SI DYONYUR AT ANG KALABAW NA DI NAKAPAG-ARAL
Normal 0 false false false EN-US X-NONE X-NONE MicrosoftInternetExplorer4 st1\:*{behavior:url(#ieooui) } /* Style Definitions */ table.MsoNormalTable {mso-style-name:"Table Normal"; mso-tstyle-rowband-size:0; mso-tstyle-colband-size:0; mso-style-noshow:yes; mso-style-priority:99; mso-style-qformat:yes; mso-style-parent:""; mso-padding-alt:0in 5.4pt 0in 5.4pt; mso-para-margin:0in; mso-para-margin-bottom:.0001pt; mso-pagination:widow-orphan; font-size:11.0pt; font-family:"Calibri","sans-serif"; mso-ascii-font-family:Calibri; mso-ascii-theme-font:minor-latin; mso-fareast-font-family:"Times New Roman"; mso-fareast-theme-font:minor-fareast; mso-hansi-font-family:Calibri; mso-hansi-theme-font:minor-latin; mso-bidi-font-family:"Times New Roman"; mso-bidi-theme-font:minor-bidi;}
NANG magtapos ako ng elementarya, alam kong katapusan na rin ng pag-aaral ko. Sa baryo namin sa San Isidro, wala pang pamilya ang nakapagpapadala sa bayan ng Sta. Maria upang magpatuloy ng pag-aaral sa mataas na paaralan.
Malayo sa bayan ng Sta. Maria ang nayon ng San Isidro. Halos isang araw ang kailangan mong gugulin upang makababa ng bayan. Tatahakin ang masukal, makipot at maputik na daan bago marating ang lugar kung saan naroroon ang lubak-lubak na kalsadang dinaraanan ng iilan at lumang mga dyip.
Kung panahon ng tag-araw, maalikabok sa kalsada, at kung tag-ulan naman, nagpuputik at hindi madaraanan ng dyip. Tanging ang mga kalabaw na may hilang paragus ang ginagamit ng mga tao upang mabuhat ang mga pinamiling pagkain mula sa bayan.
Karaniwan lamang ang buhay ng mga tao sa San Isidro. Kuntento na ang kumain ng tatlong beses sa isang araw. Katuwiran ng mga tao, sapat nang nakakasulat at nakakabasa. Hanggang elementarya lamang ang hantungan ang pangarap na edukasyon ng karamihang magulang sa San Isidro para sa mga anak.
Bago ako magtapos ng elementarya. Isinama ako ng aking guro, kasama ng sampu pang kapwa ko magsisipagtapos sa San Isidro. Dadalo daw kami ng isang orientation program na ibibigay ng Mataas na Paaralan ng Sta. Maria.
“ Para saan naman ang programang iyon?” Tanong ni Tatay.
“ Laan daw po ang programang ganoon para sa tulad naming magsisipagtapos sa elementarya,” paliwanag ko. “ Paghahanda daw po iyon para sa mga mag-aaral na magpapatuloy ng pag-aaral sa hayskul,” dagdag ko pa.
Napabaling sa kinauupuan ko si Tatay, matama nito akong pinagmasdan.
Nahikayat ako ng titser ko sa elementarya na magpaalam sa aking mga magulang na ipagpatuloy ko ang pag-aaral sa hayskul. Hindi ako umaasa na papayagan ako ni Tatay, dahil alam ko, noon pa man, tinangka na rin ng tatlo kong panganay na mga kapatid na hingin ang pahintulot ni Tatay na makapag-aral ng hayskul. Subalit, sa pag-aasawa lamang humantong ang mga kapatid ko.
Katuwiran ni Tatay, ang kalabaw nga, tumatanda na hindi nakapag-aral. Hindi daw namin kailangan ang mataas na pinag-aralan sa San Isidro. Kailangan lamang daw, matutunan namin ang paghawak ng araru, ang paglilinis ng mga damo sa taniman, ang pag-aalaga ng mga pananim, ang pagpapalaki ng mga manok at baboy, sa pamamagitan daw noon, tahimik at masayang mabubuhay ang aming magiging mga pamilya.
Masipag nga si Tatay. Laging sapat ang pangangailangan namin sa pagkain. Hindi kami nawawalan ng nakatabing palay sa kamalig. Marami rin kaming alagang manok at baboy. Apat na kalabaw din ang katulong namin sa bukid at may gatasan din kaming tatlong inahing baka. Sa San Isidro, isa ang pamilya namin sa masasabing may kaya sa buhay.
