Si Ka Amboy at si Ogag

| |

 

KAPAG dumaan na sa harapan ng bahay namin si Ogag, makatitiyak na kasunod nito si Ka Amboy, bitbit ang mga plastic na may lamang kaning-baboy na kinuha nito sa pagkakasabit sa mga bakod o kaya nama’y sa may gate ng mga nakatalaytay na bahay papasok ng daang-riles. Sa gulang na animnapu’t lima, malakas pa si Ka Amboy. Maliksing kumilos at tila laging nagmamadali ng paghakbang sa lubak-lubak na daan papasok ng daang-riles.          
          Ang daang-riles ay sakop ng Barangay Lorenzo Ruiz na sakop ng bayan ng Tabing-Lawa. Patay na riles ang tawag ng marami. Dati raw ginagamit ang daang-riles ng mga bagon na humahakot ng mga tubo mula sa Batangas hanggang sa Canlubang. Subalit dahil sa matagal nang hindi nagagamit ang nasabing riles, at wala na ring bakas ng mga trabisya at bakal na gamit sa riles, napuno na ng mga bahay ang tig-kabilang bahagi ng riles. Squatters na maituturing ang mga tao sa nasabing lugar. Ang kinatatayuan ng kani-kanilang bahay ay nabili nila ang karapatan sa mga dating nangangalaga at nagtatanim sa binakanteng riles.           
      Kung ihahalintulad si Ka Amboy sa mga kalalakihang naninirahan sa daang-riles, malayung-malayo ang agwat ni Ka Amboy. Karamihan sa mga kalalakihan sa lugar ay walang trabaho. Sa umaga, ang mga kalalakiha’y kasama sa umpukan ng mga kababaihan na wala na ring pinagkaiba. Ilang minutong huntahan. Buhay ng ibang tao ang paboritong paksang pag-usapan. Kung tutuusing nga, tila alam na alam ng mga tao sa lugar namin kung may bigas pang mailuluto ang isang pamilya, o kaya nama’y bantayan ang pagdaan Meralco o kaya’y Water District na puputol sa linya ng kuryente o tubig. Paboritong tapik sa mga taga-daang riles na may pumasok na problema sa isang pamilya, dahil ‘yon ay isang malaking paksa sa umpukan.           
      Iba naman si Ka Amboy, hindi siya isa sa mga squatters na nakatira sa daang-riles. May malaki at konkretong tahanan si Ka Amboy sa labasan. Subalit mas madalas na nasa maliit na kubo nakatira si Ka Amboy. Isang malaking lote ang nabili niya ang rights at ginawang piggery. Ang mga alagang baboy ni Ka Amboy ang pinaglalanan niya ng mga kaning-baboy na nanggagaling sa mga bahay sa daang-riles.           
      Malapit lamang sa tahanan namin ang kanyang kubo, kaya alam kong hindi lamang mga baboy ang kanyang inaalagaan. Hindi rin mabilang ang puskal at mga askal ang kasamang naninirahan ni Ka Amboy sa loob ng kanyang piggery.           
      Si Ogag ang pinakamatandang asong matapat kay Ka Amboy. Minsan, naitanong ko kay Ka Amboy kung ilang taon na si Ogag. Isa lamang si Ogag sa natitirang matandang aso sa daang riles. Karamihan sa askal sa aming lugar, hindi nagtatagal ang buhay. Sa oras na lumaki na ang mga ito at maari nang pulutanin ng mga sunog-baga, makikita mo na lamang na nakahain na sa harapan ng mga mag-iinom katabi ng marka-demonyo.           
      Subalit mas madalas, inaabangan ng mga may alagang aso ang dumaraang tricycle sa daang-riles. Isang lumang tricycle na may tila hawlang nakapalibot sa loob. Kulungan ng mga asong ipinagbibili ng mga may-ari kapalit ng maliit na halaga. Madalas nga, sa oras na nagkakagulo na ang mga aso sa daang-riles, maririnig ko na ang pagutput ng tricycle, ibig sabihin lamang noon, dumarating na naman ang kulungang kinatatakutan ng mga askal.“ Kung tao si Ogag, siguro nitong nakaraang Sabado de Gloria, natulian na siya,” pabirong sagot ni Ka Amboy.           
