sya ng mamatay, siguro kung buhay sya ngayon malamang malaki na ang kontribusyon niya sa evolution ng pinoy music. malamang by this time nasa mid-40s na siya bumabalik na siya sa music roots niya at pag ganun mas gumaganda ang at nagmamature na ang tugtog. parang si Eric Clapton.
sayang nga lang e naudlot lahat.
!
oo nga kuya rom, nakakapanghinayang.
wala pa akong nakita leadista (mainstream bands ha, kasi ung mga folkguitarists iba rin eh) d2 na ramdam ang passion sa pagtugtog. iba ang aura niya
nung napanuod ko ang storm concert ng the dawn wow, napawow ako sa galing niya. ginawa niyang violin ang les paule niya!!!
sayang. nakulong ba ang pumatay sa kanya?
"hinahangin ang talulot na malaya, mula sa bulaklak na sinta hanggang sa matabang lupa.. siya ay ligaya, musa ng pagkadakila.."
REVISED VERSION na ito!
matapos ang pag-uusap namin ni Dyepp at ni J. Luna, inayos ko ang ending nito at ilang bagay upang maging konektado ang mga pangunahing tauhan sa kani-kanilang hiwalay na ginagampanang papel.
salamat kay Dyepp at J.Luna malaking tulong ang mga inputs nila.
pakitawag na rin ng aking pansin kung may iba pa kayong puna.
SALAMAT!
hindi ko pa binabasa ulit.
hindi ko pa binabasa ulit. pero nakita ko yung last part, mas maganda yung pagkakalapat. :)
tinagpi-tagpi
yung last part lang actually ang binago ko medyo tinagpi-tagpi ko ng mas masinsin para di magmukhang nakalutang sa ere.
salamat sa pagdaan!
....
(^___^)
Sulit...para kong nanonood ng 24.

Yey! nasa FUDGE magazine na!
peeps! lumabas na sa June-July issue ng Fudge magazine ang short story na ito buy your copy now!
cover page
From Desktop" mce_src="
From Desktop
nasa FUDGE na rin ang mga reviews ni J. Luna
bili na sa national bookstore at 7 eleven mag stand!
" mce_src="
"" hspace="" vspace="" width="" height="" align="bottom" />
WOW!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!!
Im so proud of you kuya!!! Bibili ako nito promise! Yey ang saya naman!!!! Sana lahat tayo makapag submit din dito!!! woohooo!!!
isang malaking CONGRATULATIONS!!! =)
Kuya congrats
Proud na proud ako sa iyo kuya ! Ang galing nakakahanga ka ah, akalain mong pang magazine ka na at take note makintab yung magazine mukhang mamahalin. Hehehehe
Pero tama ka nga mukhang horror yung pcture at malayo sa kwento. Pero syempre nakakatwag pansin pa rin
Congrats uli at magpaburger ka!!
Ingat
Spike
My Personal Blogs:
Mga kahanginan ng utak ko:
http://utaknidrake.blogspot.com/
Kwentong nagbibigay inspirasyon:
Rom, pasensiya na
Rom, pasensiya ka na kung naririto ako sa entry mo. Hindi ko kasi mapalalampas ito.
Ito ang matagal ko nang sinasabi: Na dapat ikalat ng mga manunulat ang kanilang mga akda sa iba't ibang mga printed publications kasi:
1. Kapag nalalathala ang isang manunulat sa isang printed material, isang korona iyon sa kanyang talento. May talento siya, kaya pumayag ang mga editor na ilathala siya. Sa dinami-dami ng mga writers diyan, siya pa ang napili!
2. Sa bawat nalalathalang akda, nakapagtatatag ang manunulat ng karera at pangalan sa larangang ito.
3. At iba siyempre ang tamis na matunghayan ang sariling pangalan at sariling akda sa isang bagay na nakalimbag, nasasalat ng mga kamay, at paulit-ulit na nakikita kahit pa may brown-out.
Masarap sa pakiramdam, ano: published writer.
BINABATI kita, Rom.
Taos sa puso iyan.
At sana, masundan ito ng isa pa ... ng isa pa ... ng isa pa ... ng isa pa....
Salamat sa pagbati Alex
sa totoo lang wala talaga akong intensyong "ikalat" ang kwentong ito, ang ibig ko sabihin sa ikalat ay pagkakitaan. kasi di naman talaga tayo kikita ng kwento-kwento lang. tama ka sa isang punto na dapat maraming makabasa ng isang akda upang mahusgahan kung maganda o pangit ito.
ang akin lang siguro, bakas pa nung mga nagdaang palitan ng paliwanangan natin ay ang paghahanap ng tamang behikulo na kakarga ng mga gawa ko. hindi sa pagmamayabang (kasi wala pa naman akong ipagmamayabang) hanggat maaari ayokong mapunta ang mga gawa ko sa mga tradisyunal na lathalain. hindi sa minamaliit ko ang mga institusyong nariyan na at nagsilbi ng mahabang panahon sa literatura. Siguro ako lang ito sa pakiramdam na hindi sila akma sa panlasa ko. mas personal pa siguro ang dahilan kaya ganun.
at syempre naghahanap pa din ako ng room for improvement kung yung mga hinahangaan ko sanang manunulat ang kakatay ng gawa ko. masarap man ang pakiramdam ng "published writer" gusto ko pa ring ma achieve ang katawagang "sensible writer" na siyang pinagsusumikapan ko pa rin hanggang ngayon.
salamat sa comment mo.
Hindi tayo talaga
Hindi tayo talaga magkakasundo sa kung aling babasahin ang dapat padalhan. Pero, kanya-kanya ngang mga opinyon iyan. Igalang na lang natin ang mga sari-sariling pananaw sa bagay na iyan.
"Published writer" at "sensible writer", alinman sa dalawa, masarap talaga sa pakiramdam iyan, lalo na pag published.
***
Buti naman at hindi na tayo nagbabangayan ngayon. Sana maging daan ito ng pagbabati na natin.
.
hindi naman makitid ang isip ko alex, basta ba huwag mo lang ako isasama dun sa TBW in FW mo oks tayo.
kung iisa ang layunin nating paghusayin ang alam natin sa pagsusulat at the same time makisama sa pagpapahusay ng site na ito wala tayong pag-aawayan.
kung meron man akong puna sa iyo siguro sa contact form ko na lang ng FW ipadadan kung kayang ma access.
sobrang dami na ng tao dito sa FW na gumagawa ng kalokohan sa ngayon, ibat-ibang identity na akala mo di niya kayang gawin pero nagawa niya, kaya't anumang kabawasan sa bangayan ay makabubuti. pero siyempre ang tunggalian minsan ay di iniiwasan--pinapalabas kasi nito ang tama sa mali, yun ay kung marunong umamin ng pagkakamali ang may mali at magtama.
salamat
aba!
A Collection of Short Stories-Jonsdmur
pumalakpak tenga ko heheheeheh
at dahil nagkabati na kayo.... alex, di na mag aalinlangang pumunta sa grand eb part 2 heheehehehe
saludo ako sa inyong dalawa!