Bilang ama at asawa, bantayog ko si Tatay. Subalit noong dumalo kami ng orientation sa Mataas na Paaralan ng Sta. Maria, may ibang natanaw ang isip ko, may ibang hinangad ang damdamin ko, dahil sa mga pananalitang narinig ko mula sa mga panauhing nakapagtapos ng mataas na edukasyon, hindi lamang sa hayskul kung hindi, sa mas mataas pang edukasyon.
Tila may kung anong daigdig na nabuksan sa isipan ko ang mga mensaheng narinig ko. Waring may bagong mundong hinangad kong marating.
Nagkaroon ng panibagong hugis ang lugar na gusto kong puntahan.
Hindi na ako naaaliw sa paliligo sa ilog.
Wala na rin akong excitement na nadarama sa tuwing nakasakay ako sa kalabaw.
Naglaho na rin ang interes ko sa panghuhuli ng mga pugo sa parang.
Pamimitas ng manamis-namis na bayabas na ligaw.
Isa lamang ang nais ko, ang pahintulutan ako ni Tatay na makapagpatuloy ng pag-aaral sa bayan.
“ Akong bahala, kakausapin ko ang Tatay mo,” pangako ni Nanay.
Isang umaga, ginising ako ni Nanay.
“ Bilisan mo, maligo ka at magbihis, uuwi tayo ng bayan,” utos ni Nanay.
“ Mamimili po ba tayo ng mga gamit dito sa bahay?” Pupungas-pungas pa akong tanong ko kay Nanay.
“ Hindi, ipapalista kita sa Mataas na Paaralan ng Sta. Maria,” balita ni Nanay.
Napamulagat ako. Hindi makapaniwala sa aking narinig.
“ Talaga po?” Bulalas ko.
“ Oo, sige na bilisan mo, baka magbago pa ang isip ng ama mo,” pahayag ni Nanay at lumabas na pintuan ng kuwarto ko.
Mabilis akong lumabas ng silid.
Sa sala ng bahay, nakaupo si Tatay habang tahimik na inaayos ang binhi ng mais na nakalagay sa bilao.
Lumapit ako sa kinauupuan ni Tatay.
“ Salamat po Tatay,” panimula ko. “ Hayaan mo, ipakikita ko sa inyo, ako ang kauna-unahang kalabaw na makapagtatapos ng hayskul dito sa San Isidro,” may halong pagyayabang na wika ko.
Ibig ko lamang libangin ang Tatay. Nais kong ipabatid sa kanya na hindi siya nagkamali ng pasiya na pahintulutan akong magpatuloy ng pag-aaral.
“ Galingan mo, kailangan mong magsapatos sa bayan. Baka pagdating ng panahon, hindi ka na marunong umapak sa lupa,” paalala ni Tatay.
Naging paksa sa buong San Isidro ang pagpapaatuloy ko ng pag-aaral sa bayan.
“ Mataas ang pangarap ng anak ni Tata Isko, balak pa yatang maging titulado,” bulong ng isang matandang babae nang dumaan kami ni Nanay.
“ Ang sabihin mo, magkakaroon tayo ng kababaryong propesyunal…baka dumating ang panahon, magkaroon na tayo ng doktor dito sa San Isidro,” naulinigan kong wika pa ng isang babae.
Sa isang kamag-anakan ni Nanay ako nakipanuluyan sa Sta. Maria. Sinikap kong mag-aral ng mabuti. Ang mga aklat na ni hindi ko man lamang nakita sa San Isidro ay sinikap kong basahin.
Kapag weekend umuuwi ako ng San Isidro. Subalit ng lumaon at naging abala na ako sa pag-aaral, si Nanay na lamang ang umuuwi ng bayan upang dalahin ang aking mga kailangan.
Hindi ako nagpahuli sa mga kamag-aral kong taga-bayan. Nakipagtagisan ako sa anumang larangan.
Hindi ko man nakamit ang pinakamataas na karangalan noong magtapos kami ng hayskul, kasama naman ako sa nangunguna sa klase, at higit sa lahat naipasa ko ang scholarship sa isang unibersidad sa Maynila.
Malaking handaan ang sumalubong sa akin nang bumalik ako ng San Isidro matapos ang aming graduation sa hayskul.
“ Ang ama mo ang may plano ng lahat,” pagtatapat sa akin ni Nanay.
Labis na kaligayahan ang nadama ko nang malaman kong pinagdiriwang din ni Tatay ang pagtatapos ko sa hayskul.
“ Tatay! Tapos na po ako ng hayskul…at hindi lamang iyan, apat na medalya ang ibinabalik ko sa inyo,” pagmamalaki ko.
Kinamayan ako ni Tatay. Bagaman at hindi nagsasalita si Tatay, alam ko kung anong nasa kalooban niya, alam kong ang katuparan at kaligayahan na nadarama ko nang mga sandaling iyon ay nadarama rin niya.
