seventh heaven

incubus's picture
|

wala akong magawa……

buti na lang umulan 

niyakap ng madilim na ulap

ang nilalagnat na araw 

ang makulay at tusok-tusok na saklob ay nagkaroon ng puwang

sa nagpumilit sumabay sa uso 

binuhay ng mga kiti-kiti

ang lampayatot na mga kuko ng bumbay

na maniningil sana ng pautang

nagkamalay din ang payong na kanina nya pa sakbit-sakbit 

tinalo ng malakas na hagikhikan ang dagundong ng kulog

pinagbuklod na naman ang mga paslit

wala talagang tatalo sa bangkang papel ni Pedro sa karera

wala rin naman makakauna kay Celia kung paglubog ang punterya

pero mas malupet sya dahil mabilis nya itong napapalitan 

nariyan na naman ang panginginig ng aking katawan

ang sunod-sunod na patak ng ulan

ay sumasabay sa pagtibok ng  lahat-lahat sa akin

at ako’y bahagyang napadungaw sa umingit na lagusan

ang nangingiming pagsasanib ay naganap na

inuusal ang dasal…

ang dasal ng paghihintay

paghihintay sa muling pagbabalik 

wala din naman akong magagawa,

salamat na rin at umulan

 

 

interpretasyon?

incubus