      Ibig sabihin, mga doce años na daw si Ogag.Natatandaan ko si Ogag. Dahil alam kong ito ang pinakasigang aso sa daang-riles. Sa oras na matanawan na ng mga kapwa askal si Ogag, bahag na ang mga buntot at mabilis na magtatago sa mga amo.           
      Hindi lamang siga si Ogag noon. Mabalasik din ang lahi nito. Mula papasok ng daang-riles, hanggang sa pinakadulo, may mga askal na mapapansin ang lahi ni Ogag. Dikit sa balat ang kulay-abong balahibo, mahaba ang patulis na buntot, at ang dalawang taynga’y tila tatsulok na nakatutok pataas.           
      Madalas ko nga’ng maisip, ilang sunog-baga na kaya ang pinaligaya ng mga lahi ni Ogag? Ilang lahi na kaya ni Ogag ang nagbigay ng isang kilong bigas at dalawang supot ng instant noodles ng mga pamilya sa daang-riles? Parang gusto kong isama si Ogag sa panalangin ko na sana, marami pang inahing aso ang makastahan ni Ogag, nang sa ganoon, may mailagay sa sikmura ang pamilya ng mga tambay na kalalakihan sa aming lugar.           
      Dahil nga sanay sa rambol si Ogag. Makikita ang mga tanda ng pakikihamok sa katawan nito. Tila mga simbolong bumabalot sa kanyang katawan upang ipakita sa kapwa niya aso na siya ang tinitingalang askal sa daang-riles.           
      Bagama’t siga si Ogag sa kapwa askal, isang kabalintunaan naman ito sa turing ni Ogag sa mga tao, lalo na sa mga bata. Mabait si Ogag. Wala akong nabalitaang kinagat o kaya’y hinabol man lamang na tao si Ogag. Sa daang-riles, hindi uso ang bakuna sa aso. Kapag may nakagat, sagot ng may-ari ang pagpapaturok. Madalas nga, pinipera na lamang ng mga nakakagat ng aso sa lugar namin. Tanggal daw ng marka-demonyo ang rabis na makukuha sa kagat ng aso. Madalas naman, mga sunog-baga ang nakakagat ng aso. Parang totoo nga ang kasabihan na galit lamang ang aso sa taong kumakain sa kanila. O mas angkop na sabihing, galit ang aso sa kapwa aso, mas malala pa, galit ang mga aso sa mga magnanakaw at sanggano.Minsan, nasabi ko kay Ka Amboy, mabuti’t hindi napapagtripan si Ogag ng mga sunog-baga. Gawin bang asusena? Kahit matanda na si Ogag, tiyak na hindi sasantuhin ‘yan ng mga matakaw sa laman ng aso.           
       “ Subukan lang nila,” may babalang pahayag ni Mang Amboy. Para bang sa oras na may gumalaw kay Ogag, handa si Ka Amboy na manirahan sa National Bilibid Prison.
      “ Mas may tiwala ako sa aso ko kaysa sa mga tao dito sa daang-riles.”           
       Mabuti na lamang, hindi nakatingin sa akin si Ka Amboy habang nagsasalita. Kaya hindi ako naghinala na kasama ako sa mga taong tinutukoy niya. Tama nga ang sinabi ni Ka Amboy, matagal ko na ring pinag-iisipan kung paano nabubuhay ang mga pamilyang nakatalatay papasok ng daang-riles. Pakiramdam ko nga, parang kami lamang ni Ka Amboy ang nagkakada-kumahog na maghanap-buhay. Sa umaga paglabas ko ng daang-riles, nakatambay na ang mga tao sa tigkabi-kabila ng makipot na daan. Sa hapon pagdating ko, mga lasing na at umaatungal na ang mga garalgal na karaoke sa mga maliliit na tindahan. Parang mga pensyonado. Saan kaya kumukuha ng ikabubuhay ang mga taong ito? Hindi naman sa mga lahi ni Ogag, dahil kailangan pa ang isang taon para makapagbenta ng aso.           