jons
this made me proud...
talaga namang gaganahan ka kapag ganito. congrats kuya roms, hope una pa lang yan sa mga malalathala. Ako ang pangarap ko lang ay marinig at tangkilikin din ng iba - pero kung malalathala mas higit ko itong ite-treasure.
salamat sa'yo na isa sa mga inspirasyon ng bawat isa ditong nagnanais na sumulat din - gaya ko.
.
darating ang panahon natin noel, kailangan ng marinig ang mga sasabihin natin e. may inaayos akong mga bagay tungkol dyan at kasama kayo doon. sama-sama tayong magpapahayag sa pamamagitan ng kwento, at mababasa din tayo. tyaga lang at aral palagi. pinakamabisa ang magbasa ng magbasa ng gawa ng iba at mag develop ng sariling istilo.
salamat!
Yo Salamat sa pagpasa ng short story Rom. Next time uli.
astig
Minsan lang po ako magbasa
Minsan lang po ako magbasa ng short story, pero naagaw po ang atensyon ko sa isang ito. Magaling po ang inyong pagkakagawa, inaabangan ko po ang bawat susunod na mangyayari sa kwentong ito.
Ipinapakita sa kwentong ito ang kahirapan ng buhay at pag-iisip ng paraan para kumita, ngunit sa maling paraan. Kapupulutan ng aral.
Napadaan lang po.
Goodluck po and God Bless!
Goodluck po and God Bless!
Congrats, kuya
Congrats, kuya Rom!
Sensya na hindi ako makakabili ng Fudge. Ang mga magazine lang galing Pinas na meron dito ay showbiz at FHM Phils.
http://katya14.multiply.com/journal
Sa mga gusto ring ma-publish ang katha sa Fudge...
Yo,
Para sa mga gustong magpasa ng katha sa MindFudge ng FUDGE MAGAZINE....
Paki-email lang sa sakin ang mga short story, tula o artwork.
Magtiyayaga akong mag-screen at magbasa ng mga katha ninyo...
OO NGA PALA: BAWAL ANG KILIG AT LOVE LOVE PRECIOUS HEARTS SHIT..
Pasa lang sa:
Kahit anong artwork, pero
Kahit anong artwork, pero mas preferred ang digital para puwedeng ipadala by e-mail...
Most of the time kung walang story o poem na lumalabas sa MindFudge, artwork lang ang pini-feature.
Email mo si Jen ng art works mo.
Sa mga gusto pang magpasa ng short stories...
Max na ang 800-1800 words.
Jonds, bawal ang erotica (remember, hindi kasing liberal ng Rogue ang Fudge...Pero liberal ang fudge in a way na puwede ang tagalog articles, pwede ang cuss words o sex themes pero in context at kaunti lang dapat.)
Noel B, ang haba ng mga pinasa mo halos 5000 words hehe. PAng UP Likhaan Journal na e.
pitik
Last year, nung mabasa ko ang kwentong ito. Subrang lupit...
parang tinigil nito ang oras nang ilang segundo. matapos ko kasi basahin, pinakiramdam ko ang lahat ng pandama sa katawan. kung giniginaw ba o naiinitan, kung nagugutom ba o nauuhaw.. basta may kakaiba.
siguro kasi maybago sa panlasa ko, yun bang kakaiba sa karaniwang nang nababasa at may dalang pitik sa pandama.
rom, salamat sa ubra at mabuhay ka!
maraming salamat sa muling
maraming salamat sa muling pagbasa. biruin nyo mag-iisang taon na rin pala ang kwentong ito bunga ng isang matinding urge na magsulat sa gitna ng paggising sa madaling araw. muntik ko nang mapalampas ito nung unang sumagi sa isip ko at kumati sa utak ko. buti na lang pinatulan ko at tinipa ko agad.
salamat muli sa pagtangkilik.




















Maganda ang pagkakahabi ng
Maganda ang pagkakahabi ng kwento. Tatak ng mga gawa mo. Isa lang napansin ko, para namang napaka-cheap ni manong Tsip. Alam ko eh barya-barya lang kikitain niya diyan. Masmahirap pa na trabaho. Samantalang sa kalsada ay isang kaway lamang sa drayber ng dyip ay instant money na.
*ang komento sa kung papano ito inilahad ay sa pangalawang basa na lamang.
http://dyeppri.wordpress.com/