Si Maricel Soriano sa T2 at si Hayden Kho sa U-tube

dyeppri's picture

Hindi pa man naipapalabas ang pelikulang ito ni Maricel Sorriano ay usap-usapan na maganda ang pelikulang ito, kakikitaan ng katatakutan. Sabagay kilala naman na nating lahat na magaling talagang actress siya at ilang beses na ring lumabas sa mga pelikulang Horror films katulad ng Shake Rattle and Roll. Ilang beses na rin siyang nanalo sa mga Film Awards at beterana naring artista.

  

Kasabay ng pag-ugong ng pelikulang ito ay ang pag-usbong din ng balitang may lalabas na video si Hayden Kho at starring din dito ang ibat-ibang babae na dumaan sa piling niya tulad ni Dra. Bello, Katrina Halili, Maricar Reyes at marami pang-iba. Hindi man katatakutan ang video na ito ay tila mas nakakatakot pa raw ito sa pelikulang T2 dahil kayang-kayang wasakin ang iyong dangal, puri at pagkatao sa isang iglap lamang.  Maging mapanuri at mapagmatyag at baka ikaw na ang susunod dito, ayun sa babala.

  

Nagsimula ang pelikula ni Maricel Soriano bilang si Claire na  nagtratrabaho sa isang traveling agency at nagvo- volunteer sa isang NGO  na siyang tagahatid sa mga batang ulila sa kung sino man na gusting kumupkop sa mga ito. Tumutulong siyang isaayos ang problema ng ibang tao bagamat may roon parin naman siyang mabigat na pansariling problema. Ang hindi pagkakaroon ng anak at ang pagdadalawang isip ng asawa niya sa kanya. Nagdesisyon ang mister niya na maghiwalay sila pansamantala. Sa sama ng loob ay nagpakalayo si Claire. Ginamit niya ang pagkakataon na iwaksi sa isipan niya ang sakit sa pamamagitan ng pagtulong sa isang bata na ihatid ito sa isang malayong probinsya, sa kikilalanin nitong mga magulang.

  

Masalimuot ang naging takbo ng mga araw ni Claire katulad ng salimuot na buhay na pinasok ni Hayden Kho nang lumabas ang mga videos niya. Hindi niya inakala na ang itinatagong video ng pakikipagtalik niya sa mga babae niya ay malalantad sa buong mundo. Hindi rin naman siguro niya ginustong ibuyayang ang hubad na katawan. Isang maling desisyon na naging ugat ng pagkakasira niya, hindi lamang sa kanya kundi marahil mas higit na mabigat pa sa mga babae na nagtiwala at nagmahal sa kanya ng lubos. Lubos dahil ibinigay nila ang buong sarili sa kanilang minahal. Kung alam lamang siguro ni Hayden Kho kagaya ni Claire ang magiging bunga ng kanyang maling kilos, kung nahuhulaan lamang sana ang kalalabasan ng  bawat desisyon ay hindi magkakagulo.

  

Simula ng makasama ni Claire si Angeli, ang batang ihahatid niya sa Maynila ay kung ano-ano ng hindi mapigilang hilakbot ang kinaharap niya at kinalaban. Ang hindi niya inaasahang tutulong sa kanya ay siya pa rin niyang naging sandigan. Katulad na lamang ng pagkakaalam ng iba na isang nasisiraan ng bait na matandang babae (Tetchi Agbayani). Tanto nitong matandang babaeng ito na ang lahat ay laro lamang. Kailangan tumakas dahil darating na ang hudyat ng kalagiman, ang alas tres na kukunin ang katauhan ng bata. Ibat-ibang nilalang pa ang nagsulputan, ang ang mga kakilala niya ay siya ring kumalaban sa kanya. Kung nakiramdam at nag-isip lamang sana siya sa kilos ng paligid niya ay hindi ito nagkaganito. Hindi niya alam kung papano makakawala sa bangungot na kanya ngayong kinahaharap.

  Bangungot ang kinahaharap ni Hayden Kho ngayon. Hindi siya makakatakas at kailangan niya itong harapin kasama ng mga taong nakapaloob sa istoryang ito. Nagpakalayo man sa ngayon si Dra. Bello ay  hindi pa rin ito ganap na makakatakas. Mauungkat at mauungkat pa rin ang lahat ng pangyayari kung hindi ngayon ay sa hinahaharap kung ano man talaga ang papel niya dito. Kung papano nadawit ang kanyang pangalan. Magkakaalam din kung sino ang tunay na salarin at biktima o kung ang lahat ay napaglaruan lamang. 

Nakisawsaw sa istorya ang ibat-ibang sangay ng Gobyerno sa kasong ito, katulad ng NBI, PNP, PDEA, pati Senado at iba pang mga artista. Naghahanap ng katarungan dahil may naapi daw at ito ay babae.May nagpakita ng kapangyarihan at may roong nagpapogi.

  

Sa huli ay nagapi din ni Claire ang kalaban at nailigtas sa kapahamakan si Angeli. Sa tulong ng asawa nito ay pinilit nilang gawing normal ang buhay ng bata. Akala ko ay duon na magtatapos ang pelikulang ito, sa isa nanamang panis na  happy ending. Ngunit, hindi pala. Anduon pa rin ang anino ng mga engkanto at nakasunod pa rin sa bata. Mukhang malayo pa ang tatakbuhin ng istoryang ito. Baka hindi lang sa part 2 matatapos ang kwento ng buhay ni Angeli….

  

Katulad ng buhay ni Dr. Hayden Kho at mga taong pumaloob sa kanyang istorya ay huhupa din ang mga usap-usapan. Matatapos ang mga kuweto sa lahat ng antas ng mga media. Masasapawan ito ng mas bagong kuwento. Ngunit hindi ito basta duon na lang magtatapos dahil maiiwan pa rin ang tatak na kinuha na sa kanya ang kanyang dangal. Hindi na maikakailang nalagyan na ng bahid ang puri ng bawat pumaloob sa kanyang istoryang.

  

Sa kabuuan ng T2 ay makikita na ang antas lamang ng pagganap ni Maricel Soriano ang nagpaangat ng istorya. Maraming tanong ang naiwan at hindi naipaliwanag ng maayos. May mga eksenang basta na lamang inilagay na parang itinapal na lamang. Katulad ng isang kaluluwa ng isang pandigmaang barko. May mga tauhan din na pumasok na lamang at nagsalita kahit wala namang saysay at bagkos ay nagpapagulo lamang. Kailangan pang limiin ang bawat tagpo upang matunton talaga kung ano man ang nais ipaabot nito sa tao. Walang pinagkaiba sa kwento ni Hayden Kho…sikat ngunit  masalimuot at nakakatakot.

  


cecil_adriano's picture

will people ever learn?

 di ko napanood pareho, pero sa tingin ko baka mas kumita pa ung video ni Hayden Kho, un lang walang talent fee ung mga kasama dun. Buti pa pelikula may talent fee. sabi nga ng isang DJ sa radio station, kelangan daw ni Hayden Kho ng director imbis na lawyer. siguro abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata. sabi mo nga malamang may part 2 pa ung T2 at ung kay Hayden Kho baka meron din. tutal parang sanay na rin naman ang mga tao sa mga ganyang pangyayari... i don't know if people will ever learn from those things.

Similar entries