       Nasagot lamang ang ilang mga katanungan ko nang isang araw, bigla na lamang nagkaroon ng mga pulis patrol sa daang-riles. Anim na kalalakihan ang sabay-sabay na dimampot. Parang apoy na kumalat agad ang balita. Pugad daw ng mga bonnet gang ang daang-riles.Kung maraming bakas ang tumatapak papasok ng daang-riles sa araw-araw, isa na sa pinakamarami ay ang bakas ni Ogag, kalahati ng bakas ni Ka Amboy. Minsan, nakasalubong ko si Ka Amboy sa daang-riles habang ako’y papasok ng trabaho. Nang magkasalubong kami, nasa kamay ko na ang halagang ibabayad ko sa karneng kinuha ko sa kanya nang minsang magkatay ng baboy.           
       “ Ka Amboy, ito po iyong bayad ko sa karne,” wika ko.           
       “ Handa na agad ha,” nakangiting balik sa akin ni Ka Amboy.           
       “ Alam ko naman pong makakasalubong ko kayo. Nauna ko nang nakasalubong si Ogag,” sagot ko.           
       Nanatiling nakangiti si Ka Amboy. Inilipat sa kaliwang kamay ang ilang bitbit na plastic ng kaning-baboy at saka tinanggap sa akin ang pera.           
       “ Si Ogag na lang naman ang matapat sa akin,” tila wala sa loob na sagot ni Ka Amboy.           
       Sakay na ako ng bus paluwas ng Maynila, nasa isip ko pa rin ang huling tinuran Ka Amboy.           
        “ Si Ogag na lamang ang matapat sa akin.”            
       Sa halos limang taon na nang paninirahan naming mag-anak sa daang-riles. Marami na ring akong nalalaman tungkol sa buhay ng mga taong naninirahan sa nasabing lugar, isa na nga doon ay ang buhay ni Ka Amboy.           
       Dating nagtatrabaho sa Saudi si Ka Amboy. Panahon daw noon ng malaking suweldo, kaya naman, nakabili ng malaking lote at nakapagpatayo ng malaking bahay si Ka Amboy at napagtapos niya ang limang anak sa kolehiyo.            
        May nakapagsabi din na napakaraming malalaking alahas na ginto ang naiuwi ni Ka Amboy. Kompleto din ang mga mamahaling kagamitan sa kanilang bahay. Tatak-Saudi sabi nga ng mga taga-daang riles, subalit unti-unti rin daw naubos ang mga ito. May pamilya na ang limang anak ni Ka Amboy. Walang hanapbuhay ang tatlong lalaki niyang anak. Ang dalawang babae namang anak ni Ka Amboy ay nakapag-asawa rin ng mga lalaking walang ring tiyak na trabaho. Sa malaking bahay naninirahan ang lahat ng mga anak ni Ka Amboy at pamilya ng mga ito, naunawaan ko na kung bakit naubos ang naipong pera ni Ka Amboy kasama na ang mga alahas niya. Higit sa lahat, naintindihan ko rin kung bakit nagtitiyaga na lamang mamuhay mag-isa si Ka Amboy sa kanyang maliit na kubo sa loob ng kanyang piggery.           
        Minsan, pumasok ako sa loob ng bakuran ni Mang Amboy. Sumalubong sa aking ang napakaraming pusa at aso. Mabuti na lamang, ang mga asong alaga ni Ka Amboy ay tulad din ng ugali ni Ogag sa mga tao.           
       Abala sa paglilinis ng banlat si Ka Amboy.            
     " Anong lakad natin?” Tanong ni Ka Amboy sa akin.           
      “ Pahingi naman po ng isang tuta at isang kuting,” sagot ko.           
      “ Pumili ka na diyan,” kaagad na tugon ni Ka Amboy. Ni hindi na pinag-isipan ang desisyon na bigyan ako ng aking hinihingi.                      
        Bagama’t masigla pa si Ka Amboy sa pangangatawan. Hindi na rin maikukubli ng kanyang mukha ang mga karanasang dumaan na sa kanyang buhay.“ Sa Saudi, buhangin ang hinahalukay ko, dito sa Pilipinas, dumi ng baboy ang kinakaw-kaw ko,” pabirong lahad ni Mang Amboy.           
        “ Di bale ho, malaki naman kayong kikitaing pera,” balik ko sa kanya habang hawak ko na ang lalaking tutang nagustuhan ko.           
          Kibit-balikat lamang ang isinagot sa akin ni Ka Amboy.           
          “ Ang mga kuting, naroon sa tangkal,” aniya.

