Si Lolo Miguel at Ang Pusa

"Ming, Ming,  nasaan ka?" ang tawag ni Lolo Miguel sa kanyang alagang pusa.   "Ikaw na lamang ang kaibigan ko ay pinagtataguan mo pa ako."  At buong tiyagang hinanap ni Lolo Miguel ang kanyang alagang pusa.  

"Aha. at nariyan ka lang pala" ng makita ang kanyang alaga.  Pinangko niya ito at buong pagsuyong niyakap.  "Wag  mo na ko iiwan, ha?"

Si Lolo Miguel ay mahilig mag-alaga ng pusa.  Taliwas sa kanyang mga kapatid na aso ang gustong alaga.  "Very cute kasi ang mga pusa lalo na pag malinis at mataba."  madalas niyang sabihin sa amin.  

Si Lolo ay nagsimulang mahilig sa pusa buhat pa noong ika-pitong kaarawan niya kung kailan siya ay nakatanggap ng isang kuting buhat sa kanyang Lola Sepa. Simula noon ay nakapag-alaga na siya ng humigit kumulang sa sampung pusa hanggang sa siya ay magbinata.  Nanligaw siya kay Lola Merta at napagkasunduan nila na magaalaga pa rin sila ng pusa kahit sila ay kasal na.  Kaya nga kahit na noong ipanganak na ni Lola si Tatay ay di sila nawawalan ng pusa. 

"Lolo, bakit po pusa sa halip na aso ang iyong nakahiligang alagaan?" tanong ko sa kanya minsan.

"Alam mo apo,  ang aso ay alaga mo pero ang pusa ay ikaw ang kanyang alaga.  Tingnan mo ang aso, isang tawag mo lamang ay lalapit na agad at laging kumekembot ang buntot.  Ang pusa kung minsan, kahit anong tawag mo ay di ka papansinin.  Kaya sinasabing ang tao ang alaga ng pusa."  paliwanag ni Lolo Miguel.

Kaya si Lolo Miguel ay laging hinahanap ang kanyang pusa.  Lagi niya itong hinihimas sa baba at naririnig ko ang parang tricycle na tunog ng hininga nito.  Nag-eenjoy daw ang pusa pag ganun.

Kaya't kanina ng makita ni Lolo si Ming na kanyang alagang pusa ay buong giliw na niyakap ito at hinagkan.  Naupo siya sa kanyang rocking chair at siya ay nakatulog habang yakap yakap ang alagang pusa.

"Mommy, mommy, tingnan mo si Lolo Miguel" sabay hila ko kay Mommy at itinuro ko ang aking Lolo. "Hawak hawak na naman ang aking stuff toy at pahalik halik pa." "Hayaan mong mamahinga si Lolo mo, at talagang ganyan ang may Alhzeimer o nag-uulyanin"  ang sabi sa akin ni Mommy.


chris2pei's picture

lol xDD

lol xDD

emopencil's picture

ahm...

 Napatawa ako nung nabasa ko sa huli na stuff toy lang pala 'yung hawak ni lolo. Pero medyo nalito lang ako sa part na sinabi na may 'alhzeimer'ang lolo. Kung ganun man hindi ba dapat nalimutan na ni lolo na mahilig pala siya sa pusa. Ang 'alhzeimer disease' kasi ay 'yung sakit na kung saan malaking bahagi ng memorya ang nakalimutan na, ultimo 'yung mga ginawa pa lang niya kani-kanina lang ay nakakalimutan na. Madalas din na mainitin ang ulo nila at may tendency lagi na manakit Siguro mas maganda na 'ulyanin' na lang. Ganunpaman, nakakatuwa pa rin ang twist. Nagustuhan ko.

 

MABUHAY KA!!!

 

 

._.+'emopencil'+._.