Agad na iginawa ng kuwadro ni Tatay ang aking diploma at isinabit sa pinakagitnang bahagi dingding sa aming sala. Ang apat na medalya ay isinabit niya palibot ng aking diploma.
“ May diploma na ang kalabaw ninyo Tatay, hindi lang diploma, may medalya pa,” pagmamalaki ko kay Tatay.
Ngumiti lamang si Tatay. Hindi masabi sa akin ang tunay na nasa kanyang kalooban. Ngunit kilala ko na ang ugali ni Tatay. Alam ko kung paano siya masaya. At sa masinop niyang pagkakabit ng akin diploma at medalya sa dingding, alam kong labis ang kaligayahan niya sa tagumpay na nakamit ko sa bayan.
Halos buong baryo yata ang dumalo sa blow-out na ginawa ni Tatay para sa akin. Tatlong malalaking baboy ang kinatay. Marami ring regalo ang natanggap ko mula sa aking mga kababaryo. Alam kong lahat sila, maligaya sa tagumpay na nakuha ko.
“ Hindi na kita hahadlangan pa anak. Nasimulan mo na rin lamang ang pagtahak sa landas patungo sa iyong pangarap, nasa likuran mo lamang kami ng Nanay mo,” pahayag ni Tatay nang sabihin ko sa kanya ang nakuha kong scholarship sa Maynila.
Maraming umasa sa San Isidro na makatatapos ako ng mataas na kurso sa Maynila.
“ Magkakaroon na tayo ng sariling doktor,” wika ni Mang Tomas na kumparehin at kasama-sama ni Tatay sa bukid.
“ Si Dyunyor ni Tata Isko ang kauna-unahang abugado dito sa San Isidro,” Ayon naman kay Aling Maring, kumare at kapit-bahay namin.
“ Baka naman magkaroon na tayo ng sariling pari sa kapilya, hindi na natin kailangan pang umuwi ng Sta. Maria upang sumimba,” pahayag naman ni Lola Anang, ang matandang taga-pagdasal sa kapilya namin tuwing pista ng San Isidro.
“ Kapag ganyang matalino, dapat na inhenyero iyan, para naman maipagawa na ang kalsada dito sa atin,” agaw naman ni Tata Masyong, malapit na kamag-anakan ni Tatay.
“ Baka naman dumating ang panahon Tata Isko, magkaroon ka na ng anak na meyor na bayan ng Sta. Maria?” Pabirong lahad ni Tatang Uro, manghihilot ng San Isidro.
Subalit matagal nang nabuo sa isipan ko ang kursong ibig kong tapusin sa Maynila.
Hindi man magsalita si Tatay, nadarama ko ang kanyang kalungkutan sa gagawin kong pagluwas ng Maynila.
“ Akala ko, masusundan ninyo ako sa akin sariling pangarap. Dyunyor, isa lamang naman ang pangarap ko sa inyong magkakapatid, ang mabuhay tayong sama-sama dito sa San Isidro,”pagtatapat ni Tatay. “ Alam kong ang ambisyon mo ang magiging dahilan ng paglayo mo sa amin,” dagdag pa ni Tatay.
Noon ko lamang naunawaan kung bakit ganoon na lamang ang paghadlang ni Tatay sa aking mga panganay na kapatid.
“ Ngunit tama ka, may mga sarili rin kayong pangarap sa buhay, pangarap na hindi ko maaring maipagkaloob sa inyo,” mababa na ang tinig ni Tatay. Damang-dama ko ang labis na kalungkutang kanyang nadarama.
“ Hinding-hindi ako ilalayo ng pangarap ko sa inyo Tatay,” pangako ko. “ Makikita ninyo, sa pagbabalik ko, magkakaroon na kayo ng kalabaw na propesyunal, kalabaw na titulado,” pagyayabang ko pa.
Ngumiti si Tatay.
“ Dyunyor talaga kita,” ayon kay Tatay at mahigpit niya akong niyakap. “ Tandaan mo ha, saan ka man makarating, lagi mong ilagay sa isip mo, manatiling nakaapak sa lupa ang paa mo,” paalala ni Tatay.
“ Kahit nakasapatos na ako palagi Tatay, nanatili pa ring nakaapak ang paa ko sa lupa. Taga-San Isidro yata ako,” pagmamalaki ko kay Tatay.
Matuling dumaloy ang panahon. Natutunan ko ang uri ng buhay sa loob ng unibersidad.
Nasa ikalawang taon na ako sa kurso kong malikhaing pagsulat, ipinasiya kong lumipat ng kurso.
Limang taon ang ginugol ko upang makatapos ng isang kurso.