Pinatay ang gripo ng tubig at lumabas ng banlat si Ka Amboy.

            “ Dapat kumukuha na kayo ng boy dito sa piggery ninyo,” suhestiyon ko.             Ngumiti lamang si Ka Amboy. Bahagyang sulyap lamang ang itinugon at tinungo ang tangkal kung saan namamahay ang inahing pusa na may limang kuting.          

           “ Ito, tatlong kulay…babae,” pahayag ni Ka Amboy at inilahad sa akin ang kuting. Hindi ko na itinanong sa kanya kung bakit babae ang pusang may tatlong kulay.           

         “ Dapat namamahinga na lamang kayo,” patuloy ko.           

         “ Maraming magugutom,” kaagad na ibinalik sa akin ni Ka Amboy.            Sinamahan pa ako sa may trangkahan ng piggery ni Ka Amboy. Nang buksan niya ang pinto, agad na lumabas si Ogag.           

       “ Ogag, hindi tayo aalis,” untag ni Ka Amboy kay Ogag.

    “ Si Ogag na lang ang pinagkakatiwalaan ko,” dagdag pa ni Mang Amboy.           

        Marami pa sana akong gustong malaman tungkol sa kahulugan ng mga sinasabi ni Ka Amboy, subalit maaring kapangahasan na ang halukayin ko pa ang buhay niya. Sapat nasa akin ang unawain ang kahulugan ng kanyang mga sinabi batay sa aking nalalaman at nakikita.           

        Ang pagkawala ng mga taong dati niyang natulungan noong kumikita pa siya ng malaki sa Saudi. Ang patuloy niyang paghahanap-buhay upang matugunan ang pangangailangan ng kanyang mga anak, manugang at mga apo. Ang paninirahan niya sa kubo, gayong dapat sa malaki at kongretong bahay siya nakatira dahil iyon ay bunga ng kanyang dugo at pawis na ibinuhos noong sa pangingibang-bansa. Ang mga anak niyang pinag-aral sa kolehiyo, subalit patuloy na umaasa sa kanya ng mga pangangailangan para sa pamilya ng mga ito. Ang kanyang asawa na hindi na rin siya matanggap bilang katabi sa pagtulog dahil sa amoy ng kanyang mga alaga sa piggery.Ang mga katotohanang ito ang kahulugan ng mga sinasabi sa akin ni Ka Amboy. Nang imulat ko ang aking mga mata, papasok na ng Park ‘n Ride sa Lawton ang bus na sinasakyan ko.           

         Buong maghapon, itinuon ko ang pansin sa trabaho. At gaya ng lagi ko nang ginagawa. Nag send ako ng text message sa aking anak na nag-aaral sa isang University sa U-Belt. Ilang minuto lamang ang dumaan, dumating na ang binatilyo kong anak na first year college na sa kursong nursing.           

      Allowance para sa isang linggo ang ibinigay ko sa kanya.           

       Nang maghiwalay kami matapos kumain sa isang foodchain, tinanaw ko siya habang papatawid ng kalsada. Sa isip ko, sana naman, hindi maging katulad ng mga anak ni Ka Amboy ang aking panganay. Sana, wala akong Ogag na asahan sa aking pagtanda. Hindi ko alam kung bakit sa tuwing nakikita ko ang aking anak, naiisip ko lagi ang naging kalagayan ni Ka Amboy. Hindi ko maipaliwanag kong kaba o pananabik ang nadarama ko. Kaba sa pag-aalalang magiging tulad din ang anak ko ng mga anak ni Ka Amboy. Nakatapos nga ng pag-aaral, patuloy namang nakasandal pa rin kay Ka Amboy ang mga anak.           