Muli akong nagbalik sa San Isidro. Kung paano ipinagdiwang ni Tatay ang pagtatapos ko noon sa hayskul, halos ganoon din ang kalaking handaan ang nadatingan ko sa San Isidro, dahil bukod sa pagbabalik ko, pista din ng Patron.
Isang programa ang inihanda ng mga taga-San Isidro para sa akin.
“ Bilisan ninyo ang pagbibihis, baka mahuli tayo sa programa,” ayon kay Nanay.
Kapwa kami naka-barung Tagalog ni Tatay.
“ Anak, pangalawang beses ko lamang makapagsusuot ng ganitong damit,” pahayag ni Tatay na halatang asiwa sa suot. “ Noong kasalin kami ng Nanay mo, sa simbahan lamang ako nagsuot ng ganito.”
“ Tatay, nakakahiya naman kung basta na lamang tayo pupunta sa programa. Balita ko, pati ang meyor ng Sta. Maria, panauhin sa programa.” Wika ko.
Nakaupo ako sa pagitan nina Tatay at Nanay sa bangkong nakalaan talaga para sa aming tatlo. Nakasulat sa harapan ng entablado ang pangalan ko. Isang pagpaparangal para sa akin ang sadyang inihanda ng mga taga-San Isidro.
Halos lahat na yata ng mga tao sa San Isidro ay dumalo sa nasabing programa.
Ilang sandali lamang, tinawag na ang pangalan ko para sa aking talumpati. Tumayo pa si Tatay nang tawagin ang pangalan ko at walang tigil sa malakas na pagpalakpak.
Saglit na katahimikan ang bumalot sa buong paligid nang makatayo ako ibabaw ng entablado. Lahat ng mga mata’y nakatuon sa akin.
“ Mga taga-San Isidro, ngayong araw, nagbabalik sa piling mo ang isa sa iyong mga kalabaw!”Panimula ko.
Idinako ko ang paningin kay Tatay. Tumango siya sa akin at ngumiti.
Nagpatuloy ako sa akin pagsasalita.
“ Nagpapasalamat ako sa pagpaparangal na ginawa ninyo sa akin. Sabi ni Tatay noon sa akin, ang kalabaw daw, tumatanda, hindi nakapag-aral, ngunit sabi ko sa kanya, baka hindi ako tumanda, kapag hindi niya ako pinayagang makapagpatuloy ng pag-aaral sa bayan. Mabuti naman, sa tulong ni Nanay, pinayagan niya akong makapagpatuloy ng pag-aaral.”
Nanatiling nakikinig ang mga tao. Pakiwari ko, bawat katagang sasabihin ko’y kanilang hinihintay.
“ Bago ako noon lumuwas ng Maynila, sabi sa akin ni Tatay, ilalayo daw ako sa kanya ng akin ambisyon…ilalayo daw ako ng akin mga pangarap, aagawin daw ako ng lungsod kay San Isidro. Subalit nagkamali si Tatay, pansamantala lamang ang paglayong ginawa ko sa piling nila ni Nanay, pansamantala lamang ang ginawa kong pagtalikod kay San Isidro, dahil tinapos ko ang kursong BS Agriculture, isang magsasakang propesyunal. Alay ko sa inyong lahat ang karunungang natamo ko sa aking pag-aaral.”
Nagpalakpakan ang mga tao.
Nang makauwi kami ng aming tahanan.
“ Akala ko, mananatili ka sa lungsod,” panimula ni Tatay.
“ Maganda sa lungsod, moderno, maunlad. Ngunit naririto sa San Isidro ang puso ko, kaya magtapos man ako ng mataas na kurso at magtrabaho sa malaking kompanya sa Maynila, hindi pa rin magiging ganap ang kaligayahan ko Tatay. Ako pa rin ang kalabaw mo, kaya nga lamang, matalinong kalabaw, alam ko kung paano mapapaunlad ang bukiring ipinamamana ninyo sa amin,” patuloy ko.
Noon ko lamang nakita ngumiti si Tatay, ngumiti ng walang anumang pangamba na aagawin ako ng modernong lungsod. Ibig kong makasama ang kalabaw na hindi nakapag-aral sa nalalabing panahon ng aming pagsasama.
Salamat!
Thank sa comment. Gusto ko lang balikan ng bawat Pilipino kung saan tayo nagsimula, dahil doon, maari tayong muling kumilos para sa ikabubuti ng marami hindi ng para sa ating mga sarili lamang.
yeah tama po...wala na akong
yeah tama po...wala na akong ibang masabi hheheh...ang umiyak nalang ang nagawa ko


ang galing naman ... iyak
ang galing naman ... iyak ako ng iyak habang binabasa ang kwento mo. grabe... nasundot mo naman ang puso ko.. simple pero malupeetttt!!!!!! :)