         Para tuloy gusto kong balikan ang lesson namin sa mga kaugaliang-Pilipino na nagiging dahilan ng mabagal na pag-unlad ng mga tao. Ayon sa isang kong mag-aaral, isa raw sa kaugaliang ayaw niyang manatili sa mga Pilipino ay ang sobrang responsabilidad na nakaatang sa balikat ng isang ama. Para bang sa oras na magkaroon ng pamilya ang isang lalaki, kailangang kayanin ang mga responsabilidad na nakaatang sa balikat. Gayong maari namang pagtulungan ng bawat myembro ng pamilya ang mga tungkuling para sa buong pamilya.               

       Pinananabikan ko ang pagkakataong makita ko ang aking anak na nakatapos na rin ng pag-aaral at matutunan na ring mabuhay sa pamamagitan ng sarili niyang pagsisikap. Isang malalim na hugot ng hininga ang pinakawalan ko, pagkatapos muli akong humakbang papasok ng unibersidad.           

         Isang araw ng Sabado. Habang papalabas kami ng daang-riles ng aking asawa. Nakasalubong namin si Ka Amboy malapit sa labasan. Agad akong lumingon sa aming pinanggalingan upang alamin kung nakasalubong ba namin si Ogag. Subalit hindi ko natanawan si Ogag sa daang aming pinanggalingan. Wala si Ogag? Muli akong lumingon upang tiyakin kung talagang wala si Ogag. Naisip ko na baka nakikipaglampungan lamang si Ogag sa mga nanganganding inahing aso sa daang-riles. Wala talaga si Ogag.           

         Ibinalik ko ang aking paningin kay Ka Amboy. Ibig kong mabasa ni Ka Amboy ang katanungang alam kong nagawa kong isanib sa aking mga mata. Subalit inilayo ni Ka Amboy ang paningin sa akin, idinako sa aking asawa.            “ May lakad yata kayong mag-asawa a?” Bati sa amin ni Ka Amboy.               

         Bitbit ni Ka Amboy ang mga platic ng kaning-baboy sa kaliwang kamay, habang ang kanang kamay ay may hawak na tali.           

        Isang tuta ang nasa dulo ng tali. Napangiti ako sa bagong alaga ni Ka Amboy.           

         “ Kapatid yata po iyan ang tutang ibinigay ninyo sa akin?” Wika ko.          

        “ Oo, pinapraktis ko na,” nakangiting sagot ni Ka Amboy, ngunit hindi niya maikukubli sa akin ang lungkot ng kanyang mga mata. Noon ko lamang nakitang malungkot si Ka Amboy. Sa tuwing makakasalubong ko siya sa daang-riles, laging masigla at may ngiti sa mga labi tuwing babati sa akin.           

          Iba ngayon, pakiramdam ko, may kung anong nakakubling lungkot sa bawat sulok ng kanyang mga mata. Naisip ko tuloy, baka napagtripan na ng mga sunog-baga si Ogag at ginawang pulutan. O baka naman kaya, nagipit si Ka Amboy, nawalan ng pambili ng darak para sa mga alagang baboy at ibinenta si Ogag. Alam kong hindi gagawin ‘yon ni Ka Amboy. Buhay niya si Ogag. Kaibigan niya si Ogag. Mabuting kaibigan si Ogag, at higit sa lahat, mabuti pa si Ogag kaysa sa ugali ng ilang tao sa daang-riles.           

        “ Ibig sabihin, ayaw na ninyo kay Ogag?” Pabiro kong pahayag sa kanya.           

        “ Sumuko na si Ogag,” lahad ni Mang Amboy na sinundan ng hapit ng paghinga.           

          Gusto ko pa sanang makipagkuwentuhan kay Ka Amboy tungkol kay Ogag at sa bago niyang alagang tuta, ngunit iginiya na ako ng aking asawa papalayo kay Ka Amboy. Binalak ko na lamang na sa oras na makauwi kami, saka ko na lamang sasadyain si Ka Amboy sa kanyang kubo. Gusto kong itanong sa kanya kung nasaan na si Ogag.           

           Nakasakay na kami sa dyip nang magsalita ang aking asawa sa kanyang nalalaman tungkol kay Ogag.           

          “ Pinalitan na ni Ka Amboy ang kanyang alaga,” ayon sa aking asawa habang nakasakay kami sa dyip patungong palengke. “ Patay na si Ogag,” balik ng asawa ko.           

          Nabigla ako sa narinig. Hindi ko maipaliwanag kung bakit tila binalot ng kakaibang lamig ang buong katawan ko.            

          “Patay na si Ogag?” Ulit ko.           

          Para bang ‘tao’ ang namatay sa paraan ng pagtatanong ko sa aking asawa. Akala ko, nagbibiro lamang siya..           

          “ Nabangga ng bus sa highway si Ogag kahapon.” Tuloy nito.                     

          Putok ang balita sa daang-riles ang tungkol sa pagkasagasa kay Ogag. Kuwento pa ng asawa ko. Matapos daw na mabangga si Ogag, walang buhay itong tumilapon sa tabi ng kalsada. Duguan, lasug-lasog ang katawan.           

         Bumilis ang tibok ng aking dibdib. Habol ang paghinga. Dama kong tila sumisikip ang daluyan ng hangin sa aking dibdib. Mabilis ding daw dinampot ng mga kalalakihang nakatambay ang wala nang buhay na katawan ni Ogag.           

       “ Pulutan!” Sigaw daw  isang sunog-baga.           

       Subalit, agad daw na lumapit si Ka Amboy.           

       “ Hayup ka!” Mariing pahayag daw ni Ka Amboy sa lalaking may hawak kay Ogag.           

           Nahintakutan naman daw ang lalaki at agad na ibinigay kay Ka Amboy ang bangkay ni Ogag. Maingat na ibinalot daw  ni Ka Amboy sa isang sako ang  wala nang buhay na katawan ng matapat na alaga. Si Ogag.Tuluyang binalot ng ungkot ang sa aking pagkatao. Nauna na pala si Ogag, hindi sa daang-riles, kung hindi sa lugar kung saan, maari nang mamamahinga siyang mamahinga.           

          Ang tutang hila-hila ni Ka Amboy ay panibagong Ogag na maaring makasama niya sa araw-araw na pamumuhay. Dahil alam ko, nakatitiyak si Ka Amboy na ang katapatang hinahanap niya sa buhay ay hindi niya natagpuan kasama ng mga taong pinagsikapan niyang buhayin. Sa mga taong tinulungan niya noong siya’y kumikita pa ng malaking salapi. Ang katapatang nais niya’y natagpuan niya kay Ogag. Sana, ang tutang pinapraktis ni Ka Amboy ay maging tulad din ni Ogag. Wala sanang naghihintay sa aking Ogag na magiging matapat ko ring kaibigan pagdating ng panahon.

Si Crispulo S. Alarde, Jr. po ulit.


jonsdmur's picture

Okay para sa akin ang kwento

Okay para sa akin ang kwento ni Ka amboy at ogag... nakakalungkot ang sinapit ni ogag... noong nasa iloilo pa ako may aso akong alaga at minahal ko siya...

Maganda pero sana ma aayos pa ang mga talata para mas magandang basahin.. sa copy paste siguro yan...

Salamat sa iyong kwento... Kailangan ang isang tulad mo para lalo pong mabuhay ang kwentong pilipino...

 

Si jonsdmur ay simpleng tao lamang...

Ako ay nag propromote ng aking nobelang Doon lang, La traidora, Ako si Cocoy a virgin boy at My life story

Hatid ko ay aliw sa inyong laha

Salamat Dude,

Thank you sa comment. Tama ka, copy and paste ko lang talaga ang story ko dito sa site. Well, kung gusto mong maaccess sa sarili kong web ang original copy, i'll give my website next, kino-contruct ko pa kasi ang website ko. ok na sa akin na may nagcomment sa story ko, what ever it is, i will accept. Ganun lang naman di ba, sana, marami pa ring magising na mga diwa upang lalo pa nating mapaunlad ang panitikang Pilipino.

jonsdmur's picture

Tama ka sana lalo pang

Tama ka sana lalo pang mapaunlad ang panitikang pilipino. Sige hintay ko ang